Oath of Love
Written YuanKabanata 13
Matapos ibalita sa akin ni Auntie ang nangyari kay Inay, 'di na ako nag-atubili pa. Tumungo agad ako sa ospital na pinagdalhan sa kanya.
Kanina pa ako palakad-lakad dito sa labas ng kwarto niya sa ospital. Hindi ako mapakali. Hinihintay ko na lumabas ang duktor para kumustahin ang lagay niya.
Panay ang tingin ko sa orasang nasa dingding. Halos isang libong hakbang na ata ang nagawa ko sa kakapalakad-lakad dito.
Hindi ko maiwasang mag-alala sa kundisyon niya. Kamusta na kaya siya? Bakit kung kailan naman ang saya saya ko kanina tsaka mangyayari ito?
Bakit may kapalit agad?
"Angela, huminahon ka muna. Magiging maayos din ang kalagayan ng nanay mo," saad ng Auntie ko.
Napatingin lang ako sa kanya.
Umupo ako tsaka yumuko at taimtim na nagdasal. Tumabi naman agad sa akin si Auntie tsaka hinimas-himas ang balikat ko.
"'Wag kang mag-alala, iha. Magiging maayos din ang lahat." Pagpapalakas niya ng loob ko.
"Ano po ba ang nangyari, Auntie?" tanong ko na bakas pa rin sa mukha ang pagkabalisa.
"Bigla siyang nawalan ng malay habang nagdidilig ng halaman sa bakuran. Mabuti't palabas ako ng bahay at natanaw ko siya kung hindi, wala tayong kamalay-malay na natumba na siya."
"Si Itay po nasaan?"
"Hmp! Hindi ko nga alam kung nasaan 'yon, e. Baka nag-iinom na naman ang lintik na 'yon!"
Nakita kong gumuhit sa mukha ni Auntie ang pagkainis.
Napailing na lang ako.
Si Auntie Lailanie ang mas nakatatandang kapatid ni Inay ngunit walang asawa. Tumanda na siyang dalaga dahil 'yung kaisa-isang lalaking minahal niya noon ay maagang binawian ng buhay dahil sa isang aksidente.
Alam niya rin kung paano maghirap ang kapatid niya nung napangasawa si Itay kaya ganoon na lang siguro yung galit niya dun.
Hindi ko naman siya masisisi dahil saksi naman ako sa lahat ng paghihirap ni Inay sa kamay ng sarili kong tatay.
Kailan nga ba naasahan si Itay? Wala akong matandaan. Ang alam lang nun e, uminom-inom at maglasing. Bata pa lang ako, ganon na siya. Walang nagbago do'n.
Kaya alam ko na rin naman na hindi aasenso ang buhay namin kung aasa lang sa kanya.
"Mabuti pang hintayin na lang natin ang duktor para malaman natin kung bakit. Huminahon ka muna riyan, anak."
Tumango ako tsaka paulit-ulit na nagdasal sa isip.
Nanlalamig ang mga kamay ko. Balisa pa rin at kabado sa kung ano na ang nangyari kay Inay. Sige pa rin ang dasal ko.
Nakita kong lumabas ang duktor mula sa silid ni Inay.
Tumayo ako agad para lumapit at magtanong sa kanya.
"Doc, ano na pong kalagayan ng nanay ko?" nag-aalala kong tanong.
"Ikaw ba ang anak ng pasyente?"
"Opo."
"Iha, malala na ang sakit ng nanay mo," sabi ng duktor.
Nanghina ako nung marinig ko ang sinabi niya.
"Ano po ba ang sakit niya?"
"Malala na ang TB niya. Kailangan niya nang matinding gamutan para maagapan ang sakit niya."
BINABASA MO ANG
Oath of Love
RomanceTrue love is when someone is willing to be with you even at the hard times. Someone who will do everything just to prove his/her love. Pero paano kung tadhana na mismo ang naglalayo sa inyong dalawa? Paano mo pa ipaglalaban ang pagmamahal na pinagk...