"WALA pa bang pasabi mula kay Jim, Alyssa, kung kailan ang dating niya?" ani Jaime sa mahinang tinig. "Nakausap ko siya noong isang linggo at sinabi niyang uuwi siya agad."
"Ipanatag mo ang loob mo, Jaime. Tiyak na darating ang anak mo," sagot ni Alyssa na pilit ikinukubli ang luhang nagnanais pumatak. Hawak niya ang isang kamay nito at nakatingin siya sa hapis na mukha ng matanda. Limampu at pitong taon pa lamang si Jaime at nasa prime of life. Hindi dapat na ganito ang danasin ng isang taong malakas at may mabuting kalooban.
Life is so unfair at times.
"Gusto kong lumabas na sa ospital na ito ngayon din, hija. You know how I hate hospitals. Gusto kong hilahin ang dextrose na itong nakasabit sa braso ko," parang batang reklamo ni Jaime.
"Hindi biro ang pagkawala ng malay mo two days ago, Jaime," aniya at ang luha ay malayang namalisbis sa kanyang pisngi.
"For heaven's sake, Alyssa! Ang sabi ko'y ayoko nang umiiyak ka." Naroon ang bahagyang galit sa tinig nito.
"I'm sorry, I can't help it." Pinahid niya ng tissue ang luhang nasa mga mata.
Isang masuyong ngiti ang ibinigay ng matanda sa kanya. "Nakahanda na ako dito, hija. Alam mo iyan, 'di ba? At gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito upang sabihin sa iyo how I appreciated all the things you have done for me. Sa lahat-lahat, Alyssa. Sa akin, sa kompanya, at sa pagiging mabuting ina ni Jaimie." Bahagyang kumislap ang mga mata nito nang mabanggit ang pangalan ng apo.
"I love you, Jaime. Ginawa kong lahat iyon dahil sa pagmamahal ko sa iyo. Tulad ng sa Papa." Bahagyang humikbi si Alyssa.
"I know, Alyssa. I know. Sana, bago ako mamatay ay nakatiyak akong maligaya kitang maiiwan. Kayo ni Jaimie sa piling ng kanyang ama."
"Oh, please, Jaime. Hindi mo alam ang sinasabi mo."
Makahulugang ngumiti ang matanda. "Sa loob ng mahigit na dalawang taon, Alyssa. You never stopped loving my son."
"Ikaw ang asawa ko, Jaime. Hindi man sa tunay na kahulugan ng salita ay asawa mo ako. Matagal nang natapos ang lahat sa amin ni Jim. Ikaw din ang kinikilalang ama ni Jaimie." Hindi maikakaila ang pait sa mukha at tinig niya.
"And you still wear his ring," patuloy ng matanda na parang hindi nagsalita si Alyssa. Sinulyapan ang daliri niya. "Hindi ka ba nagtataka kung bakit hindi kita binigyan ng singsing noong ikasal tayo?"
"Hindi. It didn't matter, anyway. Maybe you have your reasons."
Tumango-tango ang matanda. "When I'm gone, malalaman mo ang dahilan."
"Ayokong nagsasalita ka nang ganyan, Jaime. In fact, gusto kong magalit. Karapatan ni Jim na malaman kung ano ang sakit mo pero pinili mo ang maglihim. At ang isa pang hindi ko maintindihan ay kung bakit ayaw mong magpunta sa ibang bansa. Maaaring doon ay mabigyang-lunas ang sakit mo."
"Pagkatapos ay ano, Alyssa? Upang mamatay din? Pahahabain lang nang kaunti ang buhay ko nang anim na buwan... o isang taon? Prolonging the pain. Iyon ang tawag ko sa mga uri ng gamot na ibinibigay nila sa sakit ko. Operasyon, chemotherapy... et cetera."
"Operation could have saved you..."
