decision making

11 0 0
                                    

April 17, 2014

Thursday

12:00 a.m.

           

            Ang bilis pala ng panahon, at sa sobrang bilis ng mga pangyayari hindi ko namalayang dalawang linggo na rin kitang hindi nabibisita.Sobra kasing busy ngayon, noong nakaraang linggo halos ipatapos sa'min ang mga gawain sa office dahil sa darating na 'Holy Week'.Kinalunesan lalo pang naging abala dahil may dumating.

            Si tita Les, kung tawagin namin ay Mamita.Isa siya sa mga kapatid ng tatay ko na nakatira ngayon sa abroad, sa bansang Australia, walang asawa ang tita ko pero may anak, magulo ba? Hind siya nag-ampon, biological son talaga niya ang pinsan namin, uso kasi 'yon kaya nakiuso ang tita ko at dahil doon wala na siyang masyadong pinagkakaabalahan kundi ang unico hijo niya, pero nang makapagtrabaho ito wala na siyang masyadong pinagkakagastusan kaya naman nagpasiya siyang tumulong sa mga kapatid niya dito sa Pilipinas.

            Ang puhunan sa karinderia namin ay sa kaniya nanggaling.Nakakatuwang sabihin na dahil sa karinderiang iyon, ilan sa mga kapatid ko ay nakapagtapos ng kolehiyo.Siyempre sa una mahirap talaga, may mga panahong kahit si tatay pakiramdam niya sapat lang ang kita sa pang araw-araw naming gastusin kaya ang panganay namin, ang ate ko na nakatira ngayon sa Pangasinan, ay nagsariling sikap.

            Working student siya noong college, aral sa umaga, trabaho sa gabi.Ilang beses na rin siyang nawalan ng malay dahil sa ganoong sistema pero determinado siyang makapagtapos kahit sobra pa ang panggigipit ni nanay.Si tatay naman, kahit ayaw niyang pahintuin si ate ay kinumbinsing iyon na lang ang gawin kaysa maapektuhan pa ng husto ang kalusugan niya.

            May pagkamatigas din ng ulo si ate, tuloy pa rin siya, tuloy minsan nagpapang-abot sila ni tatay na malimit mangyari.Nag-aalala lang naman si tatay pero buo talaga ang loob ng ate ko na makapagtapos, at nagtagumpay naman siya.Kahit inabot pa ng anim na taon bago siya nakapagtapos ng kolehiyo, sulit ang lahat, ngayon ay may sarili na silang negosyo ng asawa niya.

            Si kuya na malapit pa lang matapos sa college, bakit? Hindi ko alam kung anong gusto niya dahil bawat taon ay papalit-palit siya ng kurso.Nasubukan na niya ang Accounting isang taon lang at lumipat na siya sa Business Administration, masyado raw madali kaya nagmarketing na kinaayawan din niya at sunod ay Education na sobrang boring daw kaya nagpalit na naman at ngayon, sa wakas nahanap na niya ang mahal niya, ang mechanical Engineering.

            Ang isip bata kong ate na dalawang taon pa lang na nakaka-graduate ay katas din ng karinderia ni tatay.

            Ako naman ay hindi tinulungan ni tatay, ayaw na nga niya akong pag-aralin dahil gusto niyang manahin ko na lang ang karinderia.Pero sa nakita ko sa mga kapatid ko, napaisip ako.

 Bakit ganoon na lang sila kapursigidong makapagtapos? Bakit ganoon na lang sila kasaya sa napiling karera? Bago ko magtapos ng high school, pinag-isipan kong mabuti kung anong gusto ko.Hindi rin naman masamang manahin ang karinderia ni tatay, bukod sa lumago na ito ay kilalang kilala pa, dahil sa sarap ng luto niya kaya nakakapanghinayang kung kalaunan ay mawawala ito.Buo na ang pasya ko noon at tuwang-tuwa si tatay dahil doon, pero isang bagay ang nagpabago ng lahat.

            Malinaw pa sa ala-ala ko noong fourth year high school ako.Isang pangyayari ang inaasahan na ng lahat pero hindi pa akong handang tanggapin ang katotohanan.Umaga sa classroom, July 09, 2007.

