"Asan papa mo ngayon be?"
"Nasa abroad ba yung papa mo?"
"Bakit hindi mo kasama papa mo sa bahay?"
Mga tanong na hindi ko alam ang isasagot. Ngunit ngayon, ay alam ko na. Mga tanong noon na pilit ding bumabagabag sa isip ko ngunit yang mga yan ay may sagot na. Sagot na mas masakit pa sa kahapon. Mga tanong na hindi ko inaakalang mas mabigat pa ang sagot. Maaring ikaw ay naguguluhan, ngunit oo, tama ka. Karugtong ang kabanatang ito sa unang sulat ko na pinamagatang "Dear Papa". Maaring binuksan o binabasa mo ito ngayon dahil isa ka din katulad ko na hanggang ngayon ay naguguluhan pa din.
Ako'y naguguluhan sa bawat takbo ng mundo ko. Minsan masaya, madalas naman malungkot. Hindi ko lubos maisip na bakit nangyayari ang mga bagay na tila ba ako'y pinaparusahan. Sa kabanatang ito, ikekwento ko. At hindi lang basta kwento, kundi nais kong banggitin lahat dito ang lahat ng sakit na nararamdamam ko sa oras na ito.
Dear Papa,
Bakit mo ako tuluyang iniwan. Akala ko sampung taon lang ako maghihintay ngunit habang buhay pala akong aasa sa wala. Dahil ngayon ay wala ka na. Iniwan mo ako na hindi mo man lang ako hinayaang banggitin sayo kung gaano kita kamahal, kung gaano ko ipinagdadasal na sana makasama na ulit kita. Sabi ko noon, pag ako'y nasa legal na edad na. Ako mismo ang gagawa ng paraan para maayos ang pamilya natin. Ngunit sa tinggin ko, huli na ang lahat..
Huli na ang lahat dahil nga ay ika'y kinuha na ng Panginoon sa akin. Sobrang bigat sa pakiramdam ng nakikita kitang nahihirapan, araw na ang mga tao'y nagsasaya at naghahanda para sa bagong taon, mga paputok na naririnig ko sa labas at mga tunog ng turotot ang umaalingawngaw sa aking tenga.
Habang sila ay nagdiriwang sa bagong taon, ikaw ay hirap na hirap sa mga nakatusok sayong hindi ko malaman kung para saan. Sa hindi ko mabilang kong ilan ang mga ito at mga makina na alam ko'y ito na lamang ang bumubuhay sa iyo ng mga oras na iyon.
Hindi ako nawawalan ng pagasa sapagkat alam kong lalaban ka kaya dapat lumaban ako. Dapat magpakatatag ako para sayo dahil alam ko sa puso mo gusto mong lumaban sa sakit mo. Naalala ko pa yung mga oras na tila ba'y nag slowmotion ang lahat nung ako ay papasok sa ICU, lahat ng mga doctor at nurse ay nakatingin at mga mata nila'y alam ko ay naaawa sila sa akin. Hindi ko inaasahan na ang kalagayan mo sa mga oras na yun ay malubha na. Nung huli kitang nakita ay noong isang taon pa, 2016. At ngayong 2018,nakita kita muli sa ganitong sitwasyon at ikaw ay nag aagaw buhay na.
Pa, naalala mo pa ba nung huli mong punta sa bahay sinabi mong gagawa ka ng paraan upang maayos uli ang pamilya natin. Ngunit pa, paano na ngayong wala ka na? Ilang buwan na ang lumipas nung pumanaw ka. January 2, 2018. Ngunit hanggang ngayon ay nagdadalumhati padin ako sa sakit, at hindi ko parin tanggap na ako'y iniwan mo na ng tuluyan.
Pa, hinding hindi ko makakalimutan ang huling beses kong mahawakan ang iyong mga kamay. Ang huling beses kong nakita kitang humihinga pa, mga huling sandali na kasama kita. Pa, sana lang ay nayakap kita sa huling araw na iyon, nayakap kita na mayayakap mo din ako pabalik. Sana lang pa, nandito ka ngayon sa tabi ko at pupunasan ang mga luha na pumapatak sa mga mata ko.
Pa, naiingit ako sa ibang kabataan na kumpleto ang kanilang pamilya. Sana pa, hindi ka nalang kinuha sakin. Bakit napaka unfair papa. Bakit iniwan mo ako?
Papa, miss na miss na kita. Sana magpakita ka sakin kahit sa panaginip ko lang. Pangako, sa pagkakataong ito, hindi ako matatakot. Papa sana lang mabasa mo ito...
Papa, alam ko na ang isasagot tuwing tatanungin nila ako kung asaan ka at bakit hindi na kita kasama. Dahil kasama ka na ni Lord at kinuha ka na Niya sa akin.
Papa, mahal na mahal kita. May you rest in peace. Alam kong kasama mo na ngayon si Lord at alam kong masaya ka na diyan at hindi ka na muling mahihirapan pa.
Love, Judy Catherine [Cathereina]
'[A true life story of the Author]
---
This will be the end chapter of Oneshot diaries. Thankyou for reading.