Part 9

39.3K 947 17
                                    

"WHAT the hell?" hindi napigilan ni Ross ang manghang mapabulalas nang putulin ni Bianca ang tawag niya. Napahinto siya sa paglalakad sa lobby ng Bachelor's Pad at nakakunot ang noo na napatitig sa hawak na cell phone. Pagkatapos, tinawagan uli niya ang numero ni Bianca subalit out of coverage na. Pinatayan siya ng cell phone ng dalaga.

Sigurado si Ross na may nangyaring hindi maganda kay Bianca na ayaw sabihin sa kanya. But she did not have to reject him like that. Ayaw na raw siya nitong makita. Hindi man lang nagbigay ng kahit anong paliwanag kung bakit. At sa lahat ng ayaw niya ay iyong hindi siya binibigyan ng katanggap-tanggap na dahilan. That was one of his peeves as a lawyer.

Ngunit ang mas naka-offend kay Ross ay ang basta pambabale-wala ng dalaga sa namamagitan sa kanila. Sa nakaraang isang linggo, lalo na kaninang umaga, sigurado siya na may kung ano sa pagitan nila ni Bianca na hindi lang basta atraksiyon. For the first time in his life, he was feeling something more than physical desire for a woman. And he could tell that Bianca knew that there was something special between them too.

Subalit basta itinapon lamang iyon ni Bianca. Patunay na mali si Ross ng akala. Dumiin ang pagkakahawak niya sa cell phone. Ano na ang gagawin niya? Nasira na ang kanyang plano para sa gabing iyon. Nagpa-reserve siya kanina sa isang mamahaling restaurant na pagdadalhan dapat niya kay Bianca. Wala na siyang choice kundi ikansela ang reservation. Maaari niyang puntahan ang coffee shop bukas ng umaga para makita si Bianca subalit hindi siya makapaghihintay nang matagal doon.

Bukas din kasi ng umaga, kailangan ni Ross na puntahan ang isa sa mga kliyente niya na nasa Cebu. Kaya nga siya dumaan sa Bachelor's Pad para ihanda ang mga gamit na dadalhin bukas. Hindi niya alam kung gaano katagal siya mawawala. Depende kung gaano katagal niya makukumbinsi ang kliyente at ang iba pang kasama nito na huwag makipag-areglo at iatras ang kaso. Iyon kasi ang itinawag ng kanyang kliyente kaninang umaga. Nilapitan diumano ito ng abogado ng kalaban nilang kompanya para makipag-ayos na lang. Hindi papayag si Ross.

So what now? Babae o trabaho? Kung noon iyon nangyari, walang laban ang babae sa kanyang trabaho. Subalit ngayon?

"Isipin mo na lang isa ako sa mga babaeng nakilala mo lang sa kung saan at hindi mo na makikita. Humanap ka na lang ng ibang makaka-date, okay?"

Nagtagis ang mga bagang ni Ross nang maalala ang sinabing iyon ni Bianca. Dapat pa ba niyang habulin ang isang babae na ganoon lang kababaw ang tingin sa kanya? Sa tingin ba ni Bianca, nagtitiyaga siyang magpabalik-balik sa coffee shop sa loob nang isang linggo dahil lang kailangan niya ng simpleng date?

"Damn her," gigil na usal niya.

"Sino ang kaaway mo?" biglang tanong ni Keith mula sa likuran ni Ross.

Nang lumingon siya, nakasungaw si Keith sa pinto ng opisina kung saan nito hinaharap ang mga bagong residente at kung sino-sino pa. Gabi na nga pala kaya gising na gising na si Keith.

Bumuga ng hangin si Ross at marahas na umiling. "Women. I still can't figure them out."

Tumawa si Keith. "But I do. Kailangan mo ng payo?"

Saglit lang na nag-isip si Ross bago umiling. "Nah. I'll just get a drink inside." Itinuro niya ang pinto ng common area. "Pagkatapos, aakyat na ako sa unit ko. May out of town ako bukas."

"Sigurado ka?" tanong pa ni Keith.

"Oo. Just get back to whatever you were writing," pagtataboy ni Ross sa lalaki. Isang international best-selling author si Keith. Ayaw lang nitong sabihin kung ano ang isinusulat.

Tumango si Keith at muling sumara ang pinto ng opisina.

Naiwan si Ross sa lobby at muling napabuga ng hangin. Saglit na luminaw sa kanyang isip ang mukha ni Bianca. Naalala niya nang lumapat ang kanyang mga labi sa pisngi ng dalaga kaninang umaga. Kung alam lang niya na hanggang doon lang ang mamamagitan sa kanila, sana pala ay hindi lang ito sa pisngi hinalikan. He would have given to his desire and kissed her lips.

Ngayon, hindi na malalaman ni Ross kung ano ang pakiramdam na mahagkan ang mga labi ni Bianca. Napabuga na naman siya ng hangin at namura ang sarili, pagkatapos ay naglakad papasok sa common area at dumeretso sa bar. He badly needed a drink.

NAGKAMALAY na ang ina ni Bianca kinabukasan. Iyon nga lang, may oxygen mask pa rin ito at halatang mahina pa rin. Ginagap ni Bianca ang isang kamay ng nanay niya at inilapit ang mukha rito. "Kumusta po ang pakiramdam ninyo, 'Nay?" mahinang tanong niya.

Bahagyang ngumiti ang nanay niya at tila may sinabi subalit masyadong mahina dahil natatakpan ng mask ang bibig. Pero naintindihan pa rin niya ang gustong sabihin ng kanyang ina—na okay lang ito at wala siyang dapat ipag-alala. Kung hindi lang niya nakausap ang doktor ay baka maniwala siya.

Huminga nang malalim si Bianca at pilit na gumanti ng ngiti. "Kailangan n'yo raw munang manatili sa ospital hanggang gumaling ka nang tuluyan."

Nawala ang munting ngiti ng nanay niya, napalitan ng pag-aalala. Bumuka ang mga labi nito at sa mahinang tinig ay nagsalita, "Magastos."

Humigpit ang hawak niya sa kamay nito at umiling. "Huwag n'yo nang intindihin 'yon. Ako na ang bahala. May ipon ko."

"Ang pag-aaral mo..." mahinang usal pa rin ng nanay niya.

May naramdamang kirot sa puso si Bianca. Malamang ay hindi na naman matutuloy ang kanyang pag-aaral. Sa katunayan, kulang na kulang talaga ang kanyang ipon para sa hospital bill at mga gamot na kailangang bilhin. Magdamag siyang nag-isip kung paano mapupunuan ang kakulangan sa panggastos sa ospital at bago magising ang kanyang ina ay may nabuo na siyang plano. Subalit wala siyang balak na sabihin iyon dito.

Muling ngumiti si Bianca. "Wala namang age limit ang kolehiyo. Ako na ho ang bahala. Basta magpahinga kayo rito at magpalakas, okay?"

Ilang sandaling tinitigan lamang siya ng kanyang ina. Sa maikling sandali, pakiramdam niya ay nababasa nito ang kanyang iniisip. Ngunit bahagya lang tumango ang nanay niya at muling pumikit. Matagal siyang nanatili roon hanggang lumalim ang tulog nito. Pagkatapos, marahan niyang pinakawalan ang kamay nito. Sa totoo lang, ayaw ni Bianca na iwan doon ang kanyang ina nang mag-isa. Ngunit kailangan niyang umalis nang araw na iyon, hindi patungo sa trabaho dahil tumawag siya kani-kanina lang sa kanyang boss para humingi ng indefinite leave. Isasakatuparan niya ang nabuong plano bago pa siya mawalan ng lakas ng loob at kainin ng pride.

Kailangan niyang lumapit sa kanyang ama.

Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon