Note: Posted with permission from original author joshX
---------------------
Sinulit namin ni Kuya Brando ang buong maghapon, kumain kami sa isang sikat na restaurant na pwedeng magpaluto ng vegetarian food. Sa kainan na iyon malayang nakakapag-request si Kuya Brando, halimbawa ay huwag lagyan ng karne ang gulay na nasa menu, huwag gumamit ng mga meat flavored seasoning at animal oil at lard sa pagluluto. Masaya kaming kumain habang nagkukwentuhan ng mga sweet nothings. Sa hapon ay nag-stroll kami sa SM, nanood ng sine, naglaro saglit sa may arcade saka nagpunta sa plaza sa bayan na katapat ng police station. Umupo kami sa bench doon habang kumakain ng fries at juice na pinatake-out namin. So far, ito na yata ang pinakamasayang parte ng buhay ko. Ang sarap talaga ng feeling ng in love, nakaaadik. Alive na alive ang pakiramdam. Tama nga ang sabi nila: Love is life. And if you miss love, you miss life.
Kaya naman medyo nalungkot ako nang ihatid na ako ni Kuya Brando sa amin. Kasi nama’y ayaw ko na talagang matapos ang maghapon, ayaw ko na ring magkahiwalay pa kami. Kaya bago ako pumasok ng tuluyan sa gate, niyakap ko siya ng mahigpit na mahigpit. Niyakap naman niya ako, ramdam ko ang init sa kaniyang katawan at amoy ng peras at banilya.
Niluwagan ko ang aking pagkakayakap at tumingin sa mukha niya. “I love you,” sabi ko na punom-puno ng emosyon ang tinig.
Ginawaran niya ako ng masuyong halik sa mga labi saka nagbitaw ng nasisiyahang ngiti. “I love you too, Utoy.” Ramdam ko ang sinseridad sa kaniyang sinabi. “O, paano…marami pa namang pagkakataon…”
Ayaw ko pa rin sana siyang pakawalan pero tama siya, marami pa namang oras para sa amin. “Sige Kuya, text-text na lang tayo.”
Tumango siya ng marahan, pumasok sa kaniyang kotseng puti saka kumaway. Hatid-tanaw ko pa ang kotse niya habang paliit ito ng paliit hanggang mawala ng tuluyan sa aking paningin.
Pagpasok ko ng bahay ay sumalubong sa akin si Tiya Beng na bakas sa mukha ang pag-aalala. Humalik ako sa kaniyang pisngi bilang paggalang. Sa unang pagkakataon, nag-dalawang-isip akong ibahagi sa kaniya ang tuwa sa aking puso sa nangyari sa amin ni Kuya Brando. Alam ko naman kasing hindi siya papabor sa akin.
“Si Brando iyon,” nag-aalangan niyang sabi.
Tumango ako. “Mahal ako ni Kuya Brando, Tiya.”
“Nag-aalala ako sa iyo, anak. Ang sa akin lang naman, sana pag-isipan mong mabuti, sabi ko nga, baka ikaw ang singilin niya sa atraso ni Rhon.”
May maliit na parte na lang ng utak ko ang nag-iisip ng ganoong possibility. Mas malaki pa rin nito kasama ng puso ko ang nagsasabing mahal ako ni Kuya Brando at iyon ay hindi ko dapat pagdudahan.
“Aakyat na po ako para makapagpalit ng damit.” Iniwan ko si Tiya Beng na nasa mukha pa rin ang kawalan ng pag-asang mapabago pa niya ang pinaniniwalaan ko.
DU LIEST GERADE
In Love With Brando -Complete
RomantikIto po ay nobela ni joshX na binigyan ako ng permiso para mai-repost dito. Isa ang kwentong ito na umantig ng aking damdamin at naging inspirasyon ko na rin para sumubok ding magsulat. Basahin po ninyo ang kwento nina Kuya Brando at Rhett... at sigu...