Chapter 1:

6.1K 88 4
                                    

HIDDEN LOVE

Jinky Tomas

Masayang masaya ang dalaga habang namimitas ng mga bulaklak ng kalabasa sa isang ektarya nilang lupain. Simple lang ang kanilang pamumuhay at ang pagtatanim ng kalabasa ang nakakatulong sa kanilang pang araw-araw na gastusin. Ibinebenta nila ang mga bulaklak at bunga ng kanilang tanim ng pakyawan. Pero hindi niya minsan ininda at nagreklamo sa mga magulang kung bakit hindi maginhawa ang kanilang pamumuhay. Palibhasa mayaman siya sa pagmamahal at pag-aaruga ng mga ito.

Nasa huling semester na siya ng huling antas sa kolehiyo sa susunod na pasukan. Kapag makatapos siya sa kanyang kursong nursing ay matutulungan na rin niya ang mga magulang sa paghahanap buhay. Kaya nga minsan ay hindi niya naisipang makipagrelasyon muna dahil gusto niyang focus siya sa kanyang pag-aaral. Lalo pa at nakikita niya ang pagsisikap ng kanyang mga magulang para maitaguyod ang kanyang pag-aaral.

Kahit mahirap lang siya hindi naman siya pahuhuli sa mga dalagang mayayaman sa kanilang bayan. Lalo na at natural ang kanyang ganda. Maaliwalas ang kanyang mukha kahit pa manipis lang ang inilalagay na pulbos at likas namang mapula ang mga maninipis niyang labi. Katamtaman ang tangkad at balingkinitan ang katawan. Kahit pa sabihing sanay siya sa mga gawaing bahay at sa kanilang bukid ay malalambot ang kanyang mga palad dahil palaging may suot siyang sapin sa kamay.

Binibiro nga siya ng ama na hindi maganda sa isang nars ang magaspang ang mga palad lalo pa daw at may hitsura siya. Walang pagsidlan ang kanyang katuwaan dahil sa mga sariwang bulaklak. Naisip niya, maganda na ang bulaklak ay nakatutulong pa ito sa kanilang buhay. Pinili niya ang pinakasariwa at pinakamagandang bulaklak at inilagay iyun sa isang tainga at masayang nagtungo sa kanilang bahay.

“Nanay! Ang sipag ng mga tanim natin. Hindi sila nauubusan ng bulaklak. Parang nagyayabangan sila kung sino ang may pinakamaraming bulaklak!” Tuwang tuwa ang dalaga habang nakatingin sa ina.

“Salamat naman kung ganoon anak, tiyak na matutuwa na naman ang suki ko. Idedeliber namin mamaya ng tatay mo.”

“Pwede ba akong sumama ‘nay?” paglalambing nito sa ina at kinagat ang sandwich na ginawa ng ina para sa kanya.

“Dumito ka na lang anak. Kami na lang ang bahala.”

“Sige basta sa susunod Nanay, sasama na po ako ha?”

“Oo, anak

Hindi alam ng dalaga kung bakit ibayong lungkot ang nararamdaman niya habang inaayos nila ng kanyang mga magulang ang mga paninda sa second hand nilang traysikel. Hindi niya malaman kung dahil ngayon lang siya hindi isinama ng mga magulang, samantalang tuwing bakasyon ay kasama siya palagi. Dahilan ng kanyang ama na medyo malayo ang pupuntahan nila at mapapagod lang siya.

“Anak, ikaw na munang bahala dito habang wala kami ng nanay mo.” Bilin sa kanya ng ama at niyakap ang anak at hinalikan nito ang kanyang noo.

“Basta ‘tay, huwag kayong magtatagal ni Nanay. Magluluto ako para sa pananghalian natin. Hihintayin ko kayo para sabay tayong kumain.”

“Huwag mo na kaming hintayin anak. Kumain kana at di ka malipasan ng gutom.” 
Ang ina naman niya ang sumagot at lumapit sa kinaroroonan nilang mag-ama. Bago pa sila sumakay ay sabay nilang niyakap ang dalaga.

“Ang tatay at nanay, para namang ang tagal mawawala.” Biro nito sa magulang.

Nginitian lang siya ng ina nito saka hinubad ang kwintas at isinuot sa anak.

“Nay, sa inyo po ito. Regalo sa inyo ni Tatay, hindi po ba?” sabi nito sa ina.

“Sa iyo na iyan anak. Para tuwing nakasuot sa iyo ay alam mong palagi kaming nasa puso mo ng tatay mo. Ang kwintas na iyan ang magpapa-alalang mahal na mahal ka namin.” Ang itay niya ang sumagot.

HIDDEN LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon