Nagmamadaling umalis si Chloe sa mansyon ng mga Vector.
Hindi niya alam kung saan patungo.
Ang alam niya lang ay hindi niya hahayaang may mangyari kay Tristan.
Hindi niya kakayanin kung mawawala ito sa buhay niya.
Pagkatapak sa labas ng hardin ay walang isip-isip na ipinadyak niya ang paa sa lupa, dahilan para tumalon siya nang malakas. Nag-iwan ng marka sa lupa ang pinagtalunan niya.
Lumampas ang taas niya sa naglalakihang mga puno na nakapalibot sa mansyon.
Sa isang segundo ay inikot niya ang paningin, hinahanap ang awra ng binatang lobo.
Hanggang sa matagpuan niya ito sa kadulo-dulohan ng kagubatan, sa isang bahay kubo.
Lumapag siyang muli sa lupa at mabilis na tinakbo ang lugar na iyon. Hindi siya nakaramdam ng ano mang pagod.
Sa halip, binibigyan pa siya lalo ng lakas ng bilog na buwan. Naging puti ang kaniyang mga mata. Napuno siya ng stamina.
Nang marating niya ang kubo ay sinipa niya ang pinto nito, dahilan para bumagsak ito sa sahig.
Natagpuan niyang nakabaon ang mga pangil ni Monica kay Tristan.
Namumutla na ang binata sa kawalan ng dugo.
Lalong umigting ang galit ni Chloe sa naabutan.
Tumayo si Monica habang nakangisi, tumutulo pa ang dugo mula sa labi nito.
"Tristan!" bulyaw ni Chloe, desperadong tinatawag ang kaibigan niya.
Hindi ito umiimik.
Nagpupuyos siya sa matinding galit. At alam niyang isa lang ang paraan para maibsan ito.
"Aahhh!" Sinugod ni Chloe ang dating elder.
Nailagan naman siya ni Monica.
"Wala rito ang espada mo, Monica," nagngangalit na anas ni Chloe.
"May isa pa 'kong armas," pilyang sabi nito.
Nanghihinang tumayo si Tristan at pumagitna sa dalawang babae.
Inalalayan siya ni Chloe na habag na habag sa nangyari sa binata.
"Kill her, dear," malambing na utos ni Monica.
Mula sa pagkakaakbay kay Chloe ay inipit ni Tristan ang leeg ng babae sa matipuno nitong braso.
Pilit na nanlalaban si Chloe ngunit malakas ang taong lobo kahit ganito ang kalagayan nito.
"Tris..." pagsusumamo ni Chloe, hindi para pakawalan siya kundi para gumising na si Tristan.
Ngunit gaano man siyang naaawa sa taong lobo ay hindi niya ito hahayaang maging sagabal sa binabalak niya.
Siniko ni Chloe ang binata dahilan para bumitiw ito sa sakit. Umuubo itong naupo sa kama.
Sa isip niya ay humingi ng tawad si Chloe.
"Namumuro ka na sa 'kin, Monica."
"And what are you gonna do about it, Ashbourne?"
"What I'm not gonna do about it... is hold back."
Mula sa maliliit na partikulo ng materya sa paligid niya ay hinigop ni Chloe ang enerhiya ng mga ito. Pumalibot ang namumuong enerhiya sa kaniyang dalawang kamay.
Sa kawalan ay biglang umilaw ang kamay niya ag may lumitaw na umiilaw na asul na espada.
Napaatras si Monica. Hindi niya inaasahang magagawa iyon ni Chloe.
Nagkamali siyang maliitin ang bampirang may dugo ng Diyos.
"T-Tristan!" bulalas ng elder.
Sumaklolong muli ang taong lobo at hinarangan siya mula kay Chloe.
Hindi na kinailangan ni Chloe na kalabanin ang kaniyang kaibigan.
Ginamit niyang muli ang kakayanan niyang compulsion kay Monica, kagaya ng dati.
Inutusan niya itong lumapit sa kaniya at lumuhod.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Chloe. Naalala niya ang karumal-dumal na pagkamatay ng mga magulang sa kamay ng elder.
Inangat niya ang tingin sa binata.
Nagsusumamo ang mga mata nito na huwag ituloy ang binabalak.
Hindi niya ito gagawin para gumanti. Kailangang mawala ni Monica upang hindi na mapahamak si Tristan.
Wala siyang ibang magagawa.
"I'm sorry..." bulong ni Chloe.
Inangat niya ang brasong may hawak na sandata.
"Huwag!" sigaw ni Tristan.
Kasabay ng kumpas ng braso ni Chloe ay ang pagbagsak ng pugot na ulo ni Monica sa sahig.
Bumagsak din ang mga tuhod ni Tristan sa panghihina, pisikal at mental.
Naglahong parang bula ang umiilaw na espada, at lumapit si Chloe sa binata upang hagkan ito.
"It's okay, Tris. I'm here," pag-alo niya rito.
Umiiyak lamang ang taong lobo, hindi maintindihan ang nangyayari.
Kalunos-lunos ang binata habang nakakapit sa sariling ulo, pilit na inaalis ang mga gumugulo sa isip niya.
"Ihahatid na kita sa inyo," alok ni Chloe.
Sinilip ni Tristan ang yumaong si Monica. Umikot ang tiyan niya sa nakagigimbal na sinapit nito.
"Ginayuma ka niya. I had no other choice," paliwanag ni Chloe. Pinupunasan nito ang leeg ni Tristan na dumudugo.
Lumabas silang dalawa sa munting bahay na iyon. Malapit nang sumikat ang araw.
Panibagong araw na naman ang haharapin nila.
"Hindi titigil ang mga bampira sa paggamit sa 'min. Sino ba'ng niloloko ko?" mapait na saad ni Tristan.
"Kaya nga nandito ang savior ninyo, 'di ba?"
"Aanhin namin ang Diyos na umpisa pa lang ay tinalikuran na kami?" galit na turan ni Tristan.
Bumuntong hininga si Chloe. Nalulungkot siya na ang masayahin at positibong lalaking nakilala niya ay naging ganito.
"Nandito na 'ko ulit. At pinapangako ko sa 'yo, ibabalik ko ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos. Papakita ko sa kanila na pwede nilang ipagkatiwala ang kapalaran nila sa 'kin."
BINABASA MO ANG
Bad Blood: Renaissance
VampireBook III of Bad Blood series Matapos makuha ang inaasam na kalayaan sa ilalim ng mga vampire elders at ligtas na madala ang mga tao sa lupaing dapat ay kanila, panibagong mga kalaban ang haharapin ni Chloe. Nawala sa kaniya ang ilan sa mahahalagang...