Hindi niya gusto ang nangyayari. Hindi iyon ang inaasahan niya sa plano nila ng primary identity niya.
"Hindi siya puwedeng dalhin sa mga Superior," bulong ni Jocas sa sarili habang nilalakad ang hallway ng floor 4B. May nakakasalubong siyang mga Ranker na hindi siya napupuna noong una, ngunit nang mapagtatantong siya si RYJO ay biglang matitigilan.
"Don't tell me, isasangkalan mo na naman kami para sa gusto mo?"
Natigilan si Jocas sa paglalakad nang marinig ang boses na iyon sa loob ng utak niya.
"Hindi mo naiintindihan," matigas niyang tugon sa sarili dahilan para pagtinginan siya ng ibang Ranker na hindi siya kilala.
Tinanaw niya ang dulo ng mahabang pasilyo. Nanatiling puti ang mga dingding, ngunit pakiramdam niya ay may humahatak na kung ano sa kanya mula sa pader.
"Hindi nagtagumpay ang plano mo. Simulan naman natin ang plano ko."
"Huwag, Erah!" sigaw ni Jocas at bigla siyang nagtakip ng tainga.
Nilingon na naman siya ng mga Ranker na nakakasalubong. Inalam saglit kung ano ba ang problema niya.
"Hey, okay ka lang?"
Ngunit huli na para pigilan pa niya . . .
Dahan-dahan niyang ibinaba ang magkabilang kamay. Unti-unting inangat ang mukha at mas lalong naging matalim ang kanyang tingin. Pumostura siya at nakataas ang isang kilay nang tingnan ang nakasalubong na Ranker na huminto para tanungin siya.
"Ayos ka lang ba?" tanong ng lalaking Ranker na may hawak na folder.
"Nasaan si Shadow?" deretsahang tanong niya rito.
Saglit na nag-isip ang Ranker na nakatingin sa kanya. "May order ba tungkol sa kanya?"
Hindi nagustuhan ni Erah ang narinig na sagot sa kanya ng kausap. Hinila niya agad ang damit nito at halos ibalibag na niya sa pader bago sakalin gamit ang braso.
"Huwag mo akong sasagutin ng tanong, bobo." Nahagip ng tingin niya ang sign pen nitong nakasabit sa unipormeng suot. Kinuha niya iyon at itinutok ang dulo sa mata ng Ranker. "Hindi mo ba ako nakikilala, hmm?"
"Bitiwan mo siya," boses ng lalaki mula sa likuran.
Naramdaman ni Erah na may nakatutok na baril sa ulo niya. Napangisi siya at walang pagdadalawang-isip, buong puwersa niyang ibinaon ang panulat sa mata ng Ranker na sinasakal.
"Aaahh!" Malakas na sigaw ang bumalot sa pasilyong iyon.
Hindi pa man nakakalabit ng Ranker ang gatilyo ay pumihit na si Erah pakaliwa at sinaksak niya ang leeg nito gamit ang hawak na sign pen. Mabilis niyang kinuha ang hawak nitong baril at nagpaputok nang sunod-sunod. Pinatamaan ang lahat ng Ranker na naroon sa pasilyo at nakasasaksi sa ginawa niya.
"Bakit ba pinalilibutan ang lugar na 'to ng mga taong hindi marunong sumagot nang deretso?" malakas niyang reklamo habang pinagigitnaan ang mga salita niya ng bawat putok ng baril at pagbagsak ng basyo ng bala sa sahig.
"Wala bang sasagot sa tanong ko? Nasaan si Shadow?!"
Isang Ranker ang nagtaas ng kamay nang makalapit na siya sa elevator. Takot na takot ito at nagmakaawang huwag niyang patayin.
"N-Nasa 5th floor. Nasa 5th floor siya! Parang awa mo na, huwag—huwag mo akong patayin—"
Nanatiling nakatutok ang baril sa Ranker na sumagot. Ngumiti naman si Erah.
"May makakasagot naman pala sa tinatanong ko. Gusto pa ninyong nasasaktan." Naghawi ng buhok si Erah at dumeretso sa elevator. Tinaasan niya ng kilay ang Ranker na nakatitig sa kanya. Nakataas lang ang mga kamay nito habang nanginginig sa takot. "Nasaan siya sa 5th floor?"
BINABASA MO ANG
Project RYJO 2: The Slayer's Creed
AcciónPagkatapos ng ilang taong hindi pagpapakita, nagising ang primary identity ni RYJO sa kalagitnaan ng Annual Elimination. Sinira nya ang Elimination Process at inilabas ang totoong pagkatao ni Shadow na anim na taon nang patay sa mata ng Associations...