Ilang segundo pa ang lumipas bago bumuga ng hangin si Ross. "You're such a tease," mahinang usal ng binata bago binuksan ang pinto sa tabi nito at bumaba ng sasakyan.
Huminga rin nang malalim si Bianca at kumilos upang buksan ang pinto sa tabi niya subalit naunahan na siya ni Ross. Inalalayan pa siya nito na makababa ng kotse.
Bigla na naman siyang na-tense nang muling mapatingin sa coffee shop. Noon lang niya naalala na ilang linggo pa lang ang nakararaan ay nagtatrabaho siya roon. Kilala pa siya ng guwardiya at ng staff. Sa pagkakataong iyon, malalaman na ni Ross ang sana ay aaminin na ni Bianca noong huli silang magkita roon—na hindi siya customer sa coffee shop kundi isa sa mga miyembro ng staff.
Pero wala na 'yon kompara sa iniisip niya na kabit ka ng isang matandang abogado, Bianca.
Hinawakan siya ni Ross sa siko at iginiya palapit sa entrada ng coffee shop. Napatingin sa kanila ang security guard at nanlaki ang mga mata nang makita siya. "Bianca? Ikaw ba 'yan?" manghang bulalas ng matandang lalaki.
Bahagyang ngumiti si Bianca at hindi pinansin ang nagtatakang tingin na ipinukol ni Ross sa kanya. "Ako nga ho ito, Mang Nestor."
"Aba, ibang-iba na ang hitsura mo ngayon, ah!" bulalas ni Mang Nestor at pinasadahan siya ng humahangang tingin.
Binitiwan ni Ross ang siko ni Bianca. Natigilan si Bianca nang bigla siyang akbayan ng binata at higitin palapit sa tagiliran nito. Sabay pa silang napatingin ni Mang Nestor kay Ross. Nakatiim ang mga bagang ng binata at mukhang sasabak sa away ang ekspresyon ng mukha. Napagtanto ni Bianca na marahil ay hindi nagustuhan ni Ross ang ginawang pagtingin ni Mang Nestor sa kanya. Muntik na niyang maitirik ang mga mata. Bakit ba ganoon ka-possessive kung makaasta si Ross? Hindi naman siya nito pag-aari.
"Tigilan mo nga 'yan," asik niya sa binata, pagkatapos ay hinarap si Mang Nestor at nginitian na tila humihingi ng pasensiya. "Papasok na ho kami sa loob."
"Ah, sige," sagot ni Mang Nestor na mukhang natakot kay Ross at umatras.
Kumalas si Bianca sa pagkakaakbay ni Ross at hinayaan naman siya nito. Itinulak niya pabukas ang glass door upang makapasok sila sa loob. Binati sila ng nasa counter. Napatingin siya roon at nakita si Abigail na ngiting-ngiting nakatingin sa kanya.
"Long time no see, Bianca!" bati ng dating katrabaho.
Gumanti ng ngiti si Bianca. Bigla siyang nakaramdam ng nostalgia kahit isang linggo pa lang naman mula nang umalis siya sa coffee shop. "Oo nga. Day shift ka pa rin pala hanggang ngayon."
"Oo. Ikaw lang naman daw ang nagtiyaga sa night shift nang matagal na panahon," sagot ni Abigail, pagkatapos ay sumulyap ito kay Ross bago nanunudyong ibinalik sa kanya ang tingin. "Mukhang sinuwerte ka, ah."
Nawala ang ngiti ni Bianca at sumulyap kay Ross na titig na titig sa kanya. Isang tingin pa lang sa mukha ng binata, alam na niyang gumagana na ang matalas na isip nito. Bumuntong-hininga siya at inalis ang tingin kay Ross. "Mali ka ng iniisip, Abigail. Mamaya na kami o-order, ha?" paalam niya sa dating katrabaho at nagpatiuna nang maglakad patungo sa mesang palagi nilang pinupuwestuhan noon ni Ross. May mga customer sa coffee shop nang mga oras na iyon at lahat ay nakatingin sa kanila ni Ross. Marahil dahil sa pormal na kasuotan nila.
Mabuti na lang at walang customer sa mesang pinupuwestuhan nila noon. Umupo si Bianca sa dating puwesto. Si Ross naman ay tahimik na sumunod lamang at hinila ang katapat na silya. Seryoso ang titig ng binata sa kanya nang magkaharap sila.
"So, hindi ka customer sa coffee shop katulad nang una kong akala," pagbasag ni Ross sa katahimikan. Tumango si Bianca. "May balak ka bang sabihin sa akin ang tungkol doon?"
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
RomanceLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...