Episode 10

11 3 1
                                    

Nandito na kami sa bahay ampunan kung saan tumutuloy ang prinsesa ng buhay ko. Ako, si Jean, at ang isa sa mga tagapamahala lamang ang nandito dahil iginala muna nila ang mga bata sa isang amusement park. Request kasi nila ito, lalo na at ito na ang huling araw na makakasama ni Helena ang mga best friend niyang sina Yana at Jana. Nahanap na kasi sila ng mga magulang nila at naasikaso na ang lahat ng papeles kaya kukunin na sila ng mga ito. Kapag umalis na sila, malulungkot na naman si Helena. Bukod sa apat na lang silang matitira, ang best friend niya pa ang aalis.

Halata sa reaksyon ng tagapamahala ang pagkamangha sa kasama ko. Hindi ko siya masisisi kung aakalain niyang isang tunay na tao ang kasama ko at hindi manika. Oo nga pala, tao nga pala talaga itong kasama ko. Pero kahit ang totoong Barbie Angela ang kasama ko ngayon, mamamangha pa rin siya.

Nasa living room na kami nang magpaalam ang tagapamahalang kasama namin na kailangan niya nang pumunta ng kitchen para ipagpatuloy ang pagluluto sa mga pagkaing ihahanda para sa birthday ni Helena, ang prinsesa ng aking buhay.

Dalawa na lang kami ni Jean na naiwan sa living room. Nang mainip kakahintay sa mga bata ay kapwa kami naupo sa sofa, magkatabi. Kakaiba talaga si Jean. Mukhang hindi talaga siya si Jean mula sa itsura niya hanggang sa pagkilos at pananalita niya. Para talagang siya si Barbie Angela.

"Jean..."

"Huwag mo kong tawaging Jean. Puwedeng dumating na lang bigla ang mga bata. Sa mga oras na ito, ako si Barbie Angela."

Ni hindi manlang siya tumingin sa akin nang sinabi niya iyon. Diretso lang ang tingin niya. Napakamot na lang ako sa ulo ko. Medyo napahiya ako doon, ah. Napakagat labi ako. Sige, dahil sinabi mong ikaw si Barbie Angela, paninindigan ko 'yan.

"Ikuha mo ako ng maiinom. Gusto ko ng malamig na tubig."

Eh, di tumingin din siya sa akin. "At bakit mo ako inuutusan?"

"Kasi ikaw si Barbie Angela, isang buhay na manikang puwede kong utusan dahil ako ang iyong kamahalan. Hindi mo kailangang magtanong sa kamahalan mo, ang kailangan mong gawin ay sumunod. Kailangan kong makita kung maayos ba ang sistema mo. Baka mamaya, palpak ka pala."

Wala pa rin siyang emosyon. Ang galing niya palang umarte. Puwedeng-puwede siyang mag-artista. Maganda na, talented pa. Kaya liligawan ko talaga 'to. At kapag naging kami, hindi ko na siya pakakawalan.

"Masusunod, kamahalan. Paumanhin sa pagiging pasaway ko para hindi agad sumunod. Pero gagawin ko na po ang ipinag-uutos niyo."

Naglakad na siya patungo sa kitchen. Ngumiti ako habang pinapanood siyang maglakad. Para talaga siyang manika. Pagbalik ay dala niya na ang baso ng malamig na tubig na hinihingi ko. Inilapag niya ito sa ibabaw ng center table sa living room. Kinuha ko ito at uminom ng kaunti.

"Mukhang matagal pang darating ang mga bata. Siguro kailangan ko ng snacks na makakain. Puwede bang ikuha mo ako ng grapes?"

"Opo, kamahalan. Masusunod po."

Bumalik ulit siya sa kitchen. Nu'ng wala na siya sa paningin ko, saka ko pinakawalan ang tawang kanina ko pa pinipigilan. Ang saya pala na merong buhay na manikang puwede mo lang utus-utusan.

Bumalik siya dala ang hinihingi ko. Inabot niya ito sa akin, pero kumuha lang ako ng isang piraso at kinain ito.

"Masarap ang grapes, pero tingin ko ayoko ng prutas ngayon. Ikuha mo na lang pala ako ng kahit na anong klase ng crackers."

At nagsimula na akong pagtripan siya. Pagbalik niya, sinabi kong ayoko pala ng crackers, kundi ice cream ang gusto ko. Ilang beses siyang pabalik-balik sa kitchen para sa kung anu-anong pinapakuha ko sa kanya na sa huli ay pinapabalik ko rin naman sa kanya.

The Living DollTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon