"GOOD evening ma'm, late po uli yata kayo uuwi ngayon." Nakangiting sabi ni Stephen nang palabas na siya ng building. Alas siyete pa lang naman ng gabi at mas maaga siyang uuwi ngayon kaysa kagabi.
"P're, heto na 'yong kape mo." Isang guwardiyang kasamahan ng lalaki ang lumapit dito para ibigay ang kape nito. Mabilis namang kinuha ng lalaki ang iniaabot ng kasama nito. Nang mapansin siya ng kasamahan nito ay mabilis itong na bumati sa kanya saka rin agad na nagpaalam sa kanila.
Nang tuluyan siyang makalabas sa building para hintayin ang sasakyan niya na kinuha sa parking lot ng isa sa mga tauhan niya, nakasunod pala sa kanya si Stephen. "Ma'm, baka gusto niyo muna magkape, masarap po ang kapeng barako galing pa po ito ng Batangas." Nakangiting imporma ng lalaki.
Nilingon niya saglit ito at umiling. "No, thanks."
Tumango-tango naman ang lalaki. Saglit itong natahimik sa tabi niya, kapagdaka'y muli itong nagsalita. "Bagay na bagay po sa inyo ang sapatos ninyo, mas lalo kayong nagmukhang modelo." Anito. Nang muli niya itong binalingan ay nakangiti ito sa kanya at walang trace ng biro sa mukha nito.
"Ako, modelo?" nagtatakang tanong niya. Oo, matangkad siya sa height niyang five feet and six inches, gayunpaman hindi naman pang-modelo ang katawan niya dahil malaman siya, pinagbibibiro pa siya ng lalaking ito? Pero hindi na lamang siya nag-react, malay ba niya kung mukha talaga siyang modelo sa mga mata nito. Tumango ang lalaki at muling ngumiti sa kanya. "I just love wearing this kind of shoes." Aniya, na tinutukoy ang red stiletto na suot niya at iba pang katulad niyon, may pagka-sexy kasi ng dating. It was one of the Journey creations.
"Tama nga sila, ang sapatos ay girl's bestfriend." Nakangiting sabi ng lalaki. "Siguro espesyal din po 'yan kasi kayo ang nag-desinyo."
"H-How did you know that?"
Ngumiti ito at umiling. "Ganyan po kasi ang mga quality ng mga sapatos na gawa sa Journey-maganda at mukhang matibay."
Tumango-tango naman siya dito. "Dahil sa sinabi mo, bibigyan kita ng discount card sa Journey shoe shop sa Mall, para ipang-regalo mo sa girlfriend mo." Aniya.
Tumawa ang lalaki at umiling. "Wala pa po akong girlfriend ma'm," nakangiting sabi nito. Kumabog ang puso niya sa kakaibang titig ang ipinupukol nito sa kanya, kaya nag-iwas siya ng tingin. "Hinihintay ko po kasing makilala ako ng dream girl ko, kaso mukhang matagal pa po niyang maramdaman ang presensiya ko." Makahulugang sabi nito.
So, totoo nga talagang wala itong kasintahan. Naku, namimingwit ka lang ng impormasyon, e. Muli siyang bumaling sa lalaking nakatitig pa rin sa kanya. Napalunok tuloy siya ng mariin-hindi kasi 'yong pang-pervert na titig ang ginagawa nito-kundi 'yong nakakanginig-buto at nakakabilis-tibok ng puso. Hindi pa niya 'yon nararamdaman sa mga lalaking nakakasalamuha niya, kahit na 'yong mga nagpapalipad-hangin o 'yong mga dumaan na sa buhay niya.
"W-Why are you staring at me like that?" kinakabahang tanong niya sa lalaki. Ba't ba kasi ang tagal dumating ng sasakyan niya, e, ang lapit lang naman ng parking lot.
"You're still as beautiful as ever, Max." madamdaming wika nito na ikinatigil ng pag-ikot ng mundo niya, nang mapagtanto niya ang sinabi ng lalaki ay pinaulit niya ang sinabi nito. "Ang sabi ko po, mag-iingat po kayo sa pagmamaneho." Nakangiting sabi nito, saka nito itinuro ang sasakyan niyang nasa harapan na pala.
Napailing siya. Bakit parang may narinig siyang ibang sinabi ang lalaki-o baka naman nag-iilusyon lang siya sa narinig na sinabi nito? Ang weird, pero sa tuwing kausap niya ito ay may kakaiba siyang nararamdaman dito.
Mabilis na niyang kinuha ang susi na inaabot ng tauhan niya, saka siya nagmamadaling sumakay sa kanyang sasakyan. Nang makapasok siya sa loob ng sasakyan ay napabuga siya ng hangin. What the heck is happening to her? Huwag niyang sabihin na nagkakaroon na siya ng damdamin sa guwardiyang 'yon? Agad-agad? Hindi pwede! Bukod sa tauhan niya ito ay hindi pa handa ang puso niyang muling magmahal. It has been five years when Gabe broke up with you and chose his modeling career abroad, over you.
BINABASA MO ANG
13 Things To Do Before I Die (Completed)
General FictionPaano kung nalaman mo na kaunti na lang pala ang nalalabing araw mo sa mundo? Ano ang mga gusto mong gawin at isakatuparan? Samahan si Max sa kanyang mga huling araw...