HINDI na naabutan ni Summie si Eugene sa loob ng bar. Lalo siyang nag-alala dahil ayon sa nakausap niyang kaklase ng binata, lumabas daw si Eugene kasama sina Zion at Julien. Kaya heto siya ngayon, patakbong lumalabas ng establishment.
Hindi pa naman siguro sila nakakalayo.
"Tarantado kang hayop ka, ha!"
Natigilan si Summie sa pagtakbo at sa totoo lang, imbes na mahabol niya ang hininga ay mukhang kinapos pa siya. Ang boses na iyon, siguradong kay Zion Legazpi! At mukhang gaya ng madalas mangyari, may kaaway na naman ito base sa naririnig niyang ungol na parang nasasaktan. Ayaw na sana niyang lumingon sa pinanggagalingan ng ingay pero may malakas na puwersang nagtulak sa kanya para makiusyoso. Nang pumihit siya paharap sa direksiyong pinagmumulan ng mga boses, napalunok siya nang makita si Zion na nakakubabaw sa isang kalbong lalaki at pinauulanan ng malalakas na suntok sa mukha.
Lumagpas ang tingin ni Summie kay Zion. Nakita niya ang isang lalaki na nakasandal sa kotse at nakahalukipkip habang pinapanood lang ang away na nagaganap sa harap nito. Hindi na nagulat si Summie nang makilala si Julien, na gaya ng madalas, walang ginagawa para pigilan ang kaguluhan.
Finally, her eyes found Eugene. Nakatalikod ito sa nangyayaring away, pero nakayuko at nakahawak sa ulo. Lalo siyang kinabahan. Siguradong nakita na ng best friend niya ang bayolenteng eksena at malamang, nilalabanan na nito ang paglabas ni Gin!
"Eugene!" sigaw niya habang tumatakbo palapit dito. Nilagpasan lang niya si Zion na sunod-sunod na mura pa rin ang pinapakawalan habang sunod-sunod na suntok din ang ipinapaulan sa kaaway. Hindi rin niya pinansin si Julien na naramdaman niyang sinusundan siya ng tingin. Dumeretso siya kay Eugene at tinapik ito sa balikat.
Nang pumihit ito paharap sa kanya, nagulat siya nang makita ang galit sa mukha nito kasabay ng pagsinghal sa kanya.
Napaatras si Summie habang kinakapa sa loob ng sling bag ang cell phone na isinuksok niya sa pinakailalim pagkatapos makatanggap ng creepy na text kanina. Pinagsisisihan na niya ang ginawang pagsunod dito.
"Eugene... si Summie ito."
Sininghalan uli siya. Pero mabilis din itong natauhan at bumalik sa pagiging maamo ang mukha. Pero may takot sa mga mata nito nang itaas ang isang kamay para pigilan siya sa paglapit dito. "Step back, Summie! Gin is getting out of control!"
Lalo siyang nataranta sa paghahanap ng cell phone sa bag. Kailangan niyang kalmahin si Eugene para mapigilan ang paglabas ni Gin sa katauhan nito!
"I think you need help."
Mabilis na nag-angat ng tingin si Summie nang marinig ang boses ni Julien. Nagulat siya nang lagpasan siya nito at ngayon ay nakatayo na sa likod ni Eugene. Sa gulat niya ay iniangat ni Julien ang kamay at kinarate chop si Eugene sa batok.
Napasinghap si Summie. "Julien!"
Huli na ang lahat. Agad nawalan ng malay si Eugene!
***
HINDI mapakali si Summie habang nasa tabi ni Eugene na wala pa ring malay hanggang ngayon. Nakaupo siya sa gilid ng kama habang hawak ang kamay nito. Normal naman ang pulso at temperature ng lalaki, ganoon din ang pagtaas-baba ng dibdib nito.
Alam naman niyang natutulong lang si Eugene dahil naghihilik pa nga ito. Pero nag-aalala pa rin siya, lalo na't nawalan ito ng malay kanina dahil karate chop ni Julien.
Speaking of which...
Dahan-dahan niyang binitawan ang kamay ni Eugene at maingat iyong pinatong sa sikmura nito. Pagkatapos ay tahimik siyang tumayo at lumabas ng kuwarto. Naabutan niya si Zion sa sala na hablot-hablot ang kuwelyo ni Julien. Gaya ng madalas mangyari, nagtatalo ang dalawa. Parehong matangkad ang mga ito kaya halos pantay lang ang eye level. Nakaka-intimidate panoorin ang dalawa, lalo na't halatang pareho ring mainit ang ulo.
BINABASA MO ANG
WANTED: Imaginary Summer
RomanceSummie is being stalked by a guy who appears to be obsessed with her. And the only person she can trust is Eugene--- her best friend. Pero may "dark secret" ang lalaki at mukhang may kinalaman ito sa nangyayari sa kanya. After all, Eugene has a diso...