THE KISMET: CHAPTER 8

2 2 0
                                    


Pasado alas sais na at wala pa rin sila mama. Kadalasan kasi kapag pumupunta sila ng bayan ni papa para mamalengke ay inaabot talaga sila ng dilim. Lalo na ngayong biyernes, malamang ay maraming tao do'n.

Lumabas ako ng kwarto at saka pumunta sa kusina para uminom ng tubig. Nakita ko si kuya na nanonood ng balita sa sala.

"Kuya bibili lang ako ng chichirya." lumapit ako sa kaniya para magpaalam.

Nag-angat naman siya ng tingin sa 'kin bago ako pinagtaasan ng kilay.

Bumuntong hininga ako at saka ngumiwi. "Bibili lang ako ng pagkain, wala akong gagawing kalokohan." paglilinaw ko.

"Okay." sabi niya bago inilipat ang palabas sa basketball.

Tumalikod ako at lalabas na sana pero bumalik ako at saka humarap ulit kay kuya.

"Nag-away kami ni Valerie kanina," sabi ko at nilingon naman niya ako. "Pupuntahan ko siya, makikipag ayos lang." sabi ko.

Kumunot ang noo niya. "Totoo na ba 'yan?" nagdududang tanong niya.

"Talagang nag-away kami kanina kasi napaaway si--" bigla ay nahinto ako ng marinig ko ang sarili ko.

"Sino ang napaaway?" takang tanong niya.

Bumuntong hininga ako. Wala din naman akong mapapala kapag nagsinungaling ako e.

"Nagkagulo sa karinderya kanina kasi sinuntok ni Miguel 'yung lalaki na tinawag akong tanga." kwento ko at tumabingi naman ang ulo niya, ibig sabihin ay naguguluhan.

"Nakipag-away kasi sinabihan kang tanga? Ano ulit?"

"Mamaya ko na lang ku-kuwento lahat, baka gabihin ako e." ngiti ko bago tumalikod at naglakad palabas ng bahay.

"Bilisan mo lang ah! Baka maabutan ka'ng wala dito nila papa!" dinig ko'ng bilin ni kuya.

"Opo!" sagot ko na lang bago isinara ang gate ng makalabas.

Medyo malayo ang bahay nila Valerie kasi sa kabilang street pa. Pero meron namang shortcut, dadaan ka sa eskinita. Maliwanag pa naman kaya du'n ako dadaan. Hindi lang ako dumadaan diyan kapag gabi na kasi madilim, halos wala akong makita.

Mga ilang minuto pa ay narating ko na ang bahay nila Valerie.

Wala silang doorbell kaya tinawag ko na lang siya.

"Valerie!" nakailang tawag pa 'ko bago siya lumabas ng bahay.

Nagulat pa siya ng makita ako pero ngumiti lang ako.

"Anong ginagawa mo dito?" tanong niya habang naglalakad papalapit sa 'kin.

Kapag nag-aaway kami ay kadalasan ay ako ang nag-so-sorry kasi ako ang nagtutulak kay Valerie para magalit siya, pero bago ako mag-sorry ay tumatagal ng ilang araw. Pero ngayon, parang hindi ako mapakali na magkaaway kami. Hindi ko alam basta pakiramdam ko kailangan ko'ng makipagbati ngayon or else 'di na kami magbabati haha.

Nakangiti lang ako hanggang sa mabuksan niya ang gate at magkaharap na kami ngayon.

Huminga ako ng malalim bago ibinuka ang mga braso ko, nanghihingi yakap.

Ngumiti ako, "I'm sorry."

Bigla ay lumambot ang ekspresyon ng mukha niya at agad din naman siyang yumakap.

"Sorry din," natawa ako ng marinig ko siyang humagulgol ng mahina sa leeg ko.

Sa aming dalawa ay siya ang mas matapang pero siya 'din ang mas iyakin. Kung ga'no kabilis uminit ang ulo niya, gano'n din kabilis lumambot ang puso niya.

THE KISMET ***ongoing***Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon