Chapter Five - Soul Searching

143 13 2
                                    

I

Lumapit ka pa nang kaunti.

Parang gustong bumalik ng takot ni Sum nang marinig ang utos ni Nigel. Kanina lang ay nakumbinsi niya na ang sarili kung bakit nila kailangang gawin ito. Pero ngayon may mga alaalang nagbabalik sa kanya na ayaw niya na sanang maalala pa.

Noong bata pa lang sila ng kapatid niya ay kung ano-anong nakakatakot na pangyayari ang naranasan ni Summer tulad ng pagpapakita ng mga kakilala niyang namatay na, pagkakaroon ng mga stalker na anino, o kaya pagkakaroon ng kakaibang sakit dahil lang may nakabunggo siyang hindi pala normal na nilalang. Masasabi niyang nalalagpasan niya lang ang mga iyon kapag dinadala siya ng kanilang lola sa albularyo o nagagawan ng paraan ng kapatid niya na mapagaling siya.

Hangga't maaari ay hindi pumupunta sa mga liblib na lugar si Summer. Pero heto at kusa pa siyang naghanap ng abandonadong bahay para kay Nigel.

Isang bahay lang ang naisip ni Sum na puntahan at iyon ay ang malaking bahay sa loob ng isang pribadong subdibisyon na malapit sa bahay ng kaibigan niyang si Lanie.

Noong buhay pa ang kaibigan niya ay nakuwento nito ang bahay na iyon dati. Ang sabi ni Lanie hindi raw natapos ipatayo ang bahay dahil kinulang na sa budget ang mga may-ari at sa isang katiwala muna ipinabantay ang bahay.

Isang araw may nakaamoy na lang na parang may nabubulok sa loob ng malaking bahay. Nang pasukin iyon ng mga guwardiya at kapitbahay ay nakita nilang patay na pala ang katiwala na pansamantalang naninirahan doon. At dahil walang madalas na nakakakita dito ay wala agad nakaalam ng nangyaring pagkamatay nito.

Ipinaalam na sa mga may-ari ng malaking bahay ang pangyayari. Nailibing na rin ang bangkay pero hindi na ipinagpatuloy ang pagpapagawa sa malaking bahay. Wala na ring pansamantalang nagbabantay doon. Tuluyan na iyong inabandona at pinabayaan ng mga may-ari. At ngayon, kung pagmamasdan parang nakapanghihinayang ang lugar na iyon.

Hindi sigurado ni Summer kung may makukuha ngang pagkain si Nigel doon. Ang usapan nila hanggang labas lang siya at hahayaan niya na ang itim na pusa na manghuli ng makakain nito. Pero kinakailangan nang pumasok ni Sum sa abandonadong bahay para mas makalakad pa si Nigel sa loob. Ayon kay Nigel hindi ito pupuwedeng lumakad palayo sa kanya dahil parang may barrier na humaharang sa daan nito kapag pinipilit nitong lumayo.

Nang pasukin ni Summer ang abandonadong bahay ay nakita niyang marami ng damo ang tumubo sa hardin maging sa loob ng bahay. Halatang niluma na rin ng panahon ang mga sementadong pader. At parang kukulangin ang isang milyon sa pagpapatapos pa lang sa unang palapag. Nang maglakad pa si Sum ay mas napagmasdan niya ang paligid. Maliwanag dahil tumatagos ang sikat ng araw sa ilang bintanang hindi pa nalalagyan ng mga salamin. May naikabit na rin naman na bubong na kulay pula pero bukod doon wala ng ibang kulay ang bahay.

Narinig ni Summer ang pagtalon ni Nigel maging ang pagbagsak ng mga kahon mula sa kabilang kuwarto kaya napilitan siyang sundan ang kasamang pusa.

"Ano'ng nangyari?" tanong ni Sum.

Nakita ni Summer na kakakain lang nito ng itim na tila anino na kapareho siguro ng kinain nito noong nasa ospital sila.

Mayamaya ay iwinawasiwas ni Nigel ang alikabok na pumatong sa ulo nito.

Walang masyadong makakain dito, dismayadong sabi ni Nigel.

Mukhang mapipilitan pa silang humanap ng ibang lugar.

Napabuntong-hininga si Summer at tumingin sa mga nalaglag ni Nigel. May ilang mga damit doon na panlalaki na lumabas mula sa kahon.

Dadamputin sana iyon ni Sum pero may napansin siyang lalaki na nakatayo sa may bandang gilid nila.

AmbiguousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon