Pagbilang Mula 1 Hanggang 10

21 0 0
                                    

Una,
Sa una nating pagkikita, tanging mukha mo ang paksa
ng aking mga mata. Ang mga labi mo'ng nananabik sa
pula; ang iyong mga matang kay sarap pagmasdan; at
ang ngiti mo'ng nang-aalok ng matamis na halik. Libog?
Higit pa roon ang bumagabag sa akin, at ang alam ko
ngayon palang nakaramdam ang puso ko nito: pag-ibig.


Dalawa,
Dalawang linggo na tayong magkakilala at pangalawang
linggo na rin ito na nakalimutan ko'ng magpakilala sa iyo.
Paano ba naman kasi, sa tuwing ibibigkas ko ang aking
bibig, bigla nalang nawawala ang mga salitang "Hi, ako
nga pala si Tonyo." Ewan, 'di ko alam kung bakit ganoon.
'Di ko rin alam kung bakit kinakabahan ako tuwing malapit
sa'yo. Siguro nga natotorpe lang ako.


Tatlo,
Tatlong hakbang mula sa kinatatayuan mo, doon ay
matatagpuan mo akong kinikilig mula sa kinuupuan ko.
Tatlong sulyap rin ang ninakaw ko mula sa iyo. Kung
ipapakulong mo man ako, handa akong sumuko at ialay ang
nalalabing buhay ko para lang sa'yo. Naks! Pero syempre
ayoko pang makulong. Gago ka ba? O gago ba ako? Ah alam
ko na, gago nalang tayong dalawa.


Apat,
Apat na tagay pa ang aking tinungga pampalakas lang ng aking
kumpyansa sa sarili. Dahil ngayon, ngayon ang gabi na magtatapat
ako ng aking pagmamahal sayo. Marahil sobrang bilis nito para
sa iyo, pero hindi para sakin. Dahil naniniwala ako, ang pagmamahal
ay walang pinipiling oras: kapag tinamaan ka, kailangan mo 'tong
harapin, handa ka man o hindi.

Lima,
Limang salita ang naisip ko, "Lea, mahal kita." Kaso kulang
ng dalawa. Wala akong pake, at dali-dali kitang hinanap.
Nilibot ko ang buong paligod matunton lang ang kinaroroonan
mo. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, may kahalikan ka
nang iba. Tama nga siguro na limang salita ang gusto ko'ng sabihin,
"May mahal ka nang iba." o mas masakit pa'y "Lea, 'di mo ako mahal."


Anim,
Anim na beses ko'ng pinag-isipan kung totoo ba
ang nangyari. Baka rin kasi dala lang ng pagkalasing,
kung anu-ano nalang ang nakikita ko. O di kaya'y
sa sobrang kabaliwan ko, kung anu-ano nalang ang
katangahang naiisip ko. Gayon pa man, bahala na.
Alak at ako nalang ngayong gabi. Alak at ako nalang.


Pito,
Pitong oras na ang nakakalipas at umiiyak ka pa rin.
Anong problema mo? Kinausap kita at niyakap mo ako.
Masama man isipin, pero sana lagi ka nalang umiyak
para lagi rin kitang kayakap. Sa bawat pagsinok mo'y
siya namang pagsikip ng aking dibdib; at sa bawat
pagtangis mo'y gayon rin akong nalulumbay. Paano ba
kita patatahanin? Kung ang rason ng pag-iyak mo'y
pagkasira ng iyong puso? Iniwan ka niya, pero nandito
naman ako. Ngunit hindi panibagong karelasyon ang
kailangan mo sa pagkakataong ito, kundi karamay:
isang kaibigan.


Walo,
Walong beses ko'ng pinigil ang aking pantog para lang
madamayan kita hangang sa huling patak ng iyong luha.
Ayos lang sa'kin 'yon basta ang mahalaga, naramdaman
mo'ng may taong handang magsakripisyo para sa iyo;
kahit na sa maliliit mang bagay, ikaw pa rin ang prayoridad
nito. Sabihin mo lang sa akin kung handa ka na, handang
tumayong muli at magsimula ng panibagong kwento ng
buhay mo. Dahil handa kitang suportahan hanggang sa
wakas nito. Nandito lang ako para sayo.

Siyam,
Siyam na lunch breaks na ang ating pinagsaluhan.
At natutuwa ako dahil nagugustuhan mo ang mga
ulam na ibinabahagi ko sa iyo. Pero ang pinaka
masayang parte ay ang pagkagusto mo sa mga oras
na tayo'y nananatiling magkasama. Simula noon ay
nakikita ko na uli ang iyong magagandang ngiti, mga
singkit mo'ng mata, at pisnging namumula sa kilig.
Parang kailan lang noong magkalayo ang ating mga
mukha pero ngayon, halos mabilang ko na ang mga
hibla ng 'yong pilikmata. Sana ganito nalang tayo
magpakailanman, ngunit sa hindi inaasahang
pagkakataon, nagbalik siya.


Sampu,
Sampung mga rosas ang inabot niya sa iyo, tanda ng
kanyang dalisay na paumanhin sa panlolokong ginawa
niya sa iyo. Tinitigan mo ito at sa bawat segundong hindi
mo pagkibo ay ang pagbilis ng pagtibok ng aking puso.
Hanggang dito nalang ba? Hanggang dito nalang ba
magwawakas ang nagsisimulang relasyong 'ikaw at ako'?

Tumayo ka at taos-puso mong tinanggap ang mga rosas
na handog niya para sa'yo. At sa pagkakataong iyon, alam
ko na. Alam ko nang hindi talaga tayo para sa isa't isa.
Ngunit ilang saglit lang ay biglang kumalat sa hangin ang mga
talulot ng mga bulaklak. Nagmistulang confetti ito mula sa
pagkakasampal mo sa kanya. Doon ko lang nalaman na
pang-sampung beses niya na rin pala itong ginawa sa'yo.
Tama na! Tapos na tayo. Hinawakan mo ang aking kamay at
iniwan natin siyang gulat sa malaking rebelasyon. At sa
pagkakataong iyon, alam ko na. Alam ko nang mahal mo na ako.


Inspired by the movie, Kita Kita.


The ProtagonistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon