I DO, FOREVER

4 1 0
                                    


Dumating na ang oras
Kung saan nakakalat sa lapag ang mga talutot ng mga rosas
Dumating na ang panahon
Kung saan sabay tayong haharap sa Panginoon

Naaalala ko pa, ang ating hirap sa paglalakbay
Puno ng hirap at hindi mabilang na lumbay
Ngunit hindi tayo bumitaw, nanatiling magkahawak ang mga kamay

Tinutugtog na ang paborito nating awitin
Ang bawat liriko sabay sana nating sambitin
Oo, espesyal ang kantang ito para sa atin
Pero sa okasyon na ito mas lalo itong tatatak sa memorya, hindi natin lilimutin

Nandyan na ang mga bisita
Ang ating ina na maluha-luha
Ang ating ama na halata ang pagkasaya
At ang ating mga kaibigan na sabay nilalasap ang bawat eksena

Sabik na akong makita ka
Sabik na akong magtama muli ang ating mga mata
Sabik na akong pagsaluhan natin ang matatamis na pangako sa isa't-isa

Nakita na kita suot ang trahe de bola
Sabi mo iyan ang gusto mong suotin pag dumating na tayo sa ating pangarap
Pangarap na sabay tayong haharap
At magpapalitan ng sagot na talaga namang sobrang sarap

Nasa harapan na tayo sinta
Hindi mapagsidlan ang saya
Hindi maalis ang ngiti sa aking mga labi
Sabik na itong sayo ay idampi
Pero bakit ako naluluha
Bakit parang sasabog ang aking mga mata
Bakit naiiyak ang lahat
Teka, oo nga pala hindi ka na muling mumulat

Naaalala mo pa, bilang na pala ang oras mo bago nito
Dahil sa sakit na walang gamot
Pilit mo pa nga ako pinagtatabuyan
Sabi mo sa akin "hindi ka sa akin sasaya dahil hindi na ako patatagalin ng aking karamdaman"
Pero hindi kita iniwan
Dahil ganoon kita kamahal

Kaya sa huli mong araw may hiniling ka
Na sana tayo ay ikasal sa harap ng dambana
Kahit naman sa huli mong araw maranasan mo ang kakaibang saya
Na pinagkait ng tadhana

Gusto mo lamang na selyuhan natin ang ating pagmamahalan
Pero mas lalong di ko nais na selyuhan ka sa himlayan
Pero mahal, grabe ka
Ang ganda mo parin talaga
Sa suot mong puting bestida

Para kang anghel na inanyuang dyosa
Ay teka, isa ka na talagang anghel sa lupa
Hindi ko alam ganito pala kasakit
Na makita kitang nakapikit
Pero mahal ganoon kita kamahal
Kahit hindi man tinupad ng Diyos ang aking mga dasal
Pero alam ko natupad ko naman ang huli mong kahilingan

Habang tumutulo ang luha ko
Hinawakan ko ang kamay mo
At binanggit sa huling pagkakataon ang aking pangako

Kaya mahal nandito na tayo
Tinupad ko ang hiling mo
Saksi ang lahat lalo na ang Panginoong Hesukristo

Mahal Oo, I do
At kahit alam kong hindi ka na tutugon pabalik
Alam ko sa itaas sinasambit mo ang oo na puno ng sabik
Kahit alam kong pinikit mo na ang mata mo
Mananatili kang nandito sa piling ko

Oo, mahal, I do
At alam ko dadating ang panahon na sabay na tayong haharap
Hindi lang sa isang dambana kundi sa mismong harap ng Maykapal na makapangyarihan
At sana pagdating doon sabay nating ituloy ang naudlot na sumpaan
Oo, mahal, I do forever

Mga Katha Ng Isang Desperadong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon