"Nakatulala ka diyan." Tumingin ako kay Hannah at umiling. Nabablanko talaga ako ngayon araw na 'to. Hindi ko rin alam kung bakit.
"Hindi kasi siguro ako nakatulog ng maayos." Gusto kong maghikab pero pinigilan ko.
"At bakit naman?" Pinagtaasan ako ng kilay ni Hannah. Alam ko na ang ibig sabihin noon. Hindi niya ako titigilan hangga't hindi ko sinasabi sa kanya.
Bumuntong hininga na lang ako.
"No particular reason. Hindi lang ako nakatulog."
Hindi pa rin bumababa ang kilay niya.
"Hannah, please akin na lang 'to."
Siya naman ang nagbuntong hininga.
"Niel, alam mo minsan pakiramdam ko ang layu-layo mo na sa akin. Parang hindi na tayo gaya ng dati. Wala na akong masyadong alam sa'yo. Para ngang hindi na kita kilala ngayon." Napatungo ako sa sinabi ni Hannah at nilaro-laro ko ang pagkain inorder ko na hindi ko man lang halos nakain.
"Masyado lang kasi sigurong matagal na hindi tayo nagkikita. Atsaka wala naman bago sa akin. I mean nabanggit ko naman sa'yo si Esther and Seth at umaattend ako ng church nila." Tumango si Hannah pero halata ko pa rin na nagtatampo siya sa akin. Hindi ko talaga kaya kapag nagtatampo si Hannah. Hindi ko siya matiis."Iyon lang naman."
"Kamusta naman si Seth?"
"Maayos naman siya." Tiningnan lang akong mabuti ni Hannah.
"Hindi na ba kayo lumabas after mo magpunta sa kanila?"
"Kumakain kami sa labas after church kasama iyon buong group niya o kaya kami nila Esther."
"Okey... baka kasi meroon kang hindi nababanggit sa akin. Actually, palagay ko nice si Seth. Gusto ko nga siya--"
"Hannah... please." Tumahimik na siya.
"Gusto mo ng ice cream. Order tayo. Masarap ice cream nila rito." Tumango ako.
"Natry mo na ang ice cream nila?" Tumango siya.
"Nagdate na kami rito ni Eli." Bakas ko naman kay Hannah ang lungkot. "Namimiss ko na nga siya eh." Ngumiti na lang ako kahit iba ang naalala ko sa sinabi ni Hannah. Bakit ko naisip si Ezekiel?
"Wala daw ba siyang balak magpuntang Pilipinas ngayon?" Umiling si Hannah sa akin. "Kulitin mo."
"Hindi mo lang alam kung ilan kulit na ginawa ko pero sabi niya masyado daw siyang focus sa trabaho niya. Niel, naiisip ko na makipagbreak kay Eli. We are not getting anywhere." Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi ni Hannah.
"Ano bang nangyari?" Actually wala na talaga akong kaalam-alam sa kanila. Ayoko na rin naman magtanong noon una dahil ayokong maramdaman ang maaring maramdaman ko. Pero ngayon palagay ko ay okey na ako. Ilang buwan ko rin hindi nakausap si Eli. Anim na buwan na rin ata.
"Busy. Iyon lagi niyang sinasabi kapag makikipag-face time ako sa kanya. Kahit nga ata weekends busy siya. Hindi ko alam kung alibi niya lang ba iyon pero I don't buy it anymore. Nakakasawa na." Natahimik ako. Hindi ko alam kung bakit naging ganoon si Eli. Natatandaan ko naman noon nag-uusap pa kami na halos gabi-gabi magkatext kami o magkausap sa skype. Bakit ngayon ay ganito siya kay Hannah matapos ang lahat?
"Gusto mo bang kausapin ko siya?" Gusto ko talagang kausapin si Eli. Ayoko ng ginagawa niya kay Hannah.
"Ayoko, Niel. Hindi ka involve sa relasyon namin. I can say anything what I want to say to him. Kaya okey lang. Maybe one of these days I will break up with him."
