NAHULI ng dating si Ross sa venue ng charity event na dadaluhan ng mga residente ng Bachelor's Pad para sa buwang iyon. May kinailangan pa kasi siyang tawagan. Pagdating sa venue, dere-deretso siyang nagpunta sa mesang nakalaan para sa kanila. Naroon na si Rob kasama si Daisy at ang iba pang residente ng Bachelor's Pad.
Napakunot-noo si Ross nang mapansing seryoso ang ekspresyon sa mga mukha nina Jay at Charlie at tila may tinitingnan. "Ano'ng problema?" tanong niya nang makalapit. Lalo na at naramdaman niya na may kakaibang tensiyon at pagkakaingay sa paligid.
"Salvador is in big trouble now," naiiling na sabi ni Charlie.
Kumabog ang dibdib ni Ross at na-tense. Hindi maganda ang kutob niya sa sinabi ng kaibigan. Agad na iginala niya ang tingin sa paligid. "She's here?" Alam niya na tumaas ang kanyang tinig dahil biglang napatingin sa kanya sina Rob.
"Paano mo nalaman na siya ang tinutukoy ko?" nagtatakang tanong ni Charlie.
"May nasabi na sa akin si Salvador tungkol sa kanya," sagot na lamang ni Ross na iginagala pa rin ang tingin sa paligid. Pagkatapos, huminto ang tingin niya sa nakatalikod na babaeng nakasuot ng pulang long gown. Napaderetso siya ng tayo dahil biglang nabuhay ang kanyang dugo. Kahit nakatalikod ang babae, sigurado siya kung sino ito.
Bianca. She's really here.
"Dumating dito 'yong rumored mistress ni Ferdinand Salvador," sabi ni Jay. "Lumapit talaga siya kay Salvador and guess what she did? She kissed him, sa harap ng asawa ng superior mo at ng mga kapartido niya."
Kumuyom ang mga kamay ni Ross at parang may sumuntok sa kanyang sikmura sa ibinalitang iyon ni Jay. Bianca had kissed another man. Hindi niya iyon matanggap.
"Sa tingin ko, dapat ay may mag-alis sa babaeng iyon dito. Distracted na ang lahat ng tao hindi pa man nagsisimula ang event. Nagpipiyesta na ang press. Tiyak na laman ng balita si Salvador mula ngayon. Masuwerte siya na hindi pa umaalis sa tabi niya ang kanyang asawa," sabi naman ni Charlie.
Sunod na hinanap ng tingin ni Ross si Ferdinand. Nasa isang panig ang kanyang superior, kasama ang mga kapartido at may nakapalibot na press. Kalmado ang ekspresyon sa mukha ni Ferdinand habang sumasagot sa kung ano mang itinatanong dito. Subalit napansin niya na matalim ang tingin nito sa kinaroroonan ni Bianca.
"Wow, what a drama. Dapat yata ay tumawag na rin ako ng reporter from my TV network to cover this," sabi ni Daisy.
Marahas na napabaling si Ross sa babae. "No!" malakas na sambit niya bago pa napigilan ang sarili.
Halatang nagulat, hindi lamang si Daisy kundi maging ang lahat ng mga kaibigan.
"What's wrong, Ross?" nagtatakang tanong ni Keith na lumapit na rin sa kanila.
Hindi na masyadong pinansin ni Ross ang katotohanang naka-suit si Keith at hindi balbas-sarado sa araw na iyon. Mas may ibang pumupuno sa kanyang isip. The woman in red, standing a few meters away from him. Huminga siya nang malalim at naging determinado. "I'm sorry I have to go. May kailangan akong asikasuhin." Iyon lang at tinalikuran na niya ang mga kasama at itinutok ang tingin kay Bianca na tila walang pakialam sa atensiyong nakukuha.
Malalaki ang hakbang na naglakad si Ross palapit sa dalaga. Mukhang naramdaman ni Bianca ang paglapit niya dahil biglang dumeretso ng tayo ang dalaga at bumaling sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito nang magtama ang kanilang mga mata. Siya naman ay muntik nang malaglag ang mga panga nang humarap si Bianca. Matagal na niyang alam na maganda si Bianca. Subalit nang mga sandaling iyon, she was more than beautiful. She was... so breathtakingly gorgeous that looking at her made him almost dizzy.
Kumurap si Bianca at nailapag ang baso ng champaigne sa mesang nasa harap nito. Kasabay niyon ay nabalik sa huwisyo si Ross at nakapagdesisyon. Kailangan niyang alisin si Bianca sa lugar na iyon. Nang nasa mismong harap na siya ng dalaga ay hinawakan kaagad niya ang siko nito.
"Let's get out of here," seryosong sabi niya.
Mukhang nakabawi agad si Bianca sa pagkabigla, bumakas ang inis sa mukha nito. "Bakit?" mahina ngunit puno ng pagrerebeldeng asik nito.
Bahagyang humigpit ang hawak ni Ross sa siko ng dalaga. Yumuko siya at inilapit ang mukha rito. Namilog ang mga mata nito at namula ang mga pisngi. Lalo niyang nasiguro na attracted din sa kanya si Bianca. Sigurado siyang may dahilan kung bakit hindi nito maiwan si Ferdinand Salvador at kung bakit sinasadya nitong magpakita sa madla. Aalamin niya ang dahilan ni Bianca. Aalamin niya ang lahat ng tungkol sa dalaga. Sa ayaw at sa gusto nito.
Narinig ni Ross ang pagsinghap ni Bianca nang ilapit niya ang bibig sa tainga nito. Sa kabila ng lahat, bahagya siyang napangiti. Lumakas ang kanyang loob. "Kapag hindi ka sumunod sa akin, hahalikan kita sa harap ng mga taong ito. I'm serious, Bianca," bulong niya.
Naramdaman niya na lalong na-tense ang dalaga. "Hindi mo gagawin 'yan," mahinang asik nito.
Bahagyang inilayo ni Ross ang mukha sa mukha ni Bianca at sinalubong ang mga mata nito. "Sa tingin mo?" nanghahamong tanong niya.
May kumislap na pag-aalinlangan sa mga mata ng dalaga. "Bakit mo ba 'to ginagawa?" mahina pa ring tanong nito.
"Ako dapat ang nagtatanong niyan sa 'yo. Sinasadya mong gumawa ng eksena. Nagpunta ka pa rito para ipakita sa lahat kung sino ka sa buhay ni Ferdinand. I don't like it, Bianca. Hindi ko gusto na pinapalabas mo sa lahat ng tao rito na masama kang babae," mahina ring sagot ni Ross.
May kumislap na emosyon sa mga mata ng dalaga na tumagos sa puso ni Ross. He even saw a hint of vulnerability na agad ding nawala. Subalit sapat na ang maikling sandaling iyon para hindi niya mapigilan na tawirin ang pagitan ng kanilang mga mukha at masuyong halikan ang gilid ng mata ni Bianca.
Natigilan ang dalaga. "Ano'ng ginagawa mo?" bulong nito subalit wala na ang galit sa tinig. In fact she was almost breathless.
Inilayo niya ang mukha at bahagyang ngumiti. "Binubura ang espekulasyon nila tungkol sa 'yo. I am showing them that you are not someone else's woman. That you are mine."
Namilog ang mga mata ni Bianca at namula ang mukha. "I am not yours," she said with gritted teeth.
Umangat ang mga kilay niya. "Ngayon, siguradong iba na ang tingin ng lahat ng tao dito."
Sa sinabi ni Ross, pasimpleng iginala ni Bianca ang mga mata. Kahit hindi lumingon si Ross, alam niya na nasa kanila ang atensiyon ng lahat. Nang mag-angat siya ng tingin, dumako ang tingin niya kay Ferdinand Salvador. Nagtama ang mga mata nila ng matandang abogado. Dapat ay magalit siya kay Ferdinand dahil ito ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang dapat ay relasyon nila ni Bianca. Kung wala lamang si Ferdinand sa eksena, wala sana sila sa ganoong sitwasyon ni Bianca. Subalit nang mabasa ni Ross ang pasasalamat at pakiusap sa mga mata ni Ferdinand, hindi niya magawang tuluyang magalit dito. The man cared for Bianca. Iyon ang sigurado niya.
But I care for her more. And she would never be my number two. Dahil siya lang ang babaeng gusto ko, sabi ni Ross sa isip. Muli niyang ibinalik ang tingin sa mukha ni Bianca at nagtama ang mga mata nila. "Now, let's get out of here, sweetheart," yakag niya.
Bago pa muling makapagprotesta ang dalaga, inalis na niya ang paghawak sa siko nito at inilipat sa baywang. Hinigit niya si Bianca palapit sa kanyang katawan at ngumiti nang salubungin ng dalaga ang kanyang tingin. "Sumunod ka na sa akin. Unless you want me to kiss you in front of all these people?" pananakot niya.
Mariing naglapat ang mga labi ni Bianca.
Umangat ang malayang kamay ni Ross at hinaplos ang gilid ng mga labi ng dalaga. Mukhang nagulat ito dahil nawala ang inis sa mukha. Ngumiti siya. "Smile. Everyone is looking," bulong niya.
Pilit na ngumiti si Bianca, mukhang mas para inisin siya kaysa sumunod sa kanyang sinabi. Muntik na siyang matawa subalit pinigilan niya ang sarili.
"That's better." Inakay na ni Ross ang dalaga palabas ng venue. Nakasunod ang tingin ng lahat sa kanila at sigurado siya na puputaktihin siya ng mga tanong ng mga kaibigan sa susunod na magkita-kita sila. Subalit nang mga sandaling iyon, wala na siyang pakialam. Ang mahalaga, nasa mga bisig niya si Bianca.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZER
Roman d'amourLaki sa hirap si Bianca. Dalawa ang trabaho niya para lang maka-survive sila ng sakiting ina sa araw-araw. Kaya nang makilala niya si Ross at hayagang magpakita ng interes sa kaniya, nakaramdam siya ng insekuridad. Ross is the embodiment of an eligi...