Chapter 7

335 18 16
                                    


"Hawak kamay 'di kita iiwan sa paglakbay dito sa mundong walang katiyakan," naiiling na nilingon pang minsan ni Javier ang dalawang babaeng kasama nang marinig niya ang pagkanta ng sabay ng mga ito.

Dumating siya sa teritoryo ng mga sirena kasama ang kapwa mga bampira roon nang nagdaang araw. At kaninang mawala sa paningin niya ang buwan at mga bituin na palatandaan ng pagbubukang -liwayway at bagong umaga ay ginising niya ang mga sasama sa kanilang mga bampira patungo sa lahi ng mga lobo.

Ngunit bago niya mapapayag ang mga iyon sa kanyang plano at mungkahi ay napakarami pa ang tanong ng mga iyon. May mga narinig rin siyang masasakit na salita mula sa mga ito lalo na sa isang lalaking nagngangalang Alejandro. Halos ipamukha nito sa kanya ang kasalanang hindi naman siya ang may gawa. Isang paratang na talagang sumugat sa kanyang puso. Puso na bagaman hindi naman tumitibok ay kailangan pa rin ng kanyang katawan. Kahit na sabihin pang patay ang puso nolang mga bampira ay nakaramdam pa rin siya ng sakit. Ng kirot sa dibdib niya. Bigla ay nagkarooon siya ng emosyon. Naaalala pa niya ang mga masasakit na sinabi ng mga ito.

"Bakit kami magtitiwala sa'yo, ginoo?," tanong ng isang magandang babae na napag-alaman niyang prinsesa ng mga sirena. "Natakot nang husto sa'yo ang mortal at higit sa lahat ang kamahalan. Lumapit kayo ng mga kasama mo sa kanila nang walang pahintulot," may diing sabi nito.

"Hindi ko alam ang mga batas ninyo," sagot niyang nakatitig nang diretso sa mga mata nito para ipakitang totoo ang sinasabi niya. "Tatlong araw na kaming naglalakbay ng mga kasama ko para hanapin ang gumamit ng portal. Hindi iyon kalayuan sa aming tirahan kaya malamang na malalaman namin iyon," paliwanag niya. "Isa pa, hindi ninyo maikakaila ang katotohanang dumating na siya," pagtukoy niya sa itinuturing na pag-asa ng kanilang mundo. Naramdaman nila iyon. Naramdaman niya iyon. Ang ulan at ang pagyanig kani-kanina lamang ay hindi na natural na nangyayari pa sa Isla Encantacia mula ng mawalan ng buhay iyon.

"Ano'ng ibig mong sabihin?," tanong ng lalaking nakasuot ng banyagang kasuotan. Si Alejandro.

"Ano—," hindi na niya naituloy pa ang sasabihin nang bigla ay itutok nito ang espada nito sa dibdib niya kung saan naroroon ang kanyang pusong hindi na tumitibok.

"Sagutin mo ang tanong ko. Ano ang ibig mong sabihin?," ulit nito sa itinanong sa kanya.

Napabuntong-hininga si Javier. At napangisi.

"Hindi ko alam kung tanga kayo o ano. Kayo ang kasama pero hindi ninyo alam. Umulan nang dumating kayo rito. Yumanig din kani-kanina lang dahilan para mas mapadali lang ang paghahanap namin sa inyo," napapalatak siya nang makitang magdilim ang anyo ng lalaki. "Mga bagay na hindi nangyayari pa sa islang ito pero bigla nalang nangyari. Sa palagay ba ninyo ay hindi kayo napansin ng baliw na reyna? Kalokohan yun."

Tahimik na tinitigan lang siya ng lahat na naroon sa kuweba kung saan sila nagkatipon. Siya lang ang isang bampirang naroon sapagkat ang mga kasama niya ay itinali ng mga ito sa mga malalaking batong naroon sa labas. Sa simula pa lang ay nagpakita na ang mga ito nang disgusto sa pagdating nila pero binalewala nila iyon,sa kagustuhang makita nag kanilang pag-asa. Hindi sila nagbigay ng anumang komento sa gusto ng mga itong itali ang mga kasama niya para sa kaligtasan raw. Ganoon kawalang tiwala sa kanila ang mga iyon. Iniisip marahil na uubusin nila ang mga ito. Isang bagay na hindi nila inisip kahit sandali lang.

Kasama niya sa loob ng kuweba ay ang mga palagay niyang mga pantas ng kaharian ng mga sirena, ang hari at ang prinsesa, si Alejandro na hindi pa rin ibinababa ang espadang nakatutok sa kanya, ang babaeng mortal na nakita niya sa pampang at ang kasama nitong magandang dilag na sa hula niya ay ang Primavera. Napakaganda nito. At naiiba rin ang amoy na nanggagaling dito. Hindi niya iyon mawawaan na ang dulot sa kanya ng pagpalagay na ito nga ang nawawalang pag-asa ng Isla Encantacia.

Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing HopeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon