TAHIMIK na tahimik si Wendy sa backseat habang nasa biyahe sila. Napilit niya ang ama na umalis agad sila sa RRS. Hindi na niya gustong makarinig ng karagdagang impormasyon tungkol kay Shanely—kay Rigorr na nasa manibela ngayon at katabi ang ama niya. Nakasunod sa kanila ang van ng security team ng Daddy niya.
Hindi niya mapigilang titigan si Rigorr sa rearview mirror, ngumingiti ito sa pagitan ng pakikipag-usap sa ama niya, parang magkapamilya talaga ang dalawa.
Bakit nga ba hindi man lang niya naramdaman ang sinasabi ng ilan na lukso ng dugo nang una niyang makita ito?
Ayaw na niyang mag-isip. Ipinikit na lang ni Wendy ang mga mata niya.
Ngunit sa pagpikit niyang iyon ay nangyari ang isa pang bangungot na magpapabago ng lahat sa buhay niya...
"DAMN IT," mariin pero mahina lang na mura ni Rigorr kasunod ang bigla nilang pahinto. Narinig rin ni Wendy ang malakas na sagitsit ng mga gulong ng sasakyan.
Dumilat siya—upang mapasinghap lang nang makita niyang napapaligiran sila ng mga nakaitim at armadong mga lalaki. Apat iyon, lahat ng baril ay nakatutok sa kanila—dalawa sa mga pinto sa front seat at dalawa sa backseat.
Paglingon niya sa van ng security team ng Daddy niya ay napapaligiran rin ang sasakyan ng anim na lalaki. Lahat ay armado at may takip ang mga mukha.
"Mayor?" si Rigorr, bumaling sa ama niya na parang naghihintay ng utos. Hindi sumagot ang ama niya pero naglabas ng cell phone. Tinawagan nito ang isa sa mga tauhang nasa van sa likod nila.
"Kasama ko ang anak ko," malumanay na sabi nito. "Walang magpapaputok." at tinapos na nito ang tawag.
Nakuyom ni Wendy ang kamay. Siya na naman ang dahilan kung bakit hindi gustong lumaban ng ama. At siya na naman ang dahilan kaya mapapahamak ito.
"Dad no," pigil niya ng aktong kikilos ito para lumabas ng sasakyan. "We can call the police! O kaya lumaban tayo! Shanely!" bulyaw niya sa bodyguard niyang walang kakilos-kilos sa manibela. "Tatanga ka na lang ba? Kumilos ka—"
"Wendy—"
"No, Dad!" agaw niya, napapaiyak na siya. "Napahamak ka na minsan, hindi ako makakapayag na mapahamak ka na naman!" napaluha na siya. "Ayoko nang maiwang mag-isa sa bahay na takot na takot, Dad..." itinuon niya kay Rigorr ang tingin niya. "Please do something," pagsamo niya. "Please..." wala itong reaksiyon, naggalawan lang ang mga ugat sa mukha, pagkatapos ay tumingin sa ama niya na huminga lang nang malalim.
"Stay here," utos sa kanya ng ama. "Kami ni Rigorr ang lalabas. Don't do anything stupid, sweetheart. Do what I've said." Tiningnan nito si Rigorr at sabay na nagbukas ng pinto ang dalawa. Naramdaman niyang bumukas ang pinto sa tabi niya, nakaguwantes na mga kamay ang humawak sa braso niya, hinila siya palabas ng sasakyan. Sumenyas ang isa sa mga goons. Mayamaya pa ay itim na kotse ang dumating, walang plate numbers. Inalalayan ng isa sa apat ang ama niya na sumakay doon.
"Dad!" tili niya, nagpilit siyang pumiglas.
"Shhh," anang may hawak sa kanya. "Gusto mo bang makitang bumulagta ng may butas sa sentido ang African na 'yan na alalay ng ama mo?" bulong ng lalaking may hawak sa kanya. Nagpatigil si Wendy. Nanuot hanggang sa laman niya ang boses nito, ang panganib na kaakibat ng banta. Paglingon niya sa security team ng Daddy niya ay na-disarmahan na ito ng mga lalaking nakaitim. Magkakasama sa isang tabi ang apat na bodyguards ng ama niya, nasa batok ang mga kamay.
Gusto niyang umungol sa galit at frustration. Anong klaseng proteksiyon ang binabayaran ng ama niya? Wala man lang nagawa ang mga ito para ipagtanggol sila!
Nakuyom ni Wendy ang kamay. Bugso ng galit ay hindi na siya nag-isip. Tinangay na ng mga goons ang ama niya kaya walang magagamit ang mga ito laban sa kanya. Inubos niya ang lakas para apakan ang paa ng may hawak sa kanya. Nagulat ito, nabitawan siya. Siniko niya ito at umalpas siya.
"Damn brat!" sigaw ng inapakan niya. Hinintay na lang niyang may bumaong bala sa katawan niya pero boses ni Rigorr ang narinig niya.
"Wendy, stop!" iglap lang ay naramdaman niyang yakap na siya nito mula sa likuran, pinigilan ang paglayo niya. "Walang magpapaputok!" nasa baywang niya ang kaliwang braso nito at ang kanan ay itinaas nito sa anyong sumusuko. Saka lang na-realize ni Wendy ang panganib na sinuong niya nang makitang nasa gitna sila ng tatlong armado, nakatuon sa kanila lahat ng baril ng mga ito. "Ano'ng ginagawa mo?" mariing bulong ni Rigorr sa kanya, nakadikit sa ibabaw ng ulo niya ang mga labi nito kaya ramdam na ramdam niya ang init ng hininga nito. "Suicide ang ginagawa mo, Wendy. Kung gusto mong masagip natin si Mayor, huwag mo siyang unahan sa langit, naiintindihan mo?"
"Paano natin sasagipin si Dad, ha?"
"Hindi ko pa alam. Ang importante ngayon, buhay tayo pareho. Makakaisip tayo ng paraan hanggang hindi pa tayo tinutuluyan ng mga 'yan."
"Dapat kasi lumaban ka na kanina pa, eh," sabi niya. "Tatlo na lang sila, o, kaya mo na 'yan."
"Paano ko gagawin 'yon kung nakatutok sa puso mo ang isa sa baril ng mga 'yan? Kung hindi ko iniisip ang kaligtasan mo, kanina pa sana ako lumaban. Ikaw ang iniisip ni Mayor kaya siya sumama ng matiwasay sa mga iyon. Pareho kami ng Daddy mo na pinangangalagaan ka sa alam naming paraan."
"Ano'ng mangyayari sa atin ngayon?"
"Hindi ko alam—" nahinto ang pagsasalita nito nang lumapit ang isa sa tatlo at hinila ang kuwelyo nito. Sumakay sa nakahintong itim na van ang anim na lalaking nasa likuran nila.
"Rigorr!" hiyaw niya nang nakita niyang pinukol ng baril ng isa sa tatlo ang bodyguard niya. Wala nang malay ito ng hilahin pasakay sa kulay silver na kotseng nakaharang sa sasakyan nila. Kinaladkad siya ng may hawak sa kanya at sapilitang ipinasok sa sa backseat. Nasa pagitan siya ng walang malay niyang bodyguard-turned-half brother, at ng abductor niya.
Humarurot sila palayo, kasunod ng itim na van. Nilagyan siya ng blindfold ng katabi niya at tinalian ng tela ang bisig.
Sa tantiya niya ay mag-iisang oras ang naging biyahe nila. Hindi niya alam kung nasaan na sila eksakto. Tahimik na tahimik rin ang loob ng sasakyan sa mga oras na nasa biyahe sila.
"Have a safe trip to paradise, witch," bulong ng katabi niya bago nito tinakpan ng panyo ang ilong niya. Sa hula niya ay kemikal ang naamoy niya sa panyo. Wala na siyang natandaan pagkatapos noon.