Ibinungad sa'min ni maam ang masamang balitang iyon.May ilang lumuha, nalungkot, mayroon ding nanghinayang, walang pakialam.

            Paglipas ng dalawang subject ay recess, mukhang normal na ulit ang lahat, mabilis na kumalat ang balita sa school, iba't-iba man ang reaksyon ng mga mata nila pero bakit parang napakagaan lang sa kanilang tanggapin iyon?

            Kinuha ko ang bike at umalis sa kasuklam-suklam na lugar na iyon.Kinamuhian ko ang mga tao roon, lahat sila, lahat-lahat sila ay mga walang puso.Hindi ko alam ang pupuntahan basta't patuloy lang ako sa pagpedal.

Ilang oras pa akong patuloy lang sa pag-andar, hindi ko namalayan ang oras at ang mga tao sa paligid, gusto kong mapag-isa,lumayo pa!Malayong malayo sa lahat pero mukhang hindi na kaya ng binti kong gumalaw.

            Mabilis ang pagtakbo ng aking bisikleta, nang hindi na gumana ang aking mga hita at binti ay agad akong natumba.Ilang beses pa akong nagpagulong-gulong sa lupa hanggang sa tumigil ito.Sa pagmulat ko ang madilim na langit ang aking nakita.Dumadagundong sa itaas at pagkatapos noon isang patak mula sa aking pisngi, sa noo, sa braso at hanggang sa ang patak ay naging ulan.

            Malalaki ang bagsak ng tubig kaya malakas ang pagtalsik ng lupa sa aking braso at mukha.Hindi ko maigalaw ang aking mga binti, kaya patuloy na lang akong humiga sa lupa.

Malamig ang hangin ngunit nararamdaman kong mainit ang tubig na umaalpas sa aking mukha.Inilagay ang putikang braso sa nakapikit na mata at tahimik na sinabayan ang ulan.

            Hindi ko napansing wala na ang ulan dahil patuloy pa rin itong umaagos sa aking mata.Ilang sandali pa'y naramdaman kong napapaso ako ng init kaya tinanggal ang braso at bigla akong napatahan ng kaniyang ganda.

Pagkatapos ng ulan lilitaw ang pag-asang napakaganda, ang bahaghari, makulay itong pumapailanlang sa maaliwalas na langit.Matagal ko itong tinitigan hindi ko iniaalis ang tingin dito hanggang sa mawala na lang ito sa aking paningin.

            Bakit, bakit napakabilis nitong mawala? Sa nakalipas na mga oras, bibigyan ka nito ng dahilan para ngumiti, magpakalakas loob pa at magpakatibay pero sa sandaling mawala ito, ang determinasyon mong gawin ang mga bagay na iyon ay tila nawalang kasama nito.

            Unti-unti na kong nasisilaw ng araw, kaya umupo ako at ibinaluktot ang nananakit na mga tuhod.Iginala ang mata, bago sa akin ang lugar, purong lupa ang daan, mahalaman at mapuno ang paligid.

Pagpihit ko ng ulo sa gilid ay lubha akong namangha.Nagpapaalam na sa akin ang papalubog na araw, ang malawak na karagatan sa palibot nito ay malumanay na idinuduyan ng hangin sa hapon.

            Ang tanawing iyon, hinding-hindi ko makakalimutan ang larawan at damdaming ibinigay nito.Kaya nagpasiya kong mag-aral sa kolehiyo at kunin ang fine arts, gusto kong  lumikha ng mga larawang maaaring magbigay  ng kakaibang emosyon sa bawat titingin dito.Sobrang nagalit sa akin si tatay hindi dahil gusto kong magkolehiyo kundi dahil sa gusto kong kurso.

tatay: pipili ka na lang yung walang kwenta pa! dapat yung siguradong    pwede kang mabuhay, ano bang mapapala mo diyan?

ako: sabihin n'yo na lang sa'kin 'yan tay kapag tapos na ko't lahat at     walang nangyari sa buhay ko.

            Ang huli kong maalala ay namamaga na lang ang panga ko.Hindi niya ko sinuportahan pero si tita Les, buong puso niya kong tinulungan.Kaya naman kahit abala sa office hindi ko palalampasin ang mga araw na pwede ko siyang makasama.

                                                                                                            -Ako

to be continue...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon