Note: Posted with permission from original author joshX
---------------------
"Rhett, tama na 'yang pagdidilig mo, mag-aalas-sais na, maligo ka na at mag-aalmusal na kayo ng Kuya Rhon mo."
Lumingon ako sa aking likuran. Nakatayo si Tiya Beng, treinta'y singko anyos na sa katabaan ay halos nasakop na ang kawadro ng harapang pintuan sa may terasa. Ang sinag ng papasikat na araw ay abot na sa kaniyang paanan. Nag-aanyaya ang ekspresyon ng mukha.
"Susunod na po," nakangiting sabi ko habang hawak sa kanang kamay ang isang tabo ng tubig. Tumalikod na si Tiya Beng. Ako naman ay bumalik sa pagdidilig sa mga nakapasong cactus na paborito kong tanim na nakahilera sa harapang bakod. Iba-ibang cactus na hindi ko alam ang mga pangalan basta nasa pamilya iyon ng cactus. May parang globo na puno ng tinik ang palibot, may isa naman malapad at may mga tuldok at sa bawat tuldok ang kung ilang tinik ang lumabas. Kagaya ng mga nauna, tsinek ko muna kung kailangan din ng dilig ang pang huling paso. Kumurot ako sa lupa isang pulgada mula sa ibabaw, ganap na itong tuyo. Ibinuhos ko ng marahan paikot sa paso ang tubig sa tabo saka tumigil nang makitang umagos na sa pinakailalim ng paso ang idinilig na tubig. Iyon kasi ang turo sa akin ni Kuya Brando nang malaman niya na halos dalawang beses sa isang araw kong diligan ang mga cactus. Kadalasan na ikinamamatay ng cactus ay sobrang tubig na nagpapabulok sa mga ugat nito't katawan.
Si Kuya Brando ay kaeskuwela ng kapatid kong si Kuya Rhon. Kuya na rin ang tawag ko sa kaniya dahil palagi silang magkasama ni Kuya Rhon at parehong disinuwebe at nasa ika-apat na taon na sa kolehiyo. Sampung taon naman ang tanda nila sa akin. Si Kuya Rhon ay kumukuha ng Accountancy samantalang si Kuya Brando ay Electrical Engineering sa University of Batangas o mas popular sa tawag na UB.
Matapos kong bulungan ang mga cactus ay pumasok na ako sa loob ng bahay. Bulong na lang pala ang ginagawa ko imbes na kausapin ko ang mga ito gaya ng narinig ko na nakakatulong ito sa paglusog at paglaki ng mga halaman. Napagalitan kasi ako minsang makita ako ni Kuya Rhon na kinakausap ko ang mga cactus. Para daw akong baliw.
Kalalabas lang ni Kuya Rhon mula sa banyo nang pumasok ako ng kusina. Ang pinto ng banyo ay nasa katapat ng mesa. Nakahubad pa at nakatapis lang ng tuwalya. Matangkad si kuya kumpara sa average height ng mga Pilipino, nasa 5'9" ito na sana ay maabot ko rin paglaki ko. Bagsak ang unat na itimang buhok na noo'y basa ng tubig. Nangungusap ang mga bilugang mata, matangos na ilong at mapula ang buong mga labi. Moreno ang kulay ng balat na bagay sa balingkinitan nitong katawan. Kahit hindi pa ito naggi-gym ay wala naman itong kataba-taba sa katawan. Guwapo si Kuya Rhon. Marami na ring babae ang humahabol sa kaniya pero sa mura kong edad ay hindi ko na inalam pa kung bakit wala ni isa sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya ang pinalad na maging boyfriend siya. Kita ko ang kaniyang medyo malapad na balikat at likod na kumipot pababa sa beywang nang paakyat na ito ng hagdan papunta sa kaniyang kuwarto sa ikalawang palapag ng aming bahay.
Umakyat na rin ako sa aking silid na katapat ng kay Kuya Rhon. Bumaba rin ako pagkakuha ng damit at tumuloy sa banyo at mabilis na lumigo. Pagkabihis ng aking uniporme ay dumulog na sa hapag-kainan.
"Rhon, gagabihin pala ako ng dating mamaya kaya ikaw munang bahala dito sa kapatid mo. Attend ako ng seminar sa Tagaytay," sabi ni Tiya Beng. Nagtitinda kasi siya ng mga whitening at beauty products gaya ng sabon, lotion at iba pa.
"Sige po," maiksing tugon ni Kuya Rhon saka bumaling sa akin. "O ikaw, bilisan mong kumain at baka ma-late pa tayo."
"Okie Daddy," sabi ko naman na imbes bilisan ay lalo ko pang binagalan ang pagsubo. Daddy ang tawag ko kay kuya kapag gusto ko siyang asarin. Paano'y daig pa ang isang ama kung umasta. Tuwang-tuwa naman ako pag naaasar ko siya. Sa isang banda, natural lang siguro na maging ganon si kuya Rhon dahil siya na rin ang tumayong ama sa akin nang mamatay ang daddy namin noong three years old ako at nang iwan kami ni mommy kay Tiya Beng pagkalipas ng dalawang taon.

YOU ARE READING
In Love With Brando -Complete
RomanceIto po ay nobela ni joshX na binigyan ako ng permiso para mai-repost dito. Isa ang kwentong ito na umantig ng aking damdamin at naging inspirasyon ko na rin para sumubok ding magsulat. Basahin po ninyo ang kwento nina Kuya Brando at Rhett... at sigu...