Part 28

42.8K 980 17
                                    

KINABUKASAN, nagising si Bianca na balot na balot ng comforter at nakahiga sa malambot na kama. Napabangon siya at napagtantong walang kahit anong saplot sa katawan sa ilalim ng comforter. Nasa loob siya ng malaking silid na sa isang panig ay may malalaking salaming bintana na halos masakop ang pader.

Natatandaan ni Bianca na kagabi ay binuhat siya ni Ross patungo sa silid. Katulad ng ilang beses na nangyari, napagtanto niya na malayo si Ross sa una niyang impresyon. For someone who claimed to be a womanizer, he was careful and sweet in his lovemaking.

Napatingin siya sa espasyo sa kama sa kanyang tabi. Hinaplos niya iyon. Medyo mainit-init pa. Wala si Ross sa silid subalit pakiramdam niya ay binabalot siya ng pamilyar na amoy ng binata. Para bang kahit wala roon ang pisikal na katawan ni Ross, naroon pa rin ang presensiya nito, nakadikit sa kanyang balat.

Nag-inat si Bianca at binale-wala ang bahagyang pananakit ng katawan. Bumaba siya mula sa kama at akmang tutungo sa banyo nang mapaigtad sa pagtunog ng kanyang cell phone. Napalingon siya sa nakapinid na cabinet sa isang panig ng silid. Lumapit siya sa cabinet at binuksan. Naroon na ang mga gamit nila ni Ross. Kinuha niya ang cell phone na nakapatong sa mga damit na binili ng binata para sa kanya. Sumikdo ang kanyang puso nang makita ang pangalan ni Mrs. Charito sa screen. Huminga siya nang malalim bago sinagot ang tawag.

"Bianca? Pabalik ka na ba ng Maynila? Nandito ako sa ospital. Hinahanap ka ng nanay mo. May problema..." nag-aalalang sabi ng ginang mula sa kabilang linya.

Na-tense si Bianca at napaderetso ng tayo. "A-ano ho 'yon? May nangyari bang... m-masama kay nanay?" natatarantang tanong niya.

"No, hindi 'yan ang problema. Ang sabi ng nurse, kagabi raw ay nagmatigas na lumabas ang nanay mo ng kuwarto dahil naiinip na. Sinamahan siya ng nurse. Nagkataon na pagpunta nila sa lobby, nakita ng nanay mo ang balita sa telebisyon. At nakita ka niya sa TV kasama ang tatay mo."

Umawang ang mga labi ni Bianca at bigla siyang nanghina. Oo nga pala. Kahit hindi siya makilala ng mga tao sa kanyang transpormasyon, imposibleng hindi siya makilala ng kanyang ina. "A-ano ho'ng sabi niya?"

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Mrs. Charito. "She was devastated. Umiiyak siya at hinahanap ka sa akin. Bumalik ka na, Bianca. Hindi ko pa napapanood ang balitang nakita niya dahil hindi naman ako mahilig magbukas ng TV pero matindi ang naging epekto niyon sa nanay mo."

Humigpit ang pagkakahawak niya sa cell phone. "Sige ho. Pabalik na ako." Mabilis niyang tinapos ang tawag, pahagis na ibinalik sa cabinet ang cell phone, at halos takbuhin ang banyo. Saglit lamang ay tapos na siyang maligo. Nakatapi ng tuwalya na muli siyang nagtungo sa silid upang magbihis.

Noon bumukas ang pinto. Napaigtad si Bianca nang pumasok si Ross sa kuwarto.

"Hey, good morning," bati ng binata at akmang ngingiti subalit natigilan nang marahil ay makita ang panic sa kanyang mukha. Ilang hakbang lamang at nasa harap na niya ito. "Ano'ng problema?"

Kumapit siya sa mga braso ng binata. "R-Ross, kailangan kong bumalik ng Maynila. Ngayon na."

Na-tense si Ross. "Bakit?"

"Kailangan ako ng nanay ko. Please, Ross, ibalik mo na ako ng Maynila. Kailangan kong magpunta ng ospital," pakiusap ni Bianca.

Tumiim ang mga bagang ng binata na parang nakikipagtalo sa sarili.

Sinalubong niya ang mga mata nito. "Ross, please."

Humugot ng malalim na hininga si Ross. "Sige. Magbihis ka na. Babalik na tayo ng Maynila."

Nakahinga nang maluwag si Bianca at hindi napigilan ang sariling yakapin ang binata. "Thank you," usal niya.

Gumanti ng mahigpit na yakap si Ross bago siya marahang pinakawalan upang makapagbihis.

Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon