I
Pinagmamasdan ni Cid si Summer habang nakaupo ito sa isang sulok ng sofa na nasa sala. Nasabi na nito ang sitwasyon sa kanya maging kung paano nito nakasama ang nilalang na tinatawag niyang demonyo. Walang maitagong detalye si Summer dahil agad niya ring sinabi na wala siyang balak na tulungan ito kung hindi ito magsasabi ng totoo.
Kakasindi lang ni Cid ng anim na puting kandila na nakapalibot sa walang malay na katawan ng itim na pusa. Nang makita niya na may lumalabas na rin na usok mula sa mga kandila ay sinimulan niya na ang pagbigkas ng dasal.
"Spirit of the dead. Spirit of the living. Take the evil spirit. Along with the smoke. Leave me the body. Of the dark psychopomp."
Naipon ang usok na nagmula sa mga kandila sa ibabaw ng katawan ng itim na pusa. Saglit na pumasok iyon sa itim na pusa at mayamaya ay agad na umangat rin kasama ang mas maitim pang usok na hugis bilog. Katakataka para kay Cid kung bakit parang nalason ito. Sinubukan nitong kainin ang isang masamang espiritu pero tinatanggihan iyon ng kasalukuyang katawan ng demonyo. Kung nagkataon na parehong masamang nilalang ang dalawa ay madali lang silang maghahalo o magsasama. At dahil nakita iyon ni Cid kaya nakumbinsi siyang posibleng hindi purong demonyo ang itim na pusa. At siguro nga, posible pa itong magbago.
Kung nagtagal pa ang pagsasama ng katawan ng pusa at ng masamang espiritu na kinain nito ay malamang na hindi niya na mapaghiwalay pa ang dalawa.
Nang maglaho ang mga itim na usok ay namatay na rin ang mga kandila.
Hinawakan ni Cid ang itim na pusa at tiningnan kung magigising na ito.
Marahan namang nagmulat ito ng mga mata.
S-sino ka? nanghihina pang sabi nito.
"Ako si Cid. Ikaw?"
"Nye ang pangalan niya," narinig nilang sabi ni Summer.
Nang makita ng itim na pusa ang paglapit ni Summer ay agad rin nitong napansin ang paligid.
Mabilis itong nagbago ng anyo at iniharang ang sarili sa pagitan niya at ni Summer.
"Hindi mo dapat siya hiningan ng tulong," sabi ng nilalang kay Summer.
"Gusto mong pabayaan na lang kita?" hindi makapaniwalang tanong ni Summer.
Kanina pa hindi maintindihan ni Cid kung bakit parang mas takot pa si Summer sa kalagayan ng dala nitong demonyo kaysa sa nangyaring muntikan na pagkamatay ng babae habang kaharap ang isang masamang espiritu. Nabanggit na rin kasi nito kanina ang naganap sa abandonadong bahay.
"Kung sakali mang mawala ako pabor sa 'yo iyon," narinig nilang sabi ng nilalang habang nakatingin kay Summer kaya napataas ang mga kilay ni Cid.
The demon is telling the truth.
Sasagot pa sana si Sum pero mukhang naisip nitong may punto ang sinabi ng itim na pusa na ngayon ay nasa ibang anyo.
"So why did you save him?" hindi na nakatiis na itanong ni Cid.
"Hindi ko rin alam."
"Ano?" sabay pa nilang tanong ni Nye.
Nakakagulat kasi ang bilis ng sagot ng babae. At base sa tono nito halatang nagsasabi lang ito ng totoo. Noong makita kanina ni Cid na nag-aalala si Summer ay parang nahuhulaan niya na ang posibleng dahilan ng emosyon na iyon. Pero ngayon parang hindi niya na masiguro kung ano talaga ang sitwasyon.
"I just don't want him to die," sabi ni Summer habang nakatingin kay Cid.
"Psychopomps don't die. They disappear," seryosong pagkaklaro ni Cid.