3. Naglahong Samahan

2.2K 31 0
                                    

Naglahong Samahan
ni Hinette S.

Sina Madel at Tine ay matalik na magkaibigan na naninirahan sa bayan ng Sto. Tomas. Sila ay parang magkapatid kung magturingan. Lagi silang magkasama saan man sila pumunta, laging magkasama sa tawanan at iyakan, at laging magkakapit-bisig sa anumang problemang kanilang pinagdadaanan.

Si Madel ay mabait ngunit parang masungit kung siya'y titigan. Si Tine naman ay mahinhin at talagang mabait.

Para sa kanila'y perpekto ang kanilang samahan at inisip nilang hindi kailanman mabubuwag ang kanilang pagkakaibigan.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang naglaho ang presensya ni Madel na ikinasakit ng loob ni Tine dahil hindi niya iyon nakasanayan. Nagtaka si Tine kaya't hindi siya nagsawang padalhan ng mensahe si Madel baka sakaling magparamdam ito.

Nabigla si Tine nang sinagot ni Madel ang kanyang mensahe ng "Sino ka?" at "Mang-aagaw."

Nagtaka ito at tinanong ang sarili kung ano ang kanyang inagaw. Hindi niya alam iyon dahil alam niyang wala siyang anumang inagaw. Bumaon ang sakit sa loob ni Tine nang mabasa niya iyon. Hindi niya alam ang naging dahilan ng biglaang paglaho ng presensya ni Madel.

Nagsimula na roon ang paglayo ng loob niya kay Madel. Ang hindi inaasahan ni Tine na salita mula sa kaibigan ang siyang nagtulak upang layuan na rin niya ito.

Sinubukan niyang kalimutan si Madel ngunit hindi niya iyon magawa. Sa loob ng tatlong taong hindi nila pagpapansinan ay nanatili silang nagpapakatatag. Nakakaya nilang hindi pansinin ang isa't isa kahit na sila'y magkasalubungan.

Minsang humingi si Madel ng patawad ngunit kailanman hindi tinanggap ni Tine iyon dahil alam niyang hindi iyon buong-pusong paghingi ng tawad.

Para kay Tine, kusang darating ang araw na patatawarin niya si Madel nang hindi napipilitan. Ayaw niyang sabihing napatawad na niya ito kung naroroon pa rin ang sakit at sugat sa puso niya.

Naniniwala si Tine na ang kanilang pinagsamahan ay mananatiling alaala na lamang.

Mga Kwentong DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon