Kabalikat
ni imeesyouuu"Naiinis ako. Bwisit kasi yung kaklase ko, mangongopya na nga lang ipapahamak pa ako." Reklamo mo 'nong lumapit ka sa akin.
Umupo ka sa tabi ko at bigla mo na lang akong pinagsusuntok. Tila sa akin mo ibinubunton lahat ng inis mo.
"Bwiset! Bwiset!"
Araw-araw, kung anu-anong mga pangyayari ang ikinukwento mo sa akin. Minsan masaya, minsan malungkot. Minsan pa ay nakakainis yung tipong mabibwisit ka na lang talaga. Kung minsan naman ay yung tipong tawa ka ng tawa.
Isang araw, tumabi ka sa akin at naramdaman ko na lamang ang luha mong bumuhos sa akin. Nagtaka ako dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na umiyak ka sa akin.
"Bakit ganon?" Panimula mo. Nagtaka ako dahil ang boses mo ay iba ang tono. "Naibibigay nga nila lahat ng luho ko pero hindi ba nila maramdamam na presensya nila ang kailangan ko?" Tila talon ang luha mo sa pagragsa nito, ayaw tumigil.
"Lahat nga ng bagay o kahit ano pa man ay meron sa akin pero bakit naiinggit pa rin ako? Naiinggit ako dahil yung ibang mga bata, kahit walang-wala sila, kumpleto ang pamilya nila." Tumigil ka sa pagsasalita at muling humikbi. Niyakap mo ako ng mahigpit, tipong sa akin ka kumukuha ng lakas.
"Sana naman bigyan ako ng magulang ko ng kahit konting oras man lang." At doon ay muling nagsipagbagsakan ang mga luha mo. Ang boses mo ay tila nagmamakaawa.
Gusto kitang hagkan. Gusto kitang patahanin. Gusto kitang pakalmahin. Gustung-gusto kong punasan ang mga luhang kumakawala sa iyong mga mata pero wala naman akong magagawa kundi ang makinig lamang sa iyong mga kwento, daing at hinanakit...
...dahil isa lang naman akong unan na handa kang daluhan sa oras ng iyong pangangailangan.
BINABASA MO ANG
Mga Kwentong Dagli
Short StoryMga koleksyon ng mas maikli pa sa mga maikling kwento na maaaring kapupulutan ng aral, magpaiyak, magpasaya, magpatawa o 'di kaya'y mga kwentong gigising sa iyo sa reyalidad ng buhay.