GABRIELLA’S P.O.V.
BITBIT KO ANG gym bag na naglalaman ng mga damit ko habang naglalakad at nagtatanong ako sa mga taong nadaraanan ko. Tinatanong ko kung saan ba rito ang bahay nila Carl sa Palawan. Sa binigay ni Carl na address; narito ako sa Sagrada, Busuanga, Palawan.
May nakita akong binata na tila papunta sa bukirin, nilapitan ko ito para magtanong.
“Excuse me po, pwede po ba magtanong?” tanong ko rito. Napalundag pa ito sa gulat dahil nabigla sa pagsulpot ko. Napangiti ako dahil ang cute niyang magulat.
“Ano ka ba, girl. Ginulat mo naman aketch!” Napahinto naman ako sa pagngiti dahil tila ako pala ang mas nagulat. Bading ba siya?
“B-bading ka?” hindi makapaniwalang sabi ko. Tiningnan ko ulit siya, may itsura, malaki ang katawan, maputi. ’Yong hindi mo aakalain na bading, sayang naman.
“’Wag kang maingay, girl. Baka marinig ni padir at mapagalitan aketch,” kinakabahan nitong sabi habang tinitingnan ang medyo may katandaan ng lalaki na nakasuot ng damit na kagaya ng suot nito. Nakakunot ang noo nito habang tinitingnan kami.
“Sige. Oo nga pala, itatanong ko lang kung alam mo ba kung saang lugar ito?” tanong ko rito habang ipinapakita ang maliit na papel kung saan isinulat ni Carl ang address ng bahay nila.
Tiningnan niya ang papel at napatakip pa siya ng bibig at tila nagulat.
“Omg! Kela Papa Carl itech na house, malapit lang itech sa house namin.” Kahit may pagkabakla siyang magsalita ay naintindihan ko pa rin. Napangiti ako dahil sa wakas ay nakita ko na rin, akala ko ay aabutin pa ako ng gabi bago ko mahanap.
“Talaga?” natutuwa kong sabi. “Pwede mo ba akong samahan sa bahay nila?” pakiusap ko rito. Nakita ko naman ang pagtango nito at humarap sa tatay niya.
“Padir—este—Papa, sandali lang po! Ihahatid ko lang po ito sa bahay nila Carl.” Lalaking-lalaki na ang boses nito. Pinipigilan ko ang matawa dahil halatang hindi niya matiis ang panlalaking boses.
Lumapit sa amin ang tatay niya at tiningnan ako.
“Ay, gano’n ba? Akala ko, e, nobya mo na ire. Sayang naman at kay gandang bata,” nanghihinayang nitong sabi na kinaubo ng anak niya.
“Ahem. Papa, ’wag kayo mag-alala. Sa gwapo ko na ito, sino bang hindi mabibighani, ’di ba?” sabi nito sa kanyang ama pagkatapos ay bumaling sa akin na ikinatango ko.
“Sige, Papa, hatid ko lang po ito,” paalam niya sa tatay niya na nagkakamot ng ulo habang tumalikod sa amin.
Nagsimula na kaming lakarin ang mahabang kalsada na napapaligiran ang makabilang gilid ng mahabang palayan. Maganda sa paningin na pagmasdan ang mga ito dahil mukhang mag-aanihan na. Malamig na rin ang simoy ng hangin na hindi ka pagpapawisan kahit lakarin ang mahabang daan.
Lumiko kami sa isang kanto na may mga kabahayan na, nakita ko ang paglabas ng mga tao sa kanilang bahay.
Nahihiya ako kaya nagbaba ako ng tingin.
“Sino ’yang kasama mo, Junior?” tanong ng isang babaeng mukhang mataray.
“Kakilala ito nila Carl,” sabi niya. Junior pala ang pangalan niya.
“Napakaganda naman niya. Saan ka ba galing, hija? Wala dito sila Belen, sa maynila na nakatira,” sabi ng isang ale na may bibit na plastik.
“Taga-Maynila po ako. Sinabi lang po ni Carl na sa bahay raw po muna nila ako tumuloy,” mahinhin kong sabi.
Nakita ko naman ang pagtango-tango nila. Inaya na ako ni Junior na maglakad ulit kaya sumunod ako sa kanya.
“Marami bang tao rito sa barrio n’yo?” tanong ko habang nililibot ang tingin sa paligid nila.
“Oo, marami rin. Mababait din ang mga ’yan,” sabi niya, mabuti naman.
May nadaanan kaming basketball court, may mga kalalakihan na tila huminto sa paglalaro at tumingin sa gawi namin. Nakita ko pa na binubundol sa balikat ’yong nasa gitna nila na matangkad at medyo moreno rin habang nakatingin sa amin.
“Bakit sila nakatingin sa atin?” tanong ko kay Junior. Nakita ko naman na lumingon din si Junior sa sinasabi ko habang tila mag mahabang buhok siya na hinawi.
“OMG! Nakatingin si Papa Christian sa akin. Sabi na e, type din ako n’yan.” Napangiwi naman ako sa lakas ng tili niya. Nagulat ako na tumakbo siya sa lalaking nakatingin sa amin at ang ikinagulat ko pa ulit ay ang bigla niyang pagyakap sa lalaki. Ay, grabe siya!
Tinulak naman siya no’ng lalaki kaya lumapit agad ako para tulungan siyang itayo.
“Ayos ka lang ba?” tanong ko kay Junior. Halatang nasaktan ang pang-upo nito dahil sa biglang pagbagsak sa lupa. Humarap ako sa lalaking tumulak kay Junior at sinamaan ito ng tingin.
“Bakit mo naman siya tinulak? Hindi mo ba alam na masakit ’yon?” inis kong sabi sa kanya.
“Sorry. Kasi naman, siya naman ang may kasalanan, mangyayakap na lang bigla.” Nagkakamot ito ng batok habang namumula ang leeg at tainga.
Bumuntonghininga na lang ako at tumingin kay Junior na nakangiwi habang sapo ang kaniyang pang-upo.
“Tara na, Junior. Samahan mo na lang ako sa bahay nila Carl.”
Inalalayan ko na siyang maglakad.
“A-ah . . . gusto mong tulungan kita sa bitbit mo?” nahihiyang tanong ng lalaki kaya bumaling ako sa kanya.
“Salamat na lang, kaya ko pa naman,” nakangiti kong sabi at tumalikod ulit para makaalis na kami.
“Bakit kasi niyakap mo pa ’yon?” tanong ko kay Junior na nakahawak sa balakang niya.
“Kasi naman, girl, matagal ko nang crush si Papa Christian, tapos parang sa ’yo pa yata siya nabighani . . .” nag-iinarte niyang sabi.
“Ano ka ba, sa ’yo nga yata siya nakatitig kanina. Binigla mo kasi kaya natulak ka niya,” paliwanag ko sa kanya na ikinaliwanag ng mukha niya.
“Talaga, girl? Tingin mo may gusto rin si Papa Chris sa akin? Omg! Dapat pala ginandahan ko ang suot ko. ’Yong sexy, para maakit siya lalo,” kinikilig na sabi niya habang tila sinusukat ang dibdib at baywang niya. Natawa na lang ako sa kakwelahan nito.
“Oh? Bakit mo ako pinagtatawanan? Bakit, sexy naman talaga ako, ah? Pareho tayong beautiful and sexy. Oh, ’di ba, pak na pak!” sabi nito na itinapat pa ang kamay sa baba ko at baba niya habang sinasabi ang beautiful. Napangiti na lang ako at napailing.
Mukhang tama ang napiling pagdalhan sa akin ni Carl. Nakakita ako ng mga taong may mabubuting ugali kahit na hindi sila mayayaman. Tiyak na magugustuhan ko ang manirahan dito . . .
© MinieMendz
BINABASA MO ANG
The Mafia Lord James Esteban (Self Published)
General FictionThe heartless, handsome, and the most powerful mafia boss-James Esteban. Sa edad na sampung taon ay niluklok na siya bilang pinakabatang mafia ng bansa. Nang dahil sa galing sa pakikipaglaban ay marami na agad ang natatakot na kalabanin siya. Batak...