1. Sugat ng Pangako

4.4K 45 8
                                    

Sugat ng Pangako
ni imeesyouuu

Hindi ko maikakaila ang ngiting umaabot sa aking mga mata. Araw na lang ang hihintayin ko, makakamit ko na ang pangarap ko. Sobrang saya ko lalo pa't kasama ko ang pamilya ko.

"Sa susunod na linggo, araw na ng pagtatapos mo. Anong gusto mo anak?" Tanong ni Nanay sa akin. Napangiti ako. Katabi ko silang dalawa ni Tatay.

"Makasama ko lang po kayo sa araw na iyon, masaya na ako. Basta po, ihatid niyo po ako sa entablado." Sagot ko. Niyakap ako nina Nanay at Tatay ng mahigpit at tumango sila sa akin. "Oo naman anak. Pangako."

Lumipas ang mga araw, dumating na ang pinakahihintay ko.

"Andeng, halika na. Hinihintay na tayo ng mga magulang mo." Saad sa akin ni Tita Fe. Suot ko ang puting bestida nang lumabas ako ng kwarto at bumungad sa harap ko ang maraming tao.

Pagkatapos ay lumabas na kami. Habang naglalakad patungo sa aming pupuntahan, hindi ko maiwasang mapatingin sa direksyon nina Nanay at Tatay. Masaya ako dahil yung araw na pinakahihintay ko dumating na. Kasama ko pa silang dalawa at yakap-yakap sila habang nakangiti pa.

Nang makarating kami sa dapat naming puntahan, doon na nagsipagbagsakan ang mga luhang kanina ko pa pilit pinipigilan. At ang mga luha ko'y pumatak sa nakangiti nilang larawan na kanina ko pang hinahagkan.

"Ang daya niyo. Ako dapat ang ihahatid niyo pero bakit kailangang ako pa ang maghatid sa inyo sa huling hantungan niyo?"

At muli kong naalala ang araw na nangako sila dahil yun din ang araw na naaksidente sila.

Mga Kwentong DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon