Chapter 17

282 14 0
                                    


MASAKIT ang ulo ni Javier. Iyon ang una niyang naramdaman ng magising. Ang bigat rin ng pakiramdam niya. Kung maaari ay gusto pa sana niyang matulog muli ngunit may kakaiba siyang presensyang nararamdaman sa paligid.

May ilang sandali pa siyang nanatiling nakapikit. Subalit dagli rin siyang nagmulat ng mga mata nang maalala ang nangyari. Nagtaka pa siya nang sa halip na mga bato, mga puno at ang kalangitang unti- unting nagliliwanag ang makita ay isang kulay lupang kisame ang bumungad sa kanya.

Iniikot niya ang tingin. Pulos iyon ang nakikita niya. May mga malalaking haligi rin siyang nakikita at mayroon pang nahagip ang kanyang tingin na bahagi ng isang kuwadro.

Napakunot ang noo niya.

Nasaan ako?, tanong niya sa sarili.

Naroon ang pagtataka sa kanyang mukha bagaman wala pa rin siyang ginagawang pagkilos mula sa pagkakahiga.

"Gising ka na pala," narinig ni Javier ang malamyos na tinig na iyon ng isang babae.

Mabilis siyang nagbangon mula sa pagkakahiga sa malambot at pabilog na kamang kinahihigaan sa sentro ng silid na kinaroroonan. Nasapo pa niya ang ulo dahil sa biglang pagsigid ng kirot roon. Ano ba ang nangyari at tila binibiak ang kanyang ulo.

"Javier."

Nangunot ang kanyang noo. Muli niyang inilibot ang tingin sa kinaroroonan. Sa tabi ng kamang kinahihigaan ay may isang babaeng kulay pula ang mata. Kay itim rin ng labi, marahil ay dahil sa pakulay niyon. Maganda ang babae ngunit may kung ano rito na dahilan kung bakit hindi niya magawang purihin ito maski ang mamangha sa anyo nito ay hindi niya magawa.

Nasaan ba kasi ako?, naguguluhang tanong niya habang nananatiling pinagmamasdan ang babaeng nakatingin rin sa kanya.

Sa pulang mga mata nito ay nakikita niya ang sariling repleksyon. Ngunit bago iyon ay may nakita rin siyang kakaiba sa kislap ng mga mata nito. Emosyong hindi niya mawari kung bakit nakikitaan niya nang kalungkutan. Sa mapapanglaw nitong mga mata ay malinaw niyang nakikita ang pangungulila.

Ngunit bakit? Para saan?

Kitang-kita ni Javier ang emosyong iyon sa mga mata nitong tila hindi kumukurap sa pagmamasid sa kanya. Na sa ilang minutong dumaan na nakatitig lang sa kanya ay bigla itong kumilos palapit sa kanya.

Ikinabigla niya ang pagdampi ng kamay nito sa kanyang pisngi. Hindi pa ito nakuntento. Ikinulong pa nito sa dalawang palad ang kanyang mukha.

Maang na tinitigan niya pa rin ito.

Nagtataka siya sa inaasal ng babae. Ngayon lamang niya nakita ang kaharap. Ngunit sa nakikita niya ay parang kilalang-kilala siya nito. Saan ba ito nanggaling? Sino ba ito? Bakit ganoon ang kilos nito? Mga tanong na paulit-ulit niyang naririnig sa isip.

Nang akmang tatanggalin niya ang kamay nito sa kanyang pisngi ay nabigla siya sa sunod na ginawa nito. Dinampian nito nang marahang halik ang kanyang noo. Punong-puno iyon ng emosyon.

"Ano'ng ginagawa mo?," nabibigla niyang tanong rito nang yakapin siya ng babae na puno nang lambing.

"Hayaan mo na muna akong yakapin ka," sagot nito sa kanya sa marahang tinig na bahagya pang pumiyok. " Kaytagal mo ring nawalay sa akin, Anak," dagdag pa nito na lalong nakapagpatulala sa kanya.

PALAGAY ni Spring ay may isang oras mahigit na siyang naglalakad-lakad sa lugar na iyon na halos walang katapusan sa sobrang laki at lawak. Ang huli niyang naaalala ay kausap niya si Summer tungkol kay Javier. Nang maalala ang binata ay mayroon na namang malakas na kabog ng dibdib na naramdaman si Spring dala ng kilig. Dahil rin sa kilig na iyon ay hondi niya napigilang mapatili dahilan para magmadali ang kanyang Kuya Alejandro na puntahan siya at si Summer sa kinaroroonan nila dala ng pag-aalala. Naaalala rin niyang nakaramdam siya ng hilo at pag-iinit ng katawan na tila tumutupok sa kanyang katawan na matapos ang ilang sandali ay nagging lamig na halos ipangatal niya sa ginaw. Nakikita niya ang pag-aalala sa mukha ng kapatid at ni Summer maging ni Cornelia na kasama ng kapatid niya ng mga sandaling iyon subalit wala siyang anumang naririnig sa mga sinasabi ng mga ito. Matapos iyon ay wala na siyang maalalang anuman.Halos nalibot na niya ang ikaapat na bahagi niyon na puwede niyang ikutin. Hindi siya makalayo sa pinanggalingan lalo pa at hindi niya lam kung nasaan siya. Napasok na niya ang halos lahat ng silid roon. Natakot pa siya nang makakita ng marami at pulutong ng matitipunong lalaking nagroronda pasalubong sa direksyon niya kung kaya dali-dali siyang nagsusumiksik sa ilalim ng may kataasang lamesang nakita. Nagsumiksik siya roon.

Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing HopeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon