Kung gagawan kita ng tula,
Magsisimula ako sa paglarawan ng iyong mukha;
Isusunod ang pagkadalisay ng iyong kaluluwa;
At hahanapan ng mga wastong salitang itutugma
Sa kung paano kita lubusang kinilala.
Kung ipipinta kita gamit ang pintura,
Kukulayan ko ang iyong mundo ng matingkad na pula;
Hahagurin ng maamong dilaw at asul ang iyong katawang mapostura;
At guguhitan ng makapal na itim ang bawat gilid ng iyong hitsura;
Tsaka papakinangin sa barnis ang iyong taglay na ganda.
Kung ikakatha kita ng musika,
Magsisimula ka sa malikot na panimula
Na dahan-dahang matatapos sa malungkot na tono ng gitara.
Tutustusan ko ng makabuluhang liriko ang iyong kanta;
At titiyakin ko na daan-daan ang makakarinig ng iyong pagsinta.
Kung imomodelo kita sa isang eskultura,
Tatantiyahin ko ng eksakto ang bawat parte ng iyong katawan.
Huhulmahin ko ng maigi ang bawat sulok ng iyong pagkatao;
At ilililok ng mabusisi ang bawat piraso ng iyong pagkabato,
Hanggang sa marahang matapos ang makisig mo'ng rebulto.
Nais ko sanang malaman mo
Na sa lahat ng naging paksa,
Ikaw ang pinaka paborito ko.
Hindi ka man ipinanganak na perpekto,
Tiyak namang natatangi ang iyong puso.
BINABASA MO ANG
The Protagonist
PoetryCollection of Seasonal Sentiments and Sudden Thoughts It includes poems, essays, quotes, and realizations