HINDI makapaniwala si Summie nang makatanggap ng text mula kay Eugene. Ang magaling na lalaki, nasa bar daw at nakikipag-inuman sa mga ka-college department! Hayun tuloy siya ngayon, lakad-takbo pagkalabas na pagkalabas nila ni Madeline ng classroom. Madilim na dahil alas-otso na ng gabi na-dismiss ang huli nilang klase.
"Madeline, umuwi ka na munang mag-isa. Kailangan kong sundan si Eugene."
Nilingon siya ni Madeline, kumunot ang noo, nagtataka. "Bakit mo siya susundan, hindi naman siya naglalasing? Saka hindi naman 'to ang unang beses niyang uminom nang hindi ka kasama. He can manage himself, you know."
"Alam kong kaya niyang dalhin ang sarili niya dahil maingat naman siya at hindi gaanong nagpapakalasing," katwiran ni Summie. Nahimigan niya sa sariling boses ang pagkataranta. "Hindi lang ako komportable na kasama niya ngayon sina Zion Legazpi at Julien Montelazaro."
"Ano naman ang problema kung kasama niya sila?" naguguluhang tanong naman ni Madeline. "'Di ba, friends naman silang tatlo?"
Huminto si Summie sa paglalakad at hinarap si Madeline na bigla ring napahinto. "They're not. Laging may masamang nangyayari kapag magkakasama ang tatlong 'yon. Ayokong masangkot uli si Eugene sa kahit anong gulo."
"I don't understand, Summie."
Apologetic siyang ngumiti habang paatras na naglalakad. "It's good that you don't, Madeline." She waved her good-bye. "See you later."
"Summie..."
Tinalikuran na niya ang kaibigan, saka nagmamadaling naglakad palabas ng university. Dahil wala siyang free ride, magta-taxi na lang siya.
Okupado pa rin ni Eugene ang isip niya nang biglang manayo ang mga balahibo niya sa batok kaya napahawak agad siya roon. Hayun na naman ang kakaibang panlalamig na nararamdaman niya. Para bang may mga matang nakatingin sa kanya at sinusundan ang bawat galaw niya. Sa totoo lang, kasimbilis na ng mga yabag niya ang tibok ng puso niya. Bigla tuloy siyang naging aware sa kapaligiran. Madilim na pero maayos at maliwanag naman ang mga lamppost sa magkabilang gilid ng kalsadang nilalakaran niya. Hindi naman nakakabingi ang katahimikan dahil may pailan-ilang estudyante pa ring nakatambay sa paligid at karamihan sa mga iyon, mga magsiyotang naglalampungan kaya panay bungisngis at ungol ang naririnig niya.
Malamig na ang simoy ng hangin, pero nakasuot naman siya ng pulang cardigan sa ibabaw ng sleeveless white top niya. Kahit na mataas ang heels ng suot niyang wedge shoes, nakakapaglakad pa rin siya nang mabilis. Dahil sa totoo lang, hindi na siya komportable.
Nasobrahan na yata ako sa mystery na ini-inject ko sa mga nobelang isinusulat ko. Ganito eksakto ang nararamdaman ng mga bida ko kapag may nangyayaring masama sa kanila. Ano ba 'tong nangyayari sa 'yo, Summer Gotesco?
Natauhan si Summie nang biglang mag-vibrate nang malakas ang cell phone na hawak niya. Nabitawan niya iyon dala ng pagkabigla. Bumaba ang tingin niya sa aspaltadong kalsada kasabay ng pagpatak ng malamig na butil ng pawis mula sa kanyang noo.
Okay, masama na talaga ang kutob niya.
"Miss, okay ka lang?"
Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang guwardiyang rumoronda. Nasa loob siya ng university kaya kampante siyang walang masamang mangyayari sa kanya. Ngumiti siya sa guwardiya. "Okay lang ho ako," magalang niyang sagot, saka yumuko at mabilis na dinampot ang cell phone niya na sa kabutihang-palad, buo pa naman.
Nadagdagan nga lang ng gasgas sa casing.
Humugot ng malalim na hininga si Summie para kalmahin ang sarili. Pero agad ding kumunot ang noo niya sa nabasang text message.
BINABASA MO ANG
WANTED: Imaginary Summer
RomansaSummie is being stalked by a guy who appears to be obsessed with her. And the only person she can trust is Eugene--- her best friend. Pero may "dark secret" ang lalaki at mukhang may kinalaman ito sa nangyayari sa kanya. After all, Eugene has a diso...