Sa likod ng gate, ilang metro ang layo, nakatayo ang isang matandang tulay na bato—ang tanging lagusan patungo sa limang misteryosong ruta. Sa dulo nito, isang naglalakihang magic circle ang nakaukit sa lupa, puno ng kumikinang na runes at sinaunang simbolo. Sa loob, isang hugis-tala ang nabuo mula sa tatlong tatsulok na magkakasalungat ang guhit. Walang malinaw na daanan; tila nababalutan ang bawat ruta ng makakapal, nagbubulungang dahon ng mga higanteng puno.
Ang takot, na matagal nang naninirahan sa aking isipan, ay nagpatahimik sa akin. Hinayaan kong mauna ang iba, ang bawat hakbang nila ay nagpapabigat sa aking dibdib. Halos nakapila na kami sa tulay, ang naunang tumawid ay nanatiling nakatayo sa gilid ng magic circle, parang pinako ng sariling pangamba.
"Tumabi kayo!" isang maangas na boses ang pumunit sa katahimikan mula sa likuran. Nagkatinginan kami ni Amber, ngunit bago pa man namin matukoy kung sino, nasa likuran na namin siya, walang pakundangan kaming tinabig. "Mga duwag! Ako na ang mauuna!" sigaw pa nito, ang kanyang tinig ay puno ng paghamak.
Nakaantabay ang lahat habang ang mayabang na lalaki ay humakbang sa gitna ng magic circle. Ilang segundo ng nakabibinging katahimikan. Walang nangyari, at isang malalim na pagkadismaya ang bumalot sa akin. Ngunit makalipas ang ilang minuto, biglang umilaw ang lupa. Ang mga ilaw mula sa lupa ay kumalat, kumikinang sa pabilog na mga guhit ng magic circle. Sumunod ang naglalabasang liwanag mula sa mga runes—pula, asul, dilaw, lila, berde, puti, at marami pang kulay ang sumabog mula sa bilog na lupa. Pagkatapos, biglang gumalaw ang mga sanga ng higanteng puno na nakapalibot sa magic circle, nagbubunyag ng isang lagusan patungo sa silangan.
"Sa pinakadulo siya pinadaan ng Magic or Wiccan Circle. 'Yan ang pinakamahabang landas, umiikot 'yan sa buong kagubatan," bulong ni Amber, ang kanyang tinig ay bahagyang nanginginig. "Ito ang pinakamahaba pero ang pinakaligtas. Sana diyan tayo dalhin ng Wiccan Circle." Hindi ko na siya tinanong kung paano niya nalaman; bigla na namang sumulpot sa isip ko ang mga librong binasa niya at ang kulay ube niyang pusa.
"Hindi ba sinabi sa 'yo ni Jolly kung saan tayo mapupunta?" tanong ko, ang kuryosidad ay bahagyang nagpapawi sa aking takot.
"Hindi kayang pasukin ng kapangyarihan ni Jolly ang Forest of Garon. Kaya hindi na niya alam ang mga mangyayari sa loob at lahat ng kaganapan pagkatapos nito." Tunog bigo si Amber, ngunit pilit niyang itinatago.
Sa gitna ng aming pag-uusap, hindi namin namalayan na nakapasok na pala sa unang ruta ang mayabang na lalaking nagboluntaryong mauna. Sumunod ang isang batang babae na nasa edad sampu. Muling naglabas ng mahiwagang kulay ng incantation ang Wiccan Circle. Sa pagkakataong ito, bumukas ang ikaapat at ikatlong landas.
"Dalawa ang bumukas?" gulat kong tanong, ang aking puso ay lumundag.
"Posibleng mangyari 'yan, lalo na kung ang isang keeper ay may multiple property," paliwanag ni Amber, ang kanyang tinig ay kalmado sa kabila ng tensyon. "Ang pangalawang landas ay tinatawag ding Road of the Clever. 'Yan ang daang punong-puno ng pagsusulit na gamit ang utak. Mga matatalinong tao ang pumipili diyan. Ang ikaapat na landas naman ay ang Path of Fears and Illusions. Ang mga keepers na may malakas na self-drive at malalim na imahinasyon ang makakaligtas sa landas na 'yan. Ang panlimang landas, 'yan ang Road to Nothingness. Ito ang daan ng mga keepers na may matinding stamina. Bawal tayo diyan."
"Ibig mong sabihin, ang ikatlong landas ay ang tuwid na landas na sinabi ng archangel na huwag nating tahakin?" tanong ko, ang aking lalamunan ay tila ba tuyo.
"Tama. 'Yan ang landas ng kamatayan. Kaya kapag turn mo na at isa 'yan sa mga bumukas na daanan mo, pumili ka ng iba sa apat na landas, huwag lang 'yan," kalmadong sabi ni Amber. Pagkatapos ay nagpatuloy siya, "Kung sakaling hindi tayo parehas ng daanan, mangako kang makakaligtas, okay?"
BINABASA MO ANG
The Keepers [TKS#1]
Fantasía"Trust the power within you..." An unexpected abduction A gathering of demon slayers, archangels, shapeshifters and witches A unison of newborn keepers In a written fate The darkest war is coming. Lara is abducted by an unknown archangel. A mysterio...
![The Keepers [TKS#1]](https://img.wattpad.com/cover/23083168-64-k404650.jpg)