Muling nakipagkita si Dmitri sa dalawang pribadong imbestigador na inatasan niyang mangakalap ng mga impormasyon tungkol sa mga taong posibleng nasa likod ng mga kakaibang pananakot sa kanilang pamilya.
"Sir, narito po ang mga impormasyong nakalap namin ni Estrada," ani ng isa sa mga lalaking imbestigador, na si Inspector Rolando David matapos mailapag sa lamesa niya ang ilang pirasong folder.
Una niyang binuksan ang ikatlong folder mula sa kanyang kaliwang kamay.
"Sir, ayon sa mga impormasyong nakuha ko, nang mamatay siya ay tuluyan ng nabaliw ang kanyang asawa dahil sa pagkamatay din ng kanilang nag-iisang anak. Iniwan ang babae ng kanyang mga kapamilya hanggang sa nabalitaan na lang nilang napatay siya dahil sa pagkasagasa ng isang trak," paliwanag ni Inspector Sonny Boy Estrada habang matama pa rin siyang nakatingin sa laman ng nasabing folder.
Ilang beses siyang napalunok dahil sa kanyang mga nalaman. Muli siyang inuusig ng kanyang konsensya. Naisip niyang hindi lang ang buhay ng lalaking iyon ang kanyang binawi noon kundi ang buhay ng asawa't anak nito na walang kalaban-laban.
Muli ring nagbalik sa kanyang isipan ang karumal-dumal niyang pagpatay sa pitong taong may kinalaman sa pagkamatay noon ng kanyang kakambal na si Vladmir. Sa kabila pala ng ilang taon niyang pagkakakulong ay tila hindi pa rin iyon sapat upang mapagbayaran niya ang pagkitil sa kanilang mga buhay. Hindi niya masisisi ang kaluluwa ng kanyang kakambal dahil pumayag siyang maging kasangkapan sa paghihiganti nito. Siya mismo ang pumatay sa kanilang pito kaya hinding-hindi matatahimik ang kanyang kalooban. Marahil iyon na ang panghabambuhay na kabayaran ng kanyang mga ginawa.
"Sir, okay lang po ba kayo?" usisa ni Inspector David nang mapansin nito ang kanyang pananahimik.
Bahagya na lamang siyang tumango kasunod ang paghinga ng malalim upang kahit paano ay lumuwag ang kanyang nararamdaman.
Marahan niyang inilapag ang folder na iyon. Sa pagkakataong ito ay dinampot naman niya ang unang folder mula sa kanyang kanang kamay.
"Mula nang mamatay siya ay nanirahan na ang kanyang buong pamilya sa Jeju Island, South Korea," panimula ng paglalahad ni Inspector David nang buksan niya ang nasabing folder. "Itinuring na lang nilang malaking dagok o isang masamang panaginip ng kanilang buhay ang pagkamatay niya. Kaya hindi na rin sila nagsampa pa ng kaso laban sa inyo noon," dagdag pa nito.
Ilang minuto lamang niyang sinuri ang mga laman ng nasabing folder. Agad niya itong ibinalik sa mesa at kinuha ang kasunod na folder.
"Isa ang pamilya niya sa mga nagsampa ng kaso laban sa inyo, Sir. Pero wala namang konkretong ebidensya laban sa inyo, kaya ibinasura iyon---" ani Estrada.
"Sa palagay n'yo, tuluyan kaya nilang natanggap na napalaya ako?" putol niya sa sinasabi nito.
Nagkatinginan lang ang dalawang imbestigador dahil sa kanyang katanungan. Alam naman niya ang sagot doon pero may hinala kasi siyang isa sa pamilya ng mga ito ang nanggugulo sa kanilang buhay ngayon.
Iyon ang ikinakatakot niyang mangyari noon pa man. Madadamay ang kanyang pamilya sa paghihiganti ng mga taong kinitilan niya ng mga mahal sa buhay. Sigurado akong hindi sila titigil hanggang hindi kami nasasaktan o napapatay, ang mga katagang ito ang tila patalim na unti-unti pumapatay sa kanya.
"Sa palagay ko po, may isang taong naghihiganti sa inyo pero---"
"Sandali lang," pinutol niya ang sinasabi ni Estrada dahil sa biglang pagtunog ng kanyang telepono. Agad niyang pinindot ang speaker nito upang makausap ang kanyang sekretarya.

BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)
Детектив / ТриллерBook 2 | IKWKM Trilogy July 2007, pitong tao ang pinatay ng isang serial killer, si Dmitri Morris upang pagbayarin sila sa kanilang mga nagawang kasalanan pitong taon na ang nakakalipas... Sapat na nga ba ang pananatili ni Dmitri sa kulungan sa loob...