Note: Posted with permission from original author joshX
---------------------
Mas mainit ang sikat ng araw nang umagang iyon kahit mag-aalas-sais pa lamang kumpara noong mga nagdaan. Isa na yata ito sa epekto ng tinatawag na climate change. Wala pang tatlong kilometro ang naaabot namin ni Harry sa pagja-jogging ay halos tumagaktak na ang aking pawis mula sa aking unat at bagsak na itimang buhok pababa sa aking mukha. Nag-sando na nga lang ako at jogging pants na kulay gray na may stripes na maroon pahaba sa magkabilang gilid.
“Kaya pa ba?” nakangiting tanong ni Harry na para bang minamaliit niya ang aking kakayahan. Medyo binagalan ang pagtakbo para umantabay sa akin. Ang guwapo nito sa suot na puting Hanes T-shirt na semi fit at UB jogging pants kagaya ng suot ko. Moreno ang balat na makinis at semi-kalbo ang gupit. Sa ganda ng katawan nito ngayon na alaga sa gym, height na 6’1”, matangos na ilong na bumagay sa may kanipisang mga labi at pair of expressive black eyes ay hindi mo aakalain na siya ang patpating si Harry na ipinagtanggol ko sa mga bullies na sina Jimson, Collin at Bino mahigit sampung taon na ngayon ang nakakaraan.
“Kaya pa.” nakangiting tugon ko. Maalat ang butil ng pawis na dumaloy sa aking labi. Kinuha ko ang lalayan ng aking t-shirt, iniangat at sandaling nagpunas ng mukha. Nakalimutan ko kasing magdala ng towel na pampunas. Napatingin tuloy si Harry sa lumitaw kong six pack abs at sa makinis kong balat na maputi kumpara sa kaniya. Medyo naalangan ako sa mga ganoong pagkakataon kaya, “Meron ka din niyan,” sabi ko na tinapik pa ng marahan ang kaniyang tiyan na ikinagulat naman niya. “Mas maganda pa ang pagkaukit.”
Napangiti naman siya. “Iyan ang gusto ko eh…at hindi lang naman ‘yan. Lahat ng ikaw.”
“Sira ka talaga, sabi ko sa iyo hindi tayo talo.” Bigla kong binilisan ang pacing ng pag-jogging ko.
“Iiwanan mo ba ako?” kunwa’y naiinis na tanong niya.
“Oo kung babagal-bagal ka.”
“Ganon.” Sabi niya pagkuwa’y patakbo na ang ginawa niya.
Binilisan ko din para sabayan siya. Pagkatapos malampasan ang sampung naggagandahang mga bahay sa aming subdivision ay unti-unti na rin kaming bumagal.
“Mamahalin mo rin ako...sometime later,” sabi niya na hindi pa rin pala nalilimutan ang topic kanina.
“Mahal naman kita. Pero alam mo na kung hanggang saan lang ‘yon.” Alam ko na memorize na niya ang sagot kong iyon dahil hindi na rin mabilang kung ilang ulit ko ng isinagot iyon sa kaniya.
“Gusto ko mas higit pa doon. At alam kong mangyayari din iyon.”
“Talaga lang?”
“Talaga. Darating din iyon.”
“In your dreams,” pabiro kong sabi kay Harry. “Balik na nga tayo,” yaya ko sa kaniya para makauwi na kami sa amin. Matagal na kasing sa amin nakatira si Harry.
YOU ARE READING
In Love With Brando -Complete
RomanceIto po ay nobela ni joshX na binigyan ako ng permiso para mai-repost dito. Isa ang kwentong ito na umantig ng aking damdamin at naging inspirasyon ko na rin para sumubok ding magsulat. Basahin po ninyo ang kwento nina Kuya Brando at Rhett... at sigu...