"Isang kahangalan ang ginawang iyon ni Mattias at ng kanyang anak na si Alejandro," nagngangalit ang mga bagang na sigaw ni Arman sa mga kaharap.
Sapagkat hindi nito lubos- maisip ang sakripisyong ginawa ng mag-ama nang gabing itakas ng mga ito ang sanggol na babae na nais patayin ng mga kaaway nila.
"Ngunit Ama, nagtagumpay silang itakas ang bata," sabi niya sa ama na nakakaramdam pa rin ng poot sa di makalimutang digmaang naganap may labing-walong taon na rin ang nakalilipas.
Mariing pumikit ang pinuno, ang kanyang amang si Arman. Maya-maya ay nakitaan niya ito nang kalungkutan sa muli nitong pagharap sa kanya.
"Si Mattias ay matalik kong kaibigan," usal nito. "Subalit ang aming tinginan ay higit pa sa magkapatid."
Tumingala ito sa langit. Sa langit na walang kasing dilim. Labing-walong taon na ang nakararaan, naaalala niyang itinakas siya ng ama palayo sa kanilang tahanan kasama ang magiting na mandirigmang si Mattias. Limang taong gulang siya noon na marahil dahil sa angking talino at talas ng isip ay malinaw niya pang naaalala hanggang sa kasalukuyang siya ay dalawampu't tatlong taong gulang na. Dinala siya ng ama sa dalampasigan habang nakikipag-usap ito sa kaibigan. Narinig niya ang detalye ng plano ng lalaki, matapos ay nagpaalam na sa kanila. Iyon na ang huling pagkikita nila ng magiting na kawal. At tanging balita na lamang na mula sa mga isda at pagong ang kanilang nasasagap sa takot na bumalik sa lugar na kanila sanang tahanan sapagkat iyon ay binalot na ng itim na salamangka na nagmumula mismo sa kastilyo kung saan namamalagi ang nagpasimula ng lahat ng iyon.
"Hindi ko alam kung buhay pa siya, Cornelia," tumatangis na napaluhod sa lupa ang ama na siyang nagbalik sa kanyang isip sa kasalukuyan.
"Ama."
"Umahon ka sa lupa," bigla ay determinadong tumitig ito sa kanya. Punong-puno ng pag-asa ang mga mata nito na hindi niya alam kung saan nanggaling ng mga sandaling iyon bagaman nakikitaan pa rin ng kalungkutan dulot na rin ng mga luhang pumatak sa magkabila nitong pisngi. "Inaatasan kita at pinahihintulutang pumunta sa mundo ng mga mortal," hilam ang mga mata ng luha ay tumayo ang hari at tuluyan siyang hinarap. "Labing-walong taon na ang nakalilipas. Tiyak kong ang sanggol na iyon ay ganap ng dalaga ngayon," pangungumbinsi nito sa kanya.
"Ano ang ibig ninyong sabihin? Pupunta ako sa mundo ng mga mortal—"
"Oo anak," walang paliguy-ligoy na sagot ng ama sa kanya. "Pupunta ka sa mundo ng mga mortal. Magbalik ka sa dagat at doon ka na dumaan. Naniniwala akong ikaw lang ang makagagawa nito."
"Ngunit Ama!" may pagtutol sa parte niya. Paano siya mabubuhay sa mundo ng mga mortal? Kahit siya ay nakalalakad sa lupa at nakikisalamuha sa mga nilalang sa lupa ay ni minsan hindi pa niya naranasang mamuhay kasama ang mga mortal.
"Anak, pakiusap. Ikaw lang ang makakikilala kay Primavera."
At sa sinabing iyon ng ama ay wala na siyang nagawa pa kundi ang huminga nang malalim at ihanda ang sarili sa pagpunta sa mundo ng mga mortal.
Nauunawaan niya ang desperasyong nakikita sa mga mata ng ama. Bilang isang ama ayaw nitong maranasan niya pa ang kalagimang maaaring idulot pa ng mga nangyayari lalo na at nakarating rin sa kanyang ama na binabalak nang sakupin ng reyna ang buong isla—na napag-alaman nila sa tulong na patuloy na pakikipagkomunikasyon nila sa ibang lahi na maingat ring nagmamanman sa paligid ng Alexandria. Ang itinuturing nilang pinakasentro ng Encantacia. Hangad ni Maora ang ganap na pagsakop sa Isla at alipinin ang mga iyon kung hindi susunod sa mga nais nito. Balita rin nilang ginagawa nitong sundalo ang mga mahuhuling mga nilalang na ayaw sa itinatag nitong pamamalakad sa Alexandria. Sa tulong ng ilang itim na manggagaway na kasama ay inaalisan nila ang mga kaawa-awang mga nilalang ng mga alaala upang si Maora na ang kilalanin ng mga itong reyna at ang katapatan ng mga iyon ay mapunta na rin sa manggagaway. Subalit dahil sadyang hindi pa sapat ang bilang ng puwersa ng kampo nito, bagaman nakagawa ng pinsala sa halos lahat ng kaharian ay hindi pa rin nito lubos na nasakop ang buong Isla. Tulad nilang mga sirena na hindi naman masyadong binigyan ng halaga ni Maora dahil sa pag-aakalang wala silang maitutulong at wala rin silang magagawa kundi ang sumunod sa sandaling makuha na nito ang hinahangad at matupad ang anumang binabalak. May pakiramdam si Cornelia na may pinanggagalingan ang paghahangad ng babae na mawasak ang pagkakaisang mayroon ang Isla kung kaya pinilayan nito ang bawat kaharian at tuluyang winasak ang dati'y matayog na samahan ng bawat lahi. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na maraming lahi ang may matinding sama ng loob at galit at marahil ay pagkapoot na nararamdaman sa lahi ng mga bampira dahil ang lahing iyon ang nagging kasangkapan kung bakit napinsala ang bawat kaharian. At sa kanyang huling balita ay bawat kaharian ay gumagawa ng mga paraan na maaaring gamitin para pansamantalang maproteksyunan ang kani-kanilang mga tirahan mula sa panganib na hatid ng nagpapalakas na kampo ni Maora. Ang iba naman ay nanatili lamang na tahimik tulad ng mga taga Islandia, ang lahi ng mga elf. Kahit ang mga diwata ay hindi niya nariringgan ng anumang babala at pahiwatig na may gagawin ang mga ito o kung gusto man lang makipag-ugnayang muli. Ang mga lobo ay nagtatago sa mga kabundukan, ang mga dragon ay tila muling nahimbing sa kawalan sa pagkasira ng kapayapaan.
BINABASA MO ANG
Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing Hope
FantasySpring Mendoza has the life that every girl wanted for themselves. Marangyang buhay, mapagmahal na mga magulang, protective na kapatid at isang bestfriend na alam niyang hinding-hindi siya iiwan, bukod pa sa angking ganda, in and out with the brain...