"O, maging vegetable ang katawan ko. I'll die with dignity, hija. I have nothing against modern medicines kung talagang gagaling ako. When I started to feel the symptoms, tatlong espesyalista ang kinonsulta ko. One of them is a neuro-surgeon from Texas. Isa siyang espesyalista sa field niya. Iisa ang sagot nilang lahat, terminal."
Nakagat ni Alyssa ang ibabang labi niya. Malungkot na nilinga ang loob ng hospital suite.
Brain tumor. lyon ang sakit ng matanda. At bukod-tanging siya lamang ang nakakaalam maliban sa mga doktor nito.
Fatigue, stress, iyon lagi ang sinasabi nito tuwing may magtatanong. At ang huli ay ang pinakamatinding sumpong ng sakit nito.
Namatay ang Papa ni Alyssa sa isang aksidente sa pabrika ng mga Villaroman may tatlong taon at kalahati na ang nakararaan. At matinding dalamhati ang naramdaman niya sa pagkawala ng ama. Ang kanyang ina nama'y hindi na niya nagisnan. Namatay ito sa panganganak sa kanya.
Limang taon siya nang mag-asawang muli si Pepe kay Andrea na isang biyuda rin, at may isang anak na lalake na noon ay sampung taong gulang.
Subalit higit ang kalungkutan at sakit na nadama niya sa loob ng dalawang taong nakikita niya ang paghihirap ni Jaime tuwing susumpungin ito ng sakit.
Napukaw sa pag-iisip si Alyssa nang magsalita si Jaime. "Sige na, hija. Iwan mo na ako at baka may kailangang ayusin sa opisina."
"May sakit ka na at lahat, hindi mo pa malimutan ang trabaho." May himig ng galit ang tinig niya.
Ngumiti ang matanda. "Tinulungan ka niyong alisin sa isip ang mga sakit ng damdaming dulot ng paglalayo ninyo ni Jim."
Namilog ang mga mata ni Alyssa. "How can you say that! Pinakasalan mo ako."
Bahaw na tumawa ang matanda. "You're more than my own daughter. And I love you, Alyssa, really." Naroon ang amusement sa mga mata nito.
Sinikap ni Alyssa na galit ang marehistro sa mukha niya. "Hmp. Aalis na ako. Babalik ako mamayang hapon at isasama ko si Jaimie."
"Dumaan ka sa ibaba at sabihin mong lalabas na ako," pahabol ni Jaime nang nasa pinto na siya pero hindi na niya iyon pinansin. Tuloy-tuloy siya sa elevator.
Sa loob ng dalawang taon at dalawang buwang pinagsamahan nila ni Jaime bilang mag-asawa ay na-develop ang pagmamahalang higit pa sa tunay na mag-ama. At ngayon niya na-realize na sadya siyang inabala at tinuruan ni Jaime sa pasikot-sikot ng pamamalakad sa kompanya upang makalimot na rin.
How she loves the man! A father, an adviser, a friend, and mentor. All rolled into one. Hindi na dapat idagdag ang salitang "asawa" dahil kailanman ay hindi naging ganoon si Jaime sa totoong kahulugan ng salita.
Sa parking area ng hospital ay naghihintay ang driver na nakasandal sa unahan ng Nissan Safari. "Saan po tayo, Ma'am?" Binuksan nito ang pinto sa likod.
Pumasok si Alyssa. "Deretso na tayo sa bahay, Mang Lando," sabi niya.
Darating si Jim! At iyon ang ilang araw nang gumugulo sa isip niya. Paano niya pakikitunguhan ang kaisa-isang lalaking minahal niya at ama ng kanyang anak? At paano siya nito pakikitunguhan bilang asawa ng ama nito? Asawa ni Jaime Villaroman, Sr.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Alyssa. Sumandal at pumikit. Kasabay iyon ay ang pagbabalik ng nakaraan sa kanyang alaala. Mga alaalang kailanman ay hindi niya gustong limutin gaano man kasakit.
Dalawang taong mahigit...
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...