Chapter | Eight

312 17 1
                                    

Emerson | Isang linggo pa ang nakalipas bago pinalabas ng hospital si Sabrina. Magaling na ang kanyang mga sugat pero makirot pa rin ito kapag natatamaan. Nagkasya na lang kami ni Smoke mula sa malayo habang pinagmamasdan ang pamilya ni Sabrina, kasama na siya, na lulan ng sasakyan habang papalayo sa hospital.

        Sumakay kami ni Smoke sa sasakyan at sumunod sa kanila. Sa loob ng sasakyan habang nakaupo ako sa may passenger seat ay napansin kong may baril na nakasuksok sa kanyang tagiliran habang ang mga mata niya ay nakatuon sa daan.

        "Mukhang handang-handa ka buddy ah," untag ko sa kanya.

Mabilis lang niya akong sinulyapan pagkuwa'y ibinalik ang tuon sa daan. "Aba syempre, budds, lalo na ngayong hindi na natin alam kung anong pwedeng mangyari," sagot niya sa'kin at alam na niya kung anong tinutukoy ko.

        "E alam mo naman bang gamitin 'yan?" tutsa ko sa kanya.

Ngumiti siya saka suminghal, "syempre naman," sagot niya na may pagmamalaki.

        "Kung sabagay mas mabuti nang may panlaban ka keysa naman sa wala," sabi ko na lang.

        "Oo." Kumaliwa siya, nakabuntot pa rin sa kotse nila Sabrina. "Bakit nga kaya pinagtangkaan ng hunyango na 'yon si Sabrina?" tanong niya, pag-iiba niya ng paksa.

        "Hindi ko nga rin alam. Pero alam ko kailangan ko nang bantayan simula ngayon si Sabrina. Kahit anuman ang mangyari kailangan nasa tabi niya 'ko anumang oras."

Tiningnan lang ako ni Smoke at wala na pang sinabing iba.

        Alas-siyete na ang oras sa may digital clock ng sasakyan. Kanina pa kami nag-aabang dito ni Smoke sa paglabas ni Sabrina pero mukhang nahihirapan siyang kumawala sa mga mata ng magulang niya dahil sa nangyari. Sabi niya sa text message niya kanina ay ayaw pumayag ni Tita Dana na lumabas siya dahil sa kalagayan ng sugat niya kahit naman magaling na ito.

        Gustong makita ni Sabrina sina Lavinia at Peige at Aldrin dahil matagal na niyang hindi nakikita ang mga ito atsaka pag-uusapan din namin kung ano nga ba ang pakay ng hunyango na iyon. Hindi na kasi ako nagkaroon pa ng tsansang interogahin kung ano nga ba talaga ang gusto niya dahil napatay ko siya ng hindi sinasadya at naglaho lang ang katawan nito ng parang bula. Isa na naman ba ito sa plano ni Ergott? O baka may iba pang nasa likod ng pagtatangkang ito?

        Sa pagdaan ng ilang sandali mas lalong dumilim ang langit at sunod-sunod ang pagkulog at ang pagguhit ng kidlat sa nangangalit na kalangitan. At 'di kalaunan ay bumuhos na ang malakas na ulan at umihip ang malakas na hangin. Isang kisap pa ng aking mga mata at wala na ako sa loob ng sasakyan. Nasa ibang lugar na ako kung saan maraming instraktura ang nasira at nakahamba sa mahabang daan ang mga nagtumbahang matataas na building. Ang amoy ng hangin ay hindi ko kayang ilarawan pero hindi ito mapanghalina bagkus ay masakit sa ilong at parang sa unang pagkakataon ay naamoy ko ang dugo. Maraming sugatan na tao sa paligid or at least ay akala kong tao bago lumabas at lumapag ang lalaking may napakalapad na pakpak na walang suot na pang-itaas at ang hugis ng katawan ay mas malaki pa keysa sa'kin.

        Angel.

Sa kabilang banda naman ay may dumadaing na isang babae. Mayroon siyang mahahaba pero pakurbang sungay at duguan siya.

        Demons.

At samu't-saring nilala na ang nakita ko sa'king kapaligiran. Aswang. Hunyango. Kapre. Manananggal. Dwede. Diwata. Mangkukulam. Mambabarang. Bampira. At marami pang nilalang na hindi ko na alam ang tawag. Pero sa dami ng sugatan na mga nilalang na nagkalat sa paligid ko ay isa lang ang nakilala ko na humihingi ng tulong habang nakahandusay sa sahig at nakadagan sa kanyang paa ang malaking bato na napaka-imposible sa'kin para mabuhat ito. Sa kanyang dibdib ay nakabaon na mahabang patalim at alam ko sa mga sandaling iyon na maaring ito na ang huling pagkakataon na magkikita kami ni Axon.

When Forever Ends [SOON TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon