Chapter 21

263 13 0
                                    


"ANG ARAW NA ITO ay araw nating lahat!" sigaw ni Spring habang nakatingin sa pulutong ng mga bampira at lobo. Dumating din sa araw na iyon ang mga sundalo ng mga elf, ang may isandaang bilang ng mga manggagaway, ang mga matatapang na mga duwende, ang mga anggitay at ilang mandirigmang sirena upang makipaglaban kasama niya, ni Summer, ni Alejandro at ni Cornelia.

Ang araw na iyon ay ang itinakda niyang panahon upang sumalakay sa kanyang tahanang ninakaw lamang ni Maora. Ang araw na iyon ay pinaniniwalaan nilang araw nang pagbawi, pagbabalik ng kapayapaan at higit sa lahat pagbabalik ng orihinal na ganda ng isla.

"Gawin ninyo ang lahat ng puwede ninyong gawin. Ibigay ninyo ang lahat ng puwede ninyong ibigay sa laban na ito, lakas, puso at talino," pagpapatuloy ni Spring, "hindi lang para sa isla kundi para rin sa inyo! Sa sarili ninyo, para sa mga pamilya ninyo! Gumawa tayo nang malaking hakbang para makalaya sa takot at kadilimang ito!," sabi niya. "At sa lahat ng ito, makakaasa kayong kasama ninyo ako!"

"Atin ang araw na ito!" sigaw ng pinuno ng mga lobong si Alaric na sinundan ng grupo nito at ilang sandali pa ay sama-sama nang humihiyaw ang lahat ng lahi. Magkakasundo at magkakasama. At sa palagay niya malaki ang laban nila lalo na at nakikita niyang nagkakaisa ang mga kasama.

Nang handa na ang kanyang mga kasamahan na umabot rin sa ilang libo ay lumakad na sila papunta sa kahariang dapat ay kinalakihan niya. Ang Alexandria.

Gamit ang teleportation sa tulong ng mga manggagaway ay mabilis at tahimik silang nakarating sa palasyong katatakutan na ng sinumang magdaraan. Nakikita ni Spring ang itim at makapal na usok na pumapalibot sa mismong palasyo. Ang naglalakihang mga ligaw na halamang tila naging bantay roon. Idagdag pa ang mga uwak na nakikita niyang namumugad sa mga halaman at haligi nito na tila nagmamatyag sa paligid. Kung tutuusin ay napakatahimik ng paligid. Subalit ang kanyang guro at kapatid na si Alejandro na ang mismong nagsabi sa kanya noong minsan silang nagsanay, "Mas tahimik mas mapanganib, mas malamig o mas maalinsangan ang panahon, mas maraming nagmamatyag. Higit na dapat maging mag-ingat." At tama ito, dahil sa nararamdamang alinsangan sa hangin ay mas pinag-igi niya ang pagmamasid. Ang hangin ay nanunuot sa kanyang kalamnan. Isang tanda na nasa paligid lang ang kalaban.

Sa tumatalas at lumilinaw pa niyang paningin ay nakita niya ang isang lalaki sa isang sulok sa itaas ng palasyo na papanain sila. Mali. Siya. Siya ang gusto nitong puntiryahin. Kung akala nitong madaling matatapos ang digmaang iyon ng hindi man lang siya nakakalaban, nagkakamali ito.

"Isa, dalawa.... Tatlo," bilang ni Spring at iyon nga, pinakawalan na nito ang palaso na sa isang iglap ay nag-apoy sa ere at naging abo.

Mula sa kinaroroonan niya ay nakita niya ang pagkabigla ng kalaban. Ang pagtatagis bagang na biglang tumalikod sa kanila.

Ikinuyom ni Spring ang mga palad kasabay niyon ay ang pagbagsak ng lalaki. Walang buhay. Isa iyon sa mga pinaghandaan niya. Ang paggamit ng mahika.

"Lusob!" sigaw ni Spring na nauna nang tumakbo patungo sa tarangkahan ng palasyo. Pinasabugan niya iyon ng sunud-sunod upang mawasak.

May harang iyon na hindi niya nakikita kung kaya kasama ang ilang manggagaway ay winasak nila ang harang. At doon sila muling sumugod. May kanya-kanya silang grupo at bawat grupo ay may kanya-kanyang misyon at destinasyon.

At ang sa kanya ay ang mismong bulwagan kung nasaan ang trono ng nagrereyna-reynahang si Maora. Kung sa malaot-madali ay dagli lang niyang makikita at mararating ang bulwagan subalit nang mga oras na iyon ay tila may naglalaro sa kanila dahil napakatagal bago nila mahanap ang pakay.

Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing HopeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon