HINDI napaghandaan ni Rigorr na isang nanghihinang Wendy ang makakasama niya sa unang araw ng trabaho. Nasa recovery room na si Mayor Willard habang ang unica hija nito ay mukhang hindi pa nakaka-recover mula sa pagka-shock sa mga pangyayari.
Kaninang hindi pa pinayagang pumasok si wendy ay nakaupo lang ang babae sa waiting area at halos tulala, tahimik na umiiyak. Sa mga unang segundo ay hindi siya makapaniwalang ito ang sikat na Wendy-Worst-Witch, ayun sa isang kilalang tabloid. Kung titingnan, tila napakahina nito at walang kahit anong kayang gawin. Kahit gagamba yata ay hindi nito magagawang patayin sa nakikita niyang kahinaan.
Si Rigorr ay nasa labas ng silid—magdamag na siyang magbabantay kasama ng dalawang miyembro ng security team ng alkalde. Ang dalawa ang pinalad na tumamo lang ng galos at daplis ng bala sa naganap na ambush habang ang dalawang kasamahan ng mga ito ay malubhang nasugatan. Dalawa naman sa panig ng mga salarin ang napatay ng mga ito.
Nagpaalam na magkakape ang dalawa sa labas.
Tumango lang si Rigorr. Paulit-ulit na binabalikan ng mga mata niya ang nasa loob na si Wendy—nakatulog na ito habang nakayupyop sa kama ng ama.
Walang sinuman sa dalawang bodyguard ng alkalde ang nag-alok ng pagkain kay Wendy. Pasimple siyang nagtanong sa mga ito. Tumawa ang dalawa. Magsasayang lang daw ang mga ito ng panahon. Ni minsan ay hindi raw kumain si Wendy ng pagkain mula sa sinuman sa security team ng ama nito. Masamang tao raw ang tingin ng unica hija ni Mayor sa mga bodyguards ng ama nito. Tumango na lang si Rigorr at iniba na ang usapan.
Pagdating ng hatinggabi ay dumating ang may katandaang babae. Nakipagpalit ito kay Wendy sa pagbabantay. Pagkatapos ng maikling pag-uusap ng dalawa ay basta na lang lumabas ng silid si Wendy, nilampasan siya na parang hindi siya nag-eexist sa paningin nito. Kaswal na sumunod si Rigorr. Ang inaasahan niya ay diretsong papasok ang babae sa kotse pagdating sa parking area—mali siya. Sumandal lang si Wendy sa tagiliran ng sasakyan na para bang nagpahinga. Eksakto nakalapit siya para kunin rito ang susi ay sinapo nito ang sikmura na parang sumama ang pakiramdam.
Inisip yata ni Wendy na hahawakan niya ito nang aabutin sana niya ang susing hawak, tinabig nito ang braso niya at saka halos sumubsob na sa tagiliran ng sasakyan.
She threw up.
Ang unang impulse ni Rigorr ay hawakan si Wendy pero pinigilan niya ang sarili. Hindi magiging mabuti ang epekto ng hawak niya rito, sigurado siya. Unang pagtatama pa lang ng tingin nila ay nahalata na niyang masamang halimaw ang tingin ng babae sa kanya.
Inilabas ni Rigorr ang panyo. "Baka mangamoy tayo sa kotse," aniya sa pantay na tono. "Linisin mo na agad ang sarili mo para makauwi na tayo. Fatigue at stress lang 'yan kaya ka nagsuka. Magpahinga ka muna—" naudlot ang pangungusap niya nang sa halip na sundin ang sinabi niya ay kumapit si Wendy sa braso niya, at humilig sa katawan niya.
Napangiwi na lang si Rigorr nang maramdaman niyang nagsuka ito sa dibdib niya!
Dumistansiya rin si Wendy mayamaya. Parang walang anuman na lumayo sa kanya pero hindi sapat ang lakas kaya kinailangan niyang alalayan ito. Ilang minutong nagpaubaya ang babae pero itinulak rin siya pagkaraan ng ilang segundo, na parang siya pa ang masama.
"Unang gabi ko pa lang, traumatic na," malamig na sabi si Rigorr, hinubad niya ang t-shirt bago inabot uli kay Wendy ang panyo niya. "Linisin mo'ng sarili mo, baka mangamoy tayo sa kotse." Isinalaksak niya sa loob ng backpack niya ang hinubad na t-shirt. "Sumakay ka na."
"Inuutusan mo ba ako?" si Wendy sa kanya.
Sa halip na sumagot ay nilapitan niya ang babae at sapilitang hinila papasok sa backseat. Nag-apoy ang mga mata nito sa galit nang walang nagawa laban sa lakas niya.
Hinintay na lang ni Rigorr na kalmutin siya ni Wendy. Pinigil niyang ngumiti, tulad ng plano, sa tingin niya ay naipakita niya ng tama ang gusto niyang maging impresyon ng babae sa kanya—na magkasing-sama lang ang ugali nila, at magkasama sila dahil wala siyang pagpipililian.
Nahulaan na ni Rigorr na ginawa nang lahat ng mga naging bodyguards nito ang magpaka-santo sa kabaitan pero walang epekto iyon kay Wendy. Hindi nagbago ang masamang trato nito maging sa mismong security team ng ama. Gusto niyang makita ng babae na hindi siya katulad ng mga iyon na maglulumuhod rito maging maayos lang ang pagtrato nito sa kanya. Hindi niya kailangan ng maayos na pagtrato, ang tanging mahalaga sa kanya ay matapos niya ang trabaho nang walang masasabi si Mayor Willard.
"Beast!" angil ni Wendy, kung laser lang ang tingin nito ay bumulagta na siya.
"Witch," mahinang sagot ni Rigorr, kunwari ay para sa sarili pero sinadya niyang iparinig dito.
"What did you say?" kulang na lang ay umusok ang ilong nito.
"Linisin mo'ng sarili mo," sa halip ay sabi niya. "Naaamoy kita."
Halos magtagis ang mga ngipin ni Wendy. "You...You're—"
"Matagal ko nang alam na hayop ako sa paningin mo. Lumayo-layo ka sa akin nang hindi tayo nagkaka-problema. Ginawa mo pa akong vomit bag."
"How dare you!" halos patiling sabi ni Wendy. "Hindi ko sinadyang—"
"Bodyguard mo ako, hindi vomit bag at lalong hindi nurse mo," putol ni Rigorr. "Huwag kang umasang may magagawa ako para sa 'yo sa sitwasyon mo ngayon. My job is to keep you safe and nothing else." Malamig pang dagdag niya. "Iuuwi na kita. Mas magiging maayos ang pakiramdam mo kapag nakapagpahinga ka."
Napamaang sa kanya ang Witch. Na-speechless? Gusto niyang humalakhak nang malakas.