"PRIMAVERA."
Wala nang ibang ginawa si Spring kundi ang paulit-ulit na bumuntong-hininga sa harap ng matipunong lalaki na kanina lamang ay isang puti at malaking lobo. Lobo na bigla na lang nag-anyong tao sa harap nilang lahat.
Umiiyak pa nga ang kaibigan niyang si Summer hanggang sa mga oras na iyon dahil binastos daw ito ng salbaheng lobo. Sinira daw ng lalaking iyon ang malinis nitong puri dahil sa walang pakundangang pagpapakita ng lobo ng katawan na walang saplot nang magpalit anyo ito patungo sa pagiging tao.
Kahit siya ay naiinis pa rin dahil sa inasal ng lalaki na Alaric ang pangalan.
Bakit nga ba hindi niya naisip na ang lobong kaharap ay may kapasidad na mag-anyong tao at vice-versa?
"Hindi 'yan ang pangalan ko," mariin sabi ni Spring rito nang mainis na siya at di makatiis sa paraan nito nang pagtingin sa kanya.
Kung makatingin kasi ito ay hinahagod na siya mula ulo hanggang paa. At naiinis na talaga siya. Ilang ulit na nitong pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. Hindi siya komportable sa ganoon. At sa loob-loob niya ay kanina pa niya pinagbabalakang hambalusin ng hawak niyang patpat na napulot niya sa daan ang herodes na ito.
Sa lahat ng mga lobong muntik nang lumapa sa kanilang mga umakyat sa bundok kasama na ang mga bampira ay ito lang ang nagpalit ng anyo sa pagiging anyong tao. Bagay na sinamantala ng Kuya Alejandro niya para kausapin ang pinuno pala ng mga lobo dahilan para tumigil na ang grupo nito sa pag-atakeng muli sa kanila. Nakita niyang sandali pa nitong nilanghap ang hangin at saglit na umungol bago muling tumingin sa kaibigan niya at nagbigay ng utos. Natitingnan na niya ito ng bahagya dahil humarang sa harap nila ni Summer ang kuya niya ng kausapin ang lobong nag-anyong tao at hubad. Nagpakilala ang kapatid niya at ipinakilala rin siya at ang mga kasama nila sa pinuno ng mga lobo at simula noon ay wala na itong ibang ginawa kundi ang hagurin siya ng tingin mula ulo hanggang paa na para bang pinagdududahan pa siya.
Hindi niya alam kung bakit nagpalit ng anyo ang lalaking iyon. Siguro ay dahil naiinis ito sa kaibigan niya na walang takot itong tinampal at pinagpapalo sa harap ng sa palagay niya ay mga tauhan nito o nasasakupan. Marahil ay gusto nitong pagalitan si Summer sa ginawa o talagang namangha lang ito sa tapang ng kaibigan niya. Hindi rin niya alam kung bakit hindi nagkatawang tao ang mga kasama nitong lobo na ayon dito ay may kapasidad ring gawin ang gayon anumang oras gustuhin. Naisip na lang niya na marahil ay naawa ang mga iyon sa kaibigan niya na hanggang ng mga sandaling iyon ay umaatungal pa rin sa isang tabi at inaalo ng bampirang si Alfonso.
Kasabay ng pagtanggi niya sa pangalang binanggit nito ay narinig niyang napasinghap ang mga naroong kasama nila. Kabilang na ang kuya niya at si Cornelia. Maging si Alfonso ay napalingon sa direksyon nila. Batid niyang narinig nito ang sinabi niya kahit na malayo ang distansya nito sa kanila.
"Hindi ikaw si Primavera?," nakakunot-noong tanong ng lobo na minsan pang hinagod ng tingin ang kabuuan niya.
Naiinis at hindi na niya napigilang itapat sa mukha nito ang hawak na patpat na napulot niya habang umaakyat sila papunta sa kuta ng mga iyon. Hindi na kasi niya matiis ang ginagawang paghagod sa kanya ng tingin nito. Hindi naman din matulis ang dulo niyon kaya hindi siya gaanong nag-aalala na baka masugatan niya ito.
"Isa pang hagod mo nang tingin sa kabuuan ko, tutusukin ko na 'yang mga mata mo. Loko-loko ka, ah!," sikmat niya rito.
Napaatras naman ang taong-lobo.
Nabigla sa ginawa niyang pagtataas ng boses.
Narinig niya ang pagtatawanan ng mga naroon. Maging ang mga lobong kasama nito sa lugar na iyon kabilang na ang mga naiwan roon nang puntahan sila. Nakabihis na ang lahat ng iyon, nasa anyong tao. Lahat ay nagpipigil nang tawa na sa huli ay hindi rin naman napigilan.
BINABASA MO ANG
Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing Hope
FantastikSpring Mendoza has the life that every girl wanted for themselves. Marangyang buhay, mapagmahal na mga magulang, protective na kapatid at isang bestfriend na alam niyang hinding-hindi siya iiwan, bukod pa sa angking ganda, in and out with the brain...