SUMAMA si Summie kay Eugene nang sabihin nitong may gusto itong puntahan.
Ayaw nga sana siyang payagan ni Madeline, pero alam niyang kailangan siya ng binata. Bago niya iwan ang kaibigan niya kanina, hinintay muna niyang dumating si Dean. Shaken kasi ang dalaga mula sa pananakot ni Hugo kaya hindi niya ito hinayaang magmaneho. Pinasunod na lang niya ang sort-of-boyfriend nitong si Dean para ito na ang mag-drive.
Nang masiguro niyang safe at kalmado na si Madeline dahil kasama na nito si Dean, saka lang sila umalis ni Eugene.
Hindi naman sila nag-usap ni Eugene buong biyahe. Hindi rin niya tinanong kung saan sila pupunta. Pakiramdam kasi niya, kailangan ng binata ng katahimikan. Siya rin naman, nag-iisip. Nagtataka kasi siya sa kung ano ang nangyayari rito.
"We're here," anunsiyo ni Eugene nang iparada nito ang kotse sa parking lot ng isang maliit na arcade center.
Napakurap si Summie habang nakatingin sa labas ng bintana. Limang taon na ang lumipas pero buhay pa rin ang arcade center. Marami pa ring kabataan ang naroon kahit gabi na. "Dito kami nagpunta ni Gin no'ng high school tayo." Binalingan niya si Eugene na nanatiling nakatingin ng deretso. "Paano mo nalaman ang tungkol sa lugar na 'to?"
Binalingan siya ni Eugene. Bahagyang umangat ang sulok ng mga labi nito. "I am Gin right now."
Nabigla si Summie. "Pero kalmado ka..."
Marahang tumango si Eugene. Sumandal ito at ni-recline ang upuan. "Sabihin na lang nating nagkaayos na kami ni Eugene ngayon."
"Hindi ko maintindihan," naguguluhang sabi ni Summie.
"Bago kami pumunta sa'yo, nag-usap kami ni Eugene," pagkukuwento nito. "For the first time, we had a real confrontation. We questioned each other's existence in our lives. Sinumbat ko sa kanya na ginawa niya lang akong tagasalo ng guilt niya mula sa pananakit ng ibang tao. Na ginawa niya lang ako para linisin ang konsensiya niya. He hated his father and he was scared to be like him, but he couldn't resist the urge to hurt the people who wronged him.
"Si Eugene, lumaki siya kasama ang bayolenteng ama niya. Kaunting pagkakamali niya, bugbog ang inaabot niya. This is something he never disclosed to his doctors, pero nagkakaro'n siya ng malakas na urge ng manakit din ng mga taong may atraso sa kanya dahil 'yon ang natutunan niya sa daddy niya. But he wanted to stay as the sweet, good boy he thought he was. Natakot kasi siya na baka iwanan din siya ng mommy niya kung patuloy siyang magiging bayolente. Kaya binuo niya ko. Sinisi niya lahat kay "Gin" ang mga nagagawa niya kapag nananakit siya. Malas lang niya dahil lumakas ako at nakokontrol ko ang buong pagkatao niya kapag lumalabas ako."
Natahimik si Summie. May ideya na siya dahil minsan, nabanggit ng mommy niya na malaki ang kinalaman ng trauma ni Eugene no'ng bata pa ito sa pagkakaro'n nito ng DID. Pero ngayon niya lang nalaman na matagal na palang nilalabanan ng best friend niya ang urge na manakit ng mga taong may atraso rito dahil ayaw nitong matulad sa ama nito.
"I hate to say this, but as Gin, I am stuck in his past," pagpapatuloy ng binata sa malungkot na boses. "Ako 'yong bahagi ng pagkatao ni Eugene na hindi makalimutan ang masasamang pangyayari sa pagkabata niya. Ako 'yong miserable. Ayokong maging tagalinis lang ng konsensiya niya. Ginusto kong ihiwalay ang pagkatao ko mula sa kanya at ako ang kumontrol ng katawan na 'to.
"Pero si Eugene, natanggap na niya ang lahat ng pagkakamali niya. Sa unang pagkakataon, hinarap niya ko hindi bilang isang kaaway. Kundi bilang bahagi ng pagkatao niya na kailangan na niyang patulugin panghabambuhay. Hindi na niya ko kailangan. Alam mo kung bakit?"
Marahang umiling si Summie. "Hindi ko alam."
Lumingon sa kanya si Eugene. No'n niya lang napansin na nangingilid na ang mga luha sa mga mata nito. Sobrang lungkot din ng mukha nito. "He wanted to be strong enough to protect you. Nang tumawag si Madeline at sabihing ginugulo ka ni Hugo, do'n siya nagdesisyong tumigil na sa pagtakbo. Alam niyang ang tanging paraan lang para lumakas siya ay ang harapin ako." Hinaplos nito ang pisngi niya. His hand was gentle and warm, just like the emotion she was seeing in his beautiful amber eyes at the moment. "He finally accepted that we are one. Na isa lang akong hamak na alter-ego na ginawa niya para takasan ang guilt niya. Pero tapos na ang papel ko sa buhay niya."
BINABASA MO ANG
WANTED: Imaginary Summer
RomanceSummie is being stalked by a guy who appears to be obsessed with her. And the only person she can trust is Eugene--- her best friend. Pero may "dark secret" ang lalaki at mukhang may kinalaman ito sa nangyayari sa kanya. After all, Eugene has a diso...