IN-AMBUSHED ang Daddy niya. Ang balitang iyon ang yumanig sa buong mundo ni Wendy. Martes ng hapon nangyari iyon, pauwi ang daddy niya mula sa livelihood project na dinalaw nito sa Pajez, ang pinakamalayong barangay na sakop ng Victoria, ang lungsod na pinamumunuan nito.
Sugatan ang apat sa security team nito, critical ang dalawa at ligtas naman ang dalawa na daplis lang ang tinamo. Ang ama niya ay kasalukuyang nasa OR. May dalawang tama ng bala—isa sa mga balang iyon ay nagdala rito sa delikadong kondisyon. Hindi na nag-sink in sa kanya iba pang detalye.
Nasa waiting area siya at hindi tumitinag. Pakiramdam ni Wendy ay manhid ang buong katawan niya. Nagsisikip rin ang dibdib niya habang nanginginig ang tuhod at mga kamay niya. Ilang beses siyang nagtanong sa Daddy niya kung bakit siya ikinukuha ng bodyguard, hindi niya naisip na bago pa man dumating ang bantay niya ay bibigyan na siya ng ama ng sagot sa tanong sa masakit na paraan.
May banta ang buhay ng ama at siya ang una nitong gustong protektahan. Hindi lang siya nito gustong mag-alala at matakot kaya hindi na nagbigay ng detalye. Ngayon ay naiintindihan na ni Wendy ang ibig sabihin ng 'malalim na dahilang' tinutukoy nito. Abut-abot man ang pagtanggi niya ay itinuloy pa rin nito ang pagkuha ng bodyguard para sa kanya. Hiling niyang sana ay hindi pa maging huli ang lahat para sa kanila. Marami pa siyang gustong sabihin—magso-sorry pa siya, ibibili pa niya ito ng vitamins na hindi pa niya nagagawa, matutulog pa siya sa silid nito para matigil ang pagtatrabaho ng ama magdamag, maglalambing pa siya rito, mag-aaway pa sila...
Tumulo na ang mga luha ni Wemdy. Ang mga luhang iyon ang parang yelong bumuhos sa namamanhid niyang pakiramdam. Unti-unti siyang nakaramdam—ng takot, ng pag-aalala, ng sakit. Kumalat sa sistema niya ang mga pakiramdam na iyon hanggang bumigat ang dibdib niya at nahirapan siyang huminga. Nanlabo ang paningin ni Wendy kasabay nang naramdaman niyang panlalamig.
Nagdilim na ang paligid ng dalaga nang mga sumunod na sandali.
Paggising ni Wendy ay nasa hospital bed na siya, may dalawang nurse na tumitingin sa kanya, at may dalawa pang hindi pamilyar na mukhang nakatunghay sa kanya.
Prince and Beast, iyon ang unang rumehistro sa isip ni Wendy, ang pinakatumpak na paglalarawan sa dalawang mukhang nagisnan niya. Ang isa ay parang prinsipeng lumabas sa fairy tale book—makisig, guwapo, light brown ang mga mata at mabait ang ngiti sa kanya.
Ang ikalawa naman ay natakpan yata ng kaitiman ng balat ang lahat ng maganda rito—o wala talagang maganda rito liban sa puting-puting ngipin at malamlam na mga mata—dagling nagbago ang isip ni Wendy nang makita niya ang lamig ng ekspresyon ng lalaki. Mali siya ng basa, hindi pala malamlam ang mga mata nito, masamang makatingin ang African na mukhang naliligaw sa Pilipinas!
"Wendy?" tila paniniyak ng mukhang prinsipe. "I am Rance," pakilala nito at bumaling sa katabi. "And this is Shanely."
Shanely Beast?
"S-Sino kayo?"
"Kaibigan ako ng Daddy mo," sabi ni Rance. "Bukas pa dapat ang dating namin, napaaga dahil sa nangyari sa Daddy mo. Si Shanely," binalingan nito ang kasama. "Siya ang bago mong bodyguard."
Gusto niyang mawalan ng malay uli sa narinig. 'Beast' ang bago niyang bodyguard! God save her!
Salamat na lang at good news ang sumunod niyang narinig nang mga sumunod na sandali—tapos na ang operasyon at ligtas na sa panganib ang ama niya. Nawala sa isip ni Wendy ang tungkol sa beast bodyguard niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/151787552-288-k851929.jpg)