INAYOS muna ni Bianca ang sarili sa restroom at nag-freshen-up ng makeup upang hindi mahalata ng kanyang ina na umiyak siya bago nagtungo sa silid nito sa ospital. Dapat ay nakangiti siya kapag humarap sa nanay niya.
Gising ang kanyang ina nang makarating sa silid nito. Natigilan siya nang mapagtanto na may bisita ang nanay niya. Nakaupo si Mrs. Charito sa silya na nasa tabi ng kama. Sabay pang napatingin ang dalawa nang pumasok siya sa silid.
"Hello, Bianca. Nabalitaan ko ang nangyari kay Jackie mula sa isa kong kasambahay kaya dinalaw ko siya," sabi ni Mrs. Charito na tuwid na tuwid ang likod habang nakaupo sa silya ngunit may malambot na ekspresyon sa mukha.
"Salamat po sa pagdalaw, Mrs. Charito," sagot niya.
Maganda si Mrs. Charito kahit may-edad na. Katulad ng nanay ni Bianca, may mababanaag na fragility kay Mrs. Charito. Ngunit may kasama iyong kakaibang aura; something dark and a little disturbing. Minsan, may kislap sa mga mata ng ginang na sa kung anong dahilan ay ikinababahala ni Bianca. Pero madalas naman, ganoon ang hitsura ni Mrs. Charito, mukhang anghel na sugo ng langit para sa kanilang mag-ina.
Tuloy, kahit mabait si Mrs. Charito sa kanilang mag-ina, minsan ay naiilang pa rin si Bianca sa babae. Ang sabi ng nanay niya, hindi raw kasi naging maganda ang karanasan ni Mrs. Charito sa naging asawa nito. Sa bagay na iyon ay magkatulad si Mrs. Charito at ang kanyang ina, parehong nasaktan dahil sa lalaking inibig.
"Bianca?" mahinang tawag ng nanay niya na nagpahinto sa kanyang sandaling pagkatulala.
Napakurap-kurap si Bianca at mabilis na lumapit sa kama ng nanay niya at ngumiti. "Kumusta na po ang pakiramdam ninyo?"
Pinagmasdan siya ng kanyang ina. "Ano'ng nangyari? Hindi ka mukhang okay," mahinang usal nito.
Natigilan siya at sandaling sumulyap kay Mrs. Charito na nakamasid din sa kanya. May pakiramdam siya na tulad ng kanyang ina, alam din ni Mrs. Charito na hindi siya okay.
Muling bumaling si Bianca sa ina at hinaplos ang buhok nito. "Okay lang po ako, 'Nay. Huwag n'yo akong intindihin. Basta magpagaling kayo, ha?" alo niya.
"Tama ang anak mo, Jackie. Magpagaling kang mabuti. Don't worry. I'll take care of your daughter," sabi ni Mrs. Charito na may mabait na ngiti sa mga labi.
Mukhang nakalma ang kanyang ina. Mayamaya ay napansin niyang namimigat na ang mga mata nito. Ipinagpatuloy niya ang paghaplos sa buhok ng nanay niya hanggang tuluyan itong makatulog. Mas mukhang mahina ang kanyang ina kapag natutulog. Sumagi sa isip ni Bianca ang naging pag-uusap nila ni Ferdinand Salvador at parang may asidong gumuhit sa kanyang sikmura at nanikip ang kanyang dibdib.
Pagkatapos ay napuno ng galit ang kalooban ni Bianca at kinailangan niyang ilayo ang kamay sa buhok ng kanyang ina upang maikuyom nang mariin ang mga iyon. Nagtagis ang kanyang mga bagang. Namumuhi siya sa kanyang ama sa napakaraming dahilan—sa pagtangging tulungan siya, sa pagtatakwil nito sa kanyang ina, at ngayon ay sa kanya na rin. Gusto niyang magsisi ang kanyang ama sa lahat ng ginawa nito sa kanilang mag-ina. She wanted to punish him. Subalit hindi niya alam kung paano.
Napaigtad si Bianca nang maramdaman ang paghawak ni Mrs. Charito sa kanyang balikat. Ipinihit siya ng matandang babae paharap dito. Puno ng simpatya ang ekspresyon sa mukha ni Mrs. Charito. Umangat ang malayang kamay nito at hinaplos ang kanyang pisngi.
"You are not okay," bulong ni Mrs. Charito.
Noon napagtanto ni Bianca na umiiyak siya. Iginiya siya ni Mrs. Charito sa direksiyon ng pinto. "Let's go outside para hindi magising si Jackie," muling bulong nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
Lãng mạnLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...