Bangungot
ni John Bert B.“Ayaw ko na. Pagod na pagod na ako sa mga kasalanan mo Rading. Ilang beses na kitang binigyan ng pagkakataon pero sinasayang mo lang din naman.” Humihikbing sigaw ng kanyang ina sa kanyang lasing na asawa.
“Bakit? Ayaw mo na ba sa akin dahil mayroon ka na namang ibang lalaki na kalandian hah?” Bulyaw naman ng kanyang ama sa asawa nito.
“Ako pa ngayon ang malandi eh ikaw nga ‘tong ilang beses ng natiklo sa pambabae mo!” Sagot ng kanyang inang walang tigil sa paghagulgol. Umiiyak na din si Simon sa nasasaksihan niyang kaganapan sa kanyang mga magulang na tila walang pakialam sa kanya ang mag-asawa.
“Tapusin na natin ito Rading, ayaw ko ng ganitong klaseng pamumuhay. Maghiwalay na lang tayo.” Ito ang mga salitang binitawan ng kanyang ina na tila nagpahinto sa kanyang mundo. Mga katagang ayaw niyang marinig mula sa kanyang mga magulang.
Tumingin siya sa kanyang ama na puno ng pagmamakaawa sa kanyang mga matang may nagbabadyang luha na papatak. Hinihintay ang sagot ng ama na para bang humihingi ng pabor na huwag nitong sang-ayunan ang sinabi ng kanyang ina.
“Kung ‘yan ang gusto mo, eh 'di maghiwalay tayo!” Yan ang tuluyang nagpaguho sa mundo ni Simon.
Nanlumo at nanghina siya sa isinagot ng kanyang ama sa ina. Hindi niya aakalaing hahantong sa paghihiwalayan ang mabuti at masayang pagsasama ng kanyang inay at itay.
“Nay, tay, huwag naman pong ganito. Pag-usapan niyo po ng mabuti, huwag naman pong humantong sa ganito.” Ang pagmamakaawa ni Simon habang panay ang hagulgol nito. Pero tila walang narinig ang kanyang mga magulang.
Patuloy na isinisigaw ni Simon ang mga salitang “Huwag naman po ganito” hanggang sa....
“Simon anak, gumising ka nanaginip ka na naman ng hindi maganda.” Ang sabi ng ina habang panay ang yugyog ng ama sa kanya upang magising.
Nagising na luhaan si Simon at agad na niyakap ang mga magulang dahil panaginip lamang ito o isang bangungot na kailanma’y ayaw niyang mangyari.
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Dagli
Short StoryMga koleksyon ng mas maikli pa sa mga maikling kwento na maaaring kapupulutan ng aral, magpaiyak, magpasaya, magpatawa o 'di kaya'y mga kwentong gigising sa iyo sa reyalidad ng buhay.