Prologue-Chapter 4
Alam mo na sa sarili mo kung bakit hanggang diyan lang ang binasa ko. :) So iyon, sana may matutuhan ka sa mga sasabihin ko rito.
--
Story description:
Try mong baguhin ang story description. Sa blurb palang, binigay mo na lahat. Iyong past ng bidang babae kung bakit siya galit sa mga bolerong lalaki. Iyong na-meet niya ang isa sa mga bolero sa campus nila. Iyong buong plot ng kuwento, binagsak mo na agad sa story description mo kaya ang magiging dating ay mawawalan na ng gana ang mambabasa na tumuloy sa kuwento.
Kung ikaw ay isang mambabasa at nabasa mo ang blurb, na sinabi halos lahat ng mangyayari sa kuwento, ipagpapatuloy mo pa ba?
Try mo ring palitan ang title. Sobrang gamit na kasi ang ganito. Gasgas na. Pinaglumaan.
--
Characterization
You should work out the characterization of your characters. Make them sound realistic. Kulang sa description ng mga appearances, iyong mga galaw na ginagawa nila, kung paano sila magsalita.
Para sa akin, masyadong isip bata ang point of view ng babae. Habang binabasa ko ang kuwento, parang boses elementary iyong mga bida. Ewan ko lang sa ibang readers. Pero iyon talaga ang dating sa akin.
Hanapin mo ang sarili mong beses at ibagay mo ang boses na gagamitin mo sa mga characters.
--
Plot
Dahil hanggang chapter four palang ako, wala akong gaanong mapupuna sa plot. Pero batid kong tungkol lang ito sa isang babae na masungit at lalaking bolero. Dahil sinabi mo na sa title mo. Tapos, dahil sa blurb mo, nalaman ko kaagad kung bakit siya naging masungit.
Masasabi kong clichè na ang ganito. Maski iyong sa prom na sila iyong magka-partner. Try mong maglagay ng twist para maging interesting ang kuwento. Sobrang predictable kasi ng mga mangyayari.
Tandaan mo na ang tanging panlaban mo kung nagsusulat ka ng clichè na story ay ang mga characters, plot twists, at narration. Kahit doon man lang sana, bawiin mo.
--
Setting
Isa rin ang setting sa hindi ko nakita sa story mo. Mahalagang sangkap ito para mabigyan mo ng kaalaman ang readers kung anong atmosphere at saan nagaganap ang kuwento. Practice lang nang practice.
--
Narration
• Hanapin mo ang sarili mong boses. Alam kong may sari-sariling writing style ang mga writers. Grade 7 or 8 ka palang ba? Or elementary student? Kasi kung oo, hindi kita masisisi kung ganoon ang writing voice mo.
Pero dapat tandaan natin na iba ang normal natin na boses at boses kapag nagkukuwento na tayo.
Sa story mo kasi, parang nagkuwento ka lang sa kaibigan at close friends mo. Halimbawa: May nakita akong guwapo, kaso bakla pala.
Kung sa kuwento na, ganito mo siya dapat ikuwento (halimbawa ko lang ito, alam kong mas makakagawa ka mas maganda rito):
Habang naglalakad ako papunta sa aking room, hindi ko maiwasang mapatingin sa isang matangkad na lalaki, maputi, may matangos na ilong, mapupungay na mga mata, at ngayon ay nakangiti habang kausap ang mga babaeng nasa harap niya.
Sandali akong namangha sa kaguwapuhang taglay niya. Para siyang isang prinsipe sa paningin ko-ngunit biglang naglaho na parang bula ang pagpapantasiya ko sa kanya nang marinig siyang magsalita.
"Ano ka ba beshy! Kung ako sa 'yo, dapat jinowa mo na!" malanding wika niya at hinampas ang katabing babae. Literal akong napanganga at napatampal sa aking noo sa nakita. Napailing na lang ako at nagpatuloy na sa paglalakad.
Sayang. Guwapo nga, bakla naman.
• Pag-aralan ang barirala.
• Show, don't just tell.
• Put emotions on your piece.
• Learn how to use the dialogue and action tags.
• Don't forget to use your five senses.
• Kung maikli lang ang point of view at wala namang gaanong sasabihin na importante, huwag nang ilagay. Kung kaya naman siyang ikuwento ng isang character, iyon na lang. Hindi kasi advisable ang maiikling point of view lalo na kung wala namang kinalaman sa mismong plot at maraming shift ng point of view para lang humaba ang isang chapter.
OVERALL COMMENT:
Try mong magbasa ng mga nobela ng sikat na manunulat at obserbahan kung paano sila gumawa ng kuwento. Basa lang nang basa. Practice lang nang practice. Huwag kang mapapagod matuto at magsulat. :)