Tiningnan ni Jocas ang mga tao sa balcony ng arena. Ngumiti siya nang napakatamis at namulsa.
"Alam ba ng acting president na 'yan kung sino ang kinakausap niya?" masayang tanong ni Jocas at itinaas ang magkabilang kamay. "I am the Slayer, guys! Come on! High rank official kayo pero hindi kayo aware sa trabaho ko? Pakilabas nga si Otwell at kami ang mag-uusap."
Napalunok na lang ang mga nasa balcony. Tumingin silang lahat sa sahig ng arena. Bumagsak ang katawan ni Mister J mula sa itaas. Naliligo na ito sa sariling dugo at pansin ang nakalabas na talim ng kutsilyo sa batok nito.
"Mukhang kailangan na ng bagong acting president ng MA," nakangiting sabi ni Jocas at itinuro na ang mga nasa balcony. "May magsasalita pa ba? Game! Next process na tayo, dali! Sino ang susunod?"
"Pa . . . paano?" gulat na tanong ng Ranker na kaninang kausap ni Jocas. "Paano mo . . . paano mo naabot ang ganoon kalayong—"
Natuon ang atensiyon ni Jocas sa Ranker na kausap. Halata ang matinding gulat at takot dito habang nakatitig sa kanya.
"May sinasabi ka?" tanong ni Jocas.
"P-Paano mo ginawa?"
"Ginawa ang alin?"
Itinuro naman ng Ranker ang katawan ni Mister J. Kasunod ang balcony na sa tantiya nilang lahat mula sa kinatatayuan ay higit limampung metro ang layo.
"Sino ka nga uli?" usisa ni Jocas sa kausap.
"Mu . . . Rank 10 Class D, Xyviro," pagpapakilala ng Ranker.
"Oh! Class D! Explosives ang forte." Napatango si Jocas at napaisip na hindi gaanong magaling sa combat fight ang mga Class D dahil sanay ang mga ito sa long range at tactical duty, lalo pa't Rank 10 lang iyon. Masyadong mababa para isabak sa laban na siya ang kakalabanin.
"Ito ang issue ko sa mga high rank official," kuwento ni Jocas at humakbang na papalapit kay Tank. "Pumapayag sila sa termination process ng mga nakaka-survive sa Annual Elimination. Hindi nila tinitingnan na inuubos nila ang mga newbie na wala pa namang alam sa elimination process. Kawawa naman ang mga gaya mong hindi pa nagtatagal sa trabaho, kailangan nang i-terminate."
Inalis ni Jocas ang piring ni Tank paglapit niya rito. Nakangiti ang lalaki sa kanya nang magtama ang mga tingin nila.
"Alam mo, humahatak ka lang lalo ng mga problema, Erajin," paalala ni Tank. "Kaya mo naman kaming pataying lahat. Bakit 'yong bagong palit pang executive officer ang pinatay mo?"
Matamis lang ang naging ngiti ni Jocas bago sumagot kay Tank. "Resigned na 'ko, Tank. Papatayin ko ang kahit sinong gusto kong patayin. Hindi na kita tutulungan sa posas mo, ha? Alam mo na ang gagawin."
Natawa si Tank at wala pang ilang sandali ay nakakalas na ang posas nitong suot at ipinakita kay Jocas. "Baka kailanganin ni Silver." Ibinigay nito kay Jocas ang maliit na metal na ginamit pang-susi sa posas na suot.
"Thanks!" masiglang pasalamat ng babae at lumapit na kay Silver na nasa kabilang direksiyon kung nasaan sila nakatayo.
"Ikaw ba ang nagpatulog sa 'kin sa auction?" tanong ni Jocas sa lalaking nakapiring sa harapan niya.
Ngumisi ito at bigla ring nawala pagkatapos. "Hindi ko pinagsisisihan."
Natawa na lang din si Jocas at sinusian na lang ang posas ng Ranker na kaharap. "Gigil ka talaga sa 'kin, ano?"
"Sino ba'ng hindi?" Inalis ni Silver ang piring sa mata at masamang tingin ang ibinigay kay Jocas. "Huwag kang umasang may magpapasalamat sa 'yo dahil hindi mo kami t-in-erminate."
Nakangiti pa rin si Jocas kahit na nakataas ang kaliwang kilay. "You're welcome."
"RYJO," pagtawag ng matinis na boses sa entrance ng arena.
Nagtinginan ang lahat sa nagsalita. Pinanood nilang lahat si Laby na lumapit sa kanila.
"Oh! The spokesperson!" masayang pagbati ni Jocas. "Long time, no see, Labyrinth."
"Magmi-meeting uli sila para sa termination process," balita ni Laby na naglalakad papalapit sa kanila. "Mukhang matatagalan sila dahil patay na si Mister J."
"Dapat lang," sagot ni Jocas. "Maghanap sila ngayon ng pagsusumbungan."
Napailing si Laby dahil sa sagot ni Jocas. "Pinababalik na sa trabaho ang mga narito. Walang ibang bababa rito para mag-announce."
"Sigurado ba sila diyan?" paniniguro ni Jocas.
Bumuga ng hangin si Laby. Halatang wala na talagang magagawa ang desisyon ng mga kasama niya sa balcony kundi ang pakawalan ang mga Ranker na dapat ay sasalang sa live termination.
"Kapag pinilit ang termination ngayon, baka lalo lang maubos ang tao sa executive department." Inilipat ni Laby ang tingin sa mga Ranker na naroon habang pinakakawalan ang mga ito ng mga dumating na guard. "Walang rank up this year. And I am hoping, alam na ninyo ang dahilan kung bakit." Saglit na sinilip ni Laby si Jocas para tukuyin ito bilang dahilan. "Disperse!"
♦ ♦ ♦
BINABASA MO ANG
Project RYJO 2: The Slayer's Creed
ActionPagkatapos ng ilang taong hindi pagpapakita, nagising ang primary identity ni RYJO sa kalagitnaan ng Annual Elimination. Sinira nya ang Elimination Process at inilabas ang totoong pagkatao ni Shadow na anim na taon nang patay sa mata ng Associations...