'Minsan madarama mo ang mundo'y gumuguho sa ilalim ng iyong mga paa,' mahinang pag-awit ni Spring sa pagitan ng paghikbi. Tulad ng kantang iyon, damang-dama niya ang pagguho ng mundo niya.
Lumuluhang napatingala siya sa langit.
"Bakit ka niya tinatawag na kuya?," tanong ni Alaric sa kuya niya.
Hindi sumagot ang kapatid niya. Nasa likod siya ng puno hindi kalayuan kung saan nag-uusap ang kanyang kuya Andro, ang mga lobo at mga bampira kasama si Cornelia.
Nagtaka siya sa tanong na iyon ni Alaric. Ito ang puting lobo na sinapak ni Summer. Dahil nagkasundo na ang mga ito sa hindi pagkakaunawaan ay nagkaroon ang mga iyon ng pagpupulong. Inakala ng mga lobo na sila ang dahilan ng muntik ng pagkamatay ng batang lobong nakita nila habang paakyat ng bundok. Nang maunawaan ng mga iyon ang nangyari ay humingi rin naman ng tawad sa kanila at inimbita sila sa tahanan ng mga ito na mabilis namang pinaunlakan ng kanyang mga kasama sa kadahilanang ang mga lobo naman ang talagang sadya sa lugar na iyon.
Sa loob-loob niya ay ilang beses na niyang itinanong kung may iba bang ibig sabihin ang salitang 'kuya' sa lugar na iyon. Malamang na tatawagin niyang kuya si Alejandro dahil nakatatanda niya itong kapatid.
"Iyan rin ang aking nais itanong sa iyo sa simula pa lang na marinig kong tinawag kang 'kuya' ng Primavera, Alejandro," narinig niyang saloobin ni Javier.
Naguguluhang lalo pa niyang pinagbuti ang pagkukubli sa malapad na puno kung saan siya naroon. Pinag-igi rin niya ang pakikinig sa usapan ng mga ito. Masama na bang tawaging kuya ang kapatid niya? Hindi ba ganoon sa lugar na iyon?
"Walang alam ang kamahalan," si Cornelia.
Ano'ng ibig sabihin nito na wala siyang alam? Sigurado siyang siya ang tinutukoy nito dahil wala naman itong ibang tinatawag nang ganoon sa mga kasama nila kundi siya lang.
"Ano'ng ibig mong sabihin?," tanong ni Amarro. "Napansin ko ring masyadong malapit ang loob mo sa kanya, Alejandro. Ganoon rin siya sa'yo. Hindi naman masama iyon dahil ikaw ang nagpalaki sa kanya subalit," mataman nitong tinitigan ang kuya niya, " hindi nga kita naririnig na tinatawag siyang kamahalan o kaya ay sa tunay niyang pangalan."
Bumuntong-hininga ang kapatid niya. Nanatiling walang imik.
"Kung gayon,lumaki si Primavera na kinilala kang kapatod," mas lamang ang pagpapahayag roon kaysa pagtatanong na sabi ni Javier.
Napatawa naman si Alaric. Tawang nakakainsulto.
Ngunit wala pa rin siyang makitang reaksyon ng kapatid niya na tila ba tatanggapin lang nito ang mga sinabi ng mga iyon at hindi ipagtatanggol ang sarili.
Kumabog ang kanyang dibdib. Tila ba sa mga oras na iyon ay mayroon siyang malalamang hindi niya alam kung magiging katanggap-tanggap ba para sa kanya.
Ang ibig bang sabihin ng mga ito ay—
"Hindi mo siya kapatid, Alejandro," narinig niyang diretsong sabi ni Javier. Nakikisimpatya. "Dapat niyang malaman iyon nang maaga. Masasaktan siya kapag narinig niya ito sa iba."
"Alam ko," iyon ang tanging sagot na narinig niya sa kuya niya.
Natulalang bigla ay napahawak siya sa dibdib. Bumigat ang pakiramdam niya. Unti-unti namasa ang mga mata niya.
"Spring."
Napalingon siya ng marinig ang tawag sa kanya ni Summer. Sinundan pala siya nito. Bakas sa mukha nito ang pagkagulat. At base sa nakikita niyang reaksyon nito ay tiyak niyang narinig rin nito ang mga narinig niya.
BINABASA MO ANG
Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing Hope
FantasySpring Mendoza has the life that every girl wanted for themselves. Marangyang buhay, mapagmahal na mga magulang, protective na kapatid at isang bestfriend na alam niyang hinding-hindi siya iiwan, bukod pa sa angking ganda, in and out with the brain...