Chapter 13

2.9K 63 11
                                        

Note: Posted with permission from original author joshX

---------------------

“ANG SASABIHIN KO SA IYO ay batay lang din sa nalalaman ng mga kapitbahay noong mga panahong iyon. Two months old ka pa lang Rhett nang mangyari ito. Ang Daddy mo ay nasa trabaho – wala noon ang Kuya Rhon mo at nasa camping ng Boy Scout sa eskwelahan. Kayo lang ng Mommy mo ang naiwan. May isang lalaki na nagpunta dito. Ayokong paniwalaan dahil alam kong mahal na mahal ng Mommy mo ang Daddy mo, pero ayon sa usap-usapan, ang lalaki daw na iyon ay kalaguyo ng Mommy mo. Umuwi ang Daddy mo at nahuli niya ang dalawa na magkayakap. Nagalit ang Daddy mo, umalis siya ng bahay. Nagpakalasing siya saka nagmaneho at nabangga ang kotse niya sa isang poste ng Meralco. Dead on the spot siya.”

“Sino ang lalaking iyon Tiya? Kilala mo ba siya? May nakakakilala ba sa kaniya?”

Umiling si Tiya Beng bilang tugon.

“Kung totoo iyon Tiya, bakit sa akin ibubunton ni Mommy ang nangyari samantalang siya naman pala itong nangaliwa?” Nakaramdam ako ng galit kay Mommy at pagkahabag naman para kay Daddy. Pakiramdam ko’y panaginip lang ang nangyayaring ito. Lahat ng sinabi ni Mommy maging itong pagsisiwalat ni Tiya Beng sa akin.

“Isa din iyon sa naging palaisipan sa akin nang mga panahong iyon Rhett. Bakit ikaw ang sinisisi? Hindi ko na kasi naitanong iyon sa Mommy mo dahil pagkatapos ilibing ng Daddy mo, overly depressed siya. Pinagamot pa nga namin siya sa Psychiatrist at nang gumaling na, hindi na ako nagtanong pa tungkol sa bagay na iyon sa takot na bumalik ulit siya sa dati.” Naluha din si Tiya Beng sa pagbabalik-tanaw niya sa nakaraan.

“Hindi po ba unfair sa ‘kin iyon Tiya? Ano po ba ang magagawa ng two-month old na baby kagaya ko para pagbalingan niya ng sisi sa pagkamatay ni Daddy?”

Malungkot ang mukhang umiling siya. “Alam kong unfair iyon Rhett kung hanggang doon mo lang siya titingnan. Alam kong may mas malalim pang dahilan at napatunayan kong tama ako dahil nang nandito na ako sa inyo habang ipinapagamot ang Mommy mo ay may natuklasan ako tungkol sa Daddy mo: Naaksidente pala siya sa pinapasukan niya nang tamaan ang kaniyang kaliwang hita na malapit sa kanyang ari ng isang makina doon. Dahil sa aksidenteng iyon, hindi na siya maaaring magkaanak pa.”

Napaisip akong bigla. “I-ibig pong sabihin, hindi ako tunay na anak ni Daddy?”

OMG! Let this be only a dream. Please.

Atubili si Tiya Beng sa sasabihin. Matagal na nag-isip saka huminga ng malalim bago nagsalita, ang tinig ay sa maiiyak na. “Tiningnan ko ang petsa kung kailan siya naaksidente saka ko ikinumpara sa petsa ng kapanganakan mo. Mahirap man tanggapin Rhett, lumalabas na baog na ang Daddy mo nang ipagbuntis ka ng Mommy mo.”

I’m only dreaming! This can’t be real. It can’t be. Pumikit ako ng mariin saka kinurot ng pino ang sarili. Nagbilang ng tatlo saka nagmulat. Saka ko napagtanto, totoo pala ang mga nangyayari dahil wala naman ako sa kama ko, naroon pa rin ako sa sofa kaharap pa rin si Tiya Beng. Hindi ko mai-explain ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Parang gusto kong magtatakbo at magsisigaw para kahit man lang sa ganoong paraan ay mapawi ang sakit na nasa puso ko.

In Love With Brando -CompleteOnde histórias criam vida. Descubra agora