Chapter 2
Napatigil sa ginagawang pagpapalit ng bedsheet si Gherly nang makarinig siya ng magkakasunod na katok sa pinto ng kanyang silid. Malinis na malinis na ang bago nilang bahay. Pintura na lang at kaunting pagkukumpuni ang kailangan, magandang-maganda na ulit ito.
"Sandali lang." ang wika niya.
Naglakad na siya papunta sa pinto at binuksan iyon. Napangiti siya nang mabungaran ang nanay niya.
"Nay, may kailangan po kayo?" ang tanong niya.
"Anak, pasuyo naman. Puwede bang pakidala mo sa may hardin iyong meryenda nila Tatay mo? Abala pa kasi ako sa pagluluto ng pananghalian natin. Pagpahingain mo na muna iyong mga nagtratrabaho. Nakakahiya nga doon binatang kapitbahay natin."
Isang alanganing ngiti ang namutawi sa labi ni Gherly. Hindi naman kailangan pero ewan niya. Tinutulungan ngayon ni Nexus ang Tatay niya sa pag-aayos ng kanilang bubong at ng iba pang kailangang ayusin sa kanilang bahay katulad ng hagdan at pinto. Wala sina Jimmy at Joey dahil pumasok sa eskwela, ganoon din ang pamangkin niyang si Alyssa. Napahinga siya ng malalim. Binalaan siya ni Nexus na dapat maging mabait ito... Kung hindi, malalaman ng pamilya niya ang pinakatatago niyang sekreto. Kung minalas-malas nga naman siya sa naging kapitbahay niya.
"Sige po, Nay." ang alanganin niyang sagot.
Magkasunod na silang bumaba at dumiretso sa maliit ngunit cute na kusina. Malinis na malinis na iyon, marami nang gamit at may mga dekorasyon na. Ang galing talaga mag-magic ng nanay niya. Napatingin siya sa nakalapag na tray sa tabi na may lamang pagkain. Pancit guisado na may kasamang puto at malamig na malamig na nestea. Pasimple siyang napatingin sa nanay niya na abala sa paghihiwa ng karne para sa lulutuin nitong sinigang. Panay ang ginawa niyang paghinga bago siya tuluyang lumabas ng kusina at dumiretso sa labas ng bakuran. Napatigil siya sa paghakbang nang makita niya si Nexus na naglalagari ng kahoy. Topless ito at kitang-kita niya ang nagmumura nitong biceps at mga papandesal sa parteng tiyan. Pawisan ito pero hindi naman ito mukhang amoy maasim. Tumatagaktak ang pawis nito sa noo at magulo ang buhok ng binata. Nakasuot ito ng lumang-maong na pantalon na tattered. Nakasampay sa sandalan ng upuan ang damit nito. Idinako niya ang tingin sa tatay niya na nagkakatam. Para iyon sa pintuan nila sa banyo. Tumuloy na siya sa paglalakad, pero... Muling napadako ang tingin niya kay Nexus. May nakaipit pang lapis sa kanang-tenga nito. Maliit lang iyon, hindi niya alam pero makasalanan niya ang mga mata niya. Napatingin ulit kasi siya sa katawan ng lalaki at habang papalapit siya sa mesa kung saan niya ilalapag ang dala ay mas nagiging malinaw ang features nito. Hindi niya masasabing perfect ang katawan ni Nexus dahil may mga peklat iyon. Kaya lang kasi, hindi naman naging kabawasan sa kaguwapuhan nito. Mas lalo pa atang nakadagdag?!
Muntikan na niyang malaglag ang dala dahil nabunggo niya ang mesa, hindi niya namalayan na ang lapit na pala niya?! Napatingin sa kanya ang binata at nakita niya na ngumiti ito ng matipid at pilyo. Umiwas siya ng tingin at kaagad na yumuko. Kumuha siya ng buwelo..
"T-Tatay! N-Nexus! Magmeryenda na po muna kayo." ang tawag niya sa mga ito.
Dahil si Nexus ang pinakamalapit, ito ang naunang nakalapit sa kanya. Nakapaywang itong tumitig sa kanya.
"Salamat sa meryenda. Tara, kumain tayo." ang yaya pa nito.
"Ahm... Hindi na, salamat na lang, busog ako. Para sa inyo talaga iyan ni Tatay at si Nanay ang nagluto niyan." ang mabilis niyang sagot.
BINABASA MO ANG
MEN IN ACTION 12: Nexus Springfield
RomanceIsang malaking lihim sa pamilya ni Gherly na isa siyang spy... Ngunit nanganganib iyong sumiwalat dahil sa lahat ng puwede niyang maging kapitbhay ay ang superior niyang si Nexus ng Men in Action. Hindi sila in good terms dahil sa isang pangyayari p...