SA TOTOO lang, nakaramdam ng pagkailang si Summie habang naghihintay sa lobby ng motel na 'yon. Si Julien naman, nasa reception area at nagpapa-book ng kuwarto. Kung titingnan ang binata, mukhang sanay na sanay na ito sa gano'ng lugar.
Samantalang siya naman, heto. Kulang na lang ay magtago sa ilalim ng carpet. Bukod sa suot na niya ang dark sunglasses niya, may bandanna pa siya sa ulo na sinuot niya na parang hood ni Little Red Riding Hood para walang makakilala sa kanya. Kanina kasi, may nakita siyang mga schoolmate niya na nag-check out. Mukhang ang motel na 'yon ang tambayan ng lovers ng St. Patrick U.
In fairness, mukhang disente ang motel na 'yon kaysa sa inaasahan niya.
"Summie," pagtawag ni Julien sa kanya. "Let's go."
Sumimangot si Summie. Kung nagkataong may schoolmate sila sa paligid, mababale-wala ang disguise niya dahil sa pagtawag sa kanya ni Julien. Padabog siyang tumayo at nagmartsa papunta sa binata na nanatiling kalmado ang mukha.
Nag-init ang mga pisngi niya nang tapunan sila ng curious na tingin ng mga nakakasalubong nila. Lalo na no'ng nasa elevator na sila. Siguradong iniisip ng mga taong ito na may gagawin silang milagro ni Julien. Nakakahiya!
"Don't feel embarrassed," mahinahong sabi ni Julien no'ng naglalakad na sila sa pasilyo papunta sa room nila. "Normal lang ma-judge ka kapag nasa motel ka."
Umungol sa reklamo si Summie. "Mukhang sanay na sanay ka na sa mga ganitong lugar, ha?"
Bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi ni Julien. "Are you interested in my sex life?"
Mabilis na umiling naman si Summie. "No."
Ngumiti lang si Julien. Pagkatapos, huminto ito sa tapat ng Room 523. Itinuro nito ang katabing kuwarto. "Nasa Room 522 sina Gin at Claire."
Kumunot ang noo ni Summie. "Paano mo nalaman?"
"Tinanong ko sa receptionist."
"Ha? Puwede ba nilang i-disclose ang gano'ng information sa ibang client nila?"
Naging misteryoso ang ngiti ni Julien. "I have my ways."
Kinilabutan si Summie sa ngiting 'yon ni Julien kaya hindi na siya nagtanong uli. Ang sigurado lang niya, hindi safe ang motel na 'yon kung isang tanong lang ng gaya ni Julien ay i-di-disclose na agad ang information ng mga customer na naka-check in sa lugar na 'yon. O puwede ring gano'n lang talaga ka-impluwensiya ang mga Montelazaro.
Binuksan na ni Julien ang pinto ng kuwarto "nila" at minuwestra ang daan sa kanya. "Ladies first."
Nag-alangan naman si Summie. Alam niyang para kay Eugene ang ginagawa niya, pero nakakailang pa rin. Ngayon lang siya tinamaan ng hiya. Napuno kasi siya ng adrenaline kanina nang makita niyang umalis si Gin kasama si Claire. Pero ngayong kalmado na siya, kinukuwestiyon na niya ang desisyon niyang sumama sa lalaking hindi naman niya gaanong pinagkakatiwalaan.
"Wala akong gagawing masama sa'yo," pag-a-assure naman ni Julien sa boses na parang nag-ko-comfort sa kanya. "Gin will kill me if I touch you. No offense, but you're not worth the risk."
Ipinaikot ni Summie ang mga mata. Wow, Julien managed to make her feel unwanted while he was being gentle and all-nice to her. Pumasok na siya sa kuwarto, pero binigyan pa rin niya ng nagdududang tingin ang binata. "Don't lock the door."
"As you wish," sabi naman ni Julien, at hindi nga nito kinandado ang pinto.
Ayaw naman ni Summie na maging komportable sa kuwartong 'yon kasama si Julien kaya nanatili siyang nakatayo malapit sa pinto. Para kung sakali mang biglang mag-iba ng kilos ang binata, madali siyang makatakbo palabas. Kailangan niyang mag-ingat. "Bakit ka nga pala sumunod sa court kanina? Saka bakit mo ko tinutulungan ngayon?"
BINABASA MO ANG
WANTED: Imaginary Summer
RomanceSummie is being stalked by a guy who appears to be obsessed with her. And the only person she can trust is Eugene--- her best friend. Pero may "dark secret" ang lalaki at mukhang may kinalaman ito sa nangyayari sa kanya. After all, Eugene has a diso...