Buwan, Mundo, Bituin, IKAW

4 2 0
                                    

Napatingin ako sa kalangitan
Habang nasa kalagitnaan
Ng pagmumuni-muni sa nagdaan.
Natanaw kong bilog ang buwan
At naikumpara ko ito sa mundong ating ginagalawan.

Madalas,
Natatakot tayong makipagsapalaran
Kaya gaya ng buwan,
Ikukubli natin ang ating kahinaan
Sa tahimik na kadiliman.
Ngunit hindi natin napapagtanto
Na mas lumalayo tayo
At mas nakakalimot tayo
Sa kung sino tayo
Tuwing pipilitin pa nating itago
Ang mga bagay na ayaw nating
Makita ng mga bituing nagningning
Pagkat takot tayo...
Takot tayong mahusgahan.
Takot tayong mapagtawanan.
Takot tayong mawalan ng kagandahan
Sa mata ng mga tinuturing nating kaibigan.

Kaya't ang takot
Siya ang humahakot
Ng mas marami pang kadiliman
Na siyang nagkukubli sa ating buong pagkatao
At nagiging dahilan para hindi tayo magpakatotoo..
Kasi nagiging kalahati na lang tayo,
Kalahating totoo at kalahating "ewan ko,"
Nababawasan lagi ang bawat parteng
Dati ay maliwanag at nagniningning.

Pero paki-usap,
Kahit gaano man kahirap
Ang ibato ng buhay na pagsubok,
Harapin mo ito ng buo.
Huwag mong hayaang lamunin ng kadiliman
Ang malinis at magandang kalooban
Na ipinagkatiwala ng lumikha
Pagkat ang kadiliman ng gabi
Ay tatapusin lagi ng isang bagong umaga,
Gigisingin ka ng araw
At iilawan ang bawat mong galaw
Pagkat ito...
Ang nararapat
Para sa isang
Bituing patuloy na magniningning
Mapa-umaga o gabi.

Isa kang bituin.
Kaya ilahad mo ang iyong kamay
At abutin mo ang langit
Ng pagkatao mo
Kasabay ng mga pangarap mo.

~03212019~





Words and Heart at WorkWhere stories live. Discover